Sobre Rojo (Episode 17): Ang Dalawang Piitan

Standard

This is an adaptation of Fingersmith by Sarah Waters.

Remember, the episodes are compiled in the Shows tab.

Please, please, please feel free to leave your comments, enjoy reading! You know it’s easier for a writer to update faster if she gets comments, and they wouldn’t hurt a bit to type🙂

Geri
____________________________________________

Nagising ang dalaga sa tilaok ng tandang. Dahan dahan siyang bumangon ng matuklasan ang kakaibang sakit ng kaniyang ulo. Nangitim ang ilang bahagi ng kaniyang kayumangging balat, habang ang ilan ay may mga tapal ng dahon. Naubo ng sunod sunod ang dalaga, at huminga ng isang malaking lagok ng hangin ng matuklasang sariwa ang hangin sa kaniyang paligid. Hinagap pa niya mula sa kaniyang ala-ala ang naganap sa nakaraan. Ang salu-salo sa ilalim ng mansiyon. Ang rehas ng bakal. Ang naamoy niyang usok. Si Camilo de Guzman na walang saplot pang-ibaba. Ang nasusunog na mansiyon. Si Ophelia. Napatayo mula sa kaniyang hinihigaan si Sining ng maalala ang kaniyang amo. Sabay naman nito ang pagbukas ng pinto sa silid. Nandoon si Lucas, may dalang palangganang may tubig at basahan.

“Huwag mong puwersahin ang iyong sarili, Sining, kailangan mong magpahinga,” ani Lucas. Ibinaba niya ang palanggana at basahan sa lamesita sa tabi ng papag na hinigaan ni Sining.

“Maayos na ako, Lucas,” sagot ni Sining. Hinawakan siya ni Lucas sa magkabilang balikat at halos puwersahing maupo. Ibinabad ng binata ang basahan sa tubig ng palanggana, piniga, at pinunasan ang mukha ni Sining. Iniwas ng dalaga ang kaniyang ulo. Bumuntong hininga ng malalim ang binata.

“Ano ba ang gusto mo, Sining?” ani Lucas.

“Ako ay nagugutom,” ani Sining, sabay hawak sa kumakalam na sikmura.

“Eto, punasan mo ang iyong sarili, ipagluluto kita ng agahan,” sagot ni Lucas sabay abot ng basahan kay Sining. Lumabas ng silid ang binata at sinimulan ng dalagang linisin ang kaniyang sarili. Kay labo pa ng kaniyang ala-ala. Hindi niya maisip kung paano siya napunta sa kubo na iyon. Ni hindi man lamang niya alam kung kaninong bahay iyon o kung nasaang lugar siya. Sa bintana sa labas, pumutok na ang bukang liwayway at nakakita siya ng isang lalaking palakad lakad. May itak na nakatali sa kaniyang sinturon.

Matapos ang labing limang minuto ay muling pumasok si Lucas, tangan ang isang platong may sinangag na kanin, isang pirasong inihaw na tawilis, at dalawang pritong itlog, at isang basong tubig. Dali daling kinuha ni Sining ang pinggan mula sa kaniyang kaibigan at nilantakan ang almusal. Sa hinagap ni Sining ay mahigit isang araw na siyang hindi kumakain.

“Pasensya ka na. Ang kanin ay kagabi pa, isinangag ko na lamang. Ang tawilis ay kasama din sa mga tira mula kagabi, tanging ang itlog lamang ang sariwa,” ani Lucas. Ngunit hindi pa tapos ang binata sa pagpapaliwanag ay naubos na ni Sining ang almusal.

“Kulang pa ba? Magkakatay ako ng manok,” ani Lucas na nagulat.

“Ayos na ako, tubig,” sagot ni Sining. Dali daling kinuha ng dalaga ang baso ng tubig mula sa naghihintay na kamay ng kaniyang kaibigan at inubos ang laman nito sa isang lagukan. Ibinaba niya ito sa lamesita.

“Ngayong busog na ako, maaari na tayong mag-usap,” ani Sining.

“Ano ba ang nais mong malaman?” tanong ni Lucas. Naupo siya sa tabi ng dalaga.

“Una sa lahat, nasaan tayo?” tanong ni Sining. Naubo ang dalaga at tinapik ni Lucas ang kaniyang likuran.

“Nandito ka pa din sa Pampanga, sa bahay ng isa sa mga kasapi ng ating samahan, si Tino. Isa siyang kaibigan na aking mapagkakatiwalaan kaya dito ko napiling lumagi ka,” sagot ni Lucas.

“Paano ako napunta dito?” tanong ni Sining.

“Dinala ka namin kasama ng ibang mga kasapi dito matapos kitang matagpuan sa likod ng mansyon habang ito ako nasusunog,” sagot ni Lucas. Napansin ni Sining na matipid sumagot ang binata. Iniwasan din niyang banggitin na hindi lamang si Sining ang nag-iisang nakalabas ng nasusunog na mansyon. Sigurado ang dalagang binuhat niya palabas ang kaniyang amo.

“Bakit hindi kayo tumupad sa usapan? Ang usapan ay hihintayin ninyo akong makalabas bago ninyo susunugin ang mansyon. Muntik na akong mamatay, Lucas!” ani Sining.

“Patawad, Sining. Wala sa amin ang may alam na nandoon ka pa sa loob. Binigyan ka namin ng higit pa sa sapat na oras upang makalabas bago namin sinunog ang mansiyon. Ano nga ba ang nangyari sa iyo at hindi ka agad nakalabas?” tanong ni Lucas.

Tinimbang ng dalaga ang isasagot. Kapag sinabi niya ang totoo, maaaring mapahamak niya si Ophelia. Ni hindi niya alam kung hawak na ng samahan ang kaniyang amo. Ang sigurado lamang niya ay hindi nasunog kasama ng bahay ang dalaga, at kung hindi pa siya ginagalaw ng grupo ni Lucas, buhay pa ito. Tumingin ang dalaga sa matalik na kaibigan. Mabait si Lucas, at kung hindi kinakailangan para sa himagsikan, ni langaw ay hindi magagawang mapagbuhatan ng kamay nito. Ngunit alam niyang hindi lingid kay Lucas ang namagitan sa kanila ng kaniyang amo noon. Alam niyang sa unang pagkakataong makuha nito, kung maaari, tatanggalin niya si Ophelia sa kaniyang landas.

“Maraming iniutos sa akin si Camilo at si Ophelia kaya’t naantala ako,” sagot ni Sining. Nakita niya ang dismaya sa mukha ni Lucas. Alam niyang alam ng binata na pinagtatakpan lamang niya ang kaniyang amo. Kung gayon ay hawak, o nahawakan nila si Ophelia. Hindi niya naialis ang pag-aalala sa kaniyang tinig ng isipin kung ano ang maaaring ginawa nila sa kaniyang amo upang mapaamin ito. Maging siya mismo ay hindi pa lubos maarok sa kaniyang hinagap ang paglilinlang na ginawa sa kaniya ni Ophelia at ni Camilo at nais din niyang malaman kung bakit at paano, ngunit sa isang masinsinang usapan at hindi sa marahas na paraan.

“Lucas, noong lumabas ako ng bahay..” panimula ni Sining, “hindi ako nag-iisa.”

Tumikas ang mga kamay ni Lucas sa mga kamao at napatayo ang binata.

“Alam ko, hindi mo na dapat iyon ginawa, Sining! Nais mo bang malagyan pa ng dugo ang aking mga kamay?” sagot ni Lucas.

Napatayo din si Sining. “Wala sa ating plano ang paslangin si Ophelia! Gagamitin siyang pain laban sa kaniyang ama.”

“Ang kerida mo ay wala ng gamit sa atin,” sagot ni Lucas. Napakunot ang noo ni Sining.

“Patay na si Don Arturo. Tinambangan namin siya habang siya ay pauwi. Ako mismo ang bumaril sa ama ni Ophelia. Gaya ng sabi ko, wala na siyang gamit sa atin. Kaya napagpasyahan naming sunugin na lamang siya kasama ng mga kastila sa mansiyon na iyon. At natural, Sining, kailangan mong sirain ang lahat. Kinailangan mong iligtas ang babaeng iyon matapos ang panlilinlang niya sa iyo!” sagot ni Lucas. Nakumpirma ni Sining na alam nga ni Lucas ang tunay na nangyari. Hinampas niya sa dibdib ang kaibigan.

“Ano ang ginawa ninyo kay Ophelia?!” ani Sining. Kinumbol niya ang kuwelyo ng kamisetang suot ni Lucas sa kaniyang kanang kamay. “Ito ang tandaan mo, Lucas, wala akong paliwanag sa ginawa sa akin ni Ophelia, ngunit kung nilinlang man niya ako, patas lamang kami sapagkat sa unang banda, napunta ako sa mansiyon ni Don Arturo Buenaventura upang linlangin ang kaniyang nag-iisang anak na dalaga. Naunahan lamang niya ako,” ani Sining. Tinanggal ni Lucas ang pagkakahawak ng dalaga sa kaniyang damit.

“Oo, naatasan ka upang maging lingkod ni Ophelia, ngunit hinigitan mo pa ang iyong sinumpaang tungkulin. Magaling,” pumalakpak si Lucas. “Mag-ingat ka, Sining. Huwag mong hayaang makarating kay Kapitan Gani ang iyong nararamdaman para sa putang iyon. Kahit pa tiyuhin mo siya, sigurado akong hindi ka niya sasantuhin kapag malaman niya. At baka hindi na kita kayang maipagtanggol.”

“Hindi kita kailangan upang ipagtanggol ako, Lucas,” ani Sining. Puno ng panunuya ang kaniyang tinig.

“Hibang ka na, Sining. Hindi ka na nararapat para sa himagsikan. Mananatili ka sa silid na ito hangga’t matapos ang digmaan. Pagkatapos ay babalikan kita upang pakasalan at bubuo tayo ng pamilya sa bagong lipunan,” ani Lucas.

“Ikaw ang hibang,” sagot ni Sining. Dinuraan niya si Lucas sa mukha. Pinunasan ito ng binata.

“Mananatili ka dito upang pagsisihan ang iyong mga kasalanan at manumbalik sa akin,” ani Lucas.

“Sino ka sa tingin mo upang pumayag ako–” ngunit hindi na natapos ni Sining ang sasabihin nang isara ni Lucas ang pintuan sa kaniyang mukha. Mabilis na kinandado ni Lucas ang pintuan bago pa ito mabuksan ng kababata. Susubukan sana ni Sining na lumabas
sa bintana ngunit andoon agad ang lalaking nakita niyang palakad lakad kanina na may itak sa sinturon. Ilang segundo pa, katabi na rin ng lalaki si Lucas. Isinara at ikinandado din ni Lucas ang bintana na gawa sa kawayan na tila rehas.

“At ikukulong mo ako dito? Sa kawayan na kubong ito, iyan ang iyong solusyon? Kakatakas ko lamang sa isang nasusunog na mansiyon na gawa sa bato matapos mapiit sa likod ng mabigat na bakal na rehas,” ani Sining.

“At ang nagdala sa iyo sa likod ng rehas na iyon ay ang babaeng iniligtas mo,” sagot ni Lucas. “Ikaw din ang may kasalanan, Sining. Kung pinabayaan mo na lamang sana siyang masunog sa loob ng mansiyon, namamayapa na sana siya ngayon at hindi nahihirapan.”

“Ito nga pala si Tino, siya ang magbabantay sa iyo. Huwag mo ng ipilit, Sining. Malapit ng dumating ang bagong lipunan, at ako ang karapat dapat na makasama mo upang harapin iyon. Pakakasalan kita, Sining. Ako ang nararapat para sa iyo.” Hinawakan ni Lucas sa balikat ang kaibigan na si Tino at nagtanguan ang dalawa. Tumingin siya kay Sining sa huling pagkakataon at naglakad paalis. Nakita ng dalaga na sumakay ito sa kaniyang kabayo, si Orosman. Tumakbo ang kabayo hangga’t sa maglaho na ang dalawa sa kaniyang paningin.

“Saan siya pupunta?” tanong ni Sining kay Tino.

“Sa kuta ng katipunan dito sa Pampanga,” matipid na sagot ng lalaki.

“At saan iyon?” muling tanong ni Sining, ngunit hindi na siya pinansin pa ng lalaki.
_________________________________________
Kumatok ang binata sa silid ng maliit na kubo na napapaligiran ng dalawang mas malaking kubo sa gitna ng kakahuyan. Sa labas, may ilang lalaking naglilinis ng baril, naghahasa ng mga itak, at nagpapanday ng mga bolo. Ang ilang kabataan ay tulong tulong sa paghahakot at pagsisibak ng panggatong ng kahoy. Ang mga kababaihan naman ay nagpapakain ng manok. Binuksan ng bantay na nasa loob ng kubo ang pintuan para kay Lucas at pumasok ang binata sa silid kung saan nila inilalagak ang kanilang mga preso. Sa pagkakataong iyon, isang babae lamang ang nakasalampak sa isang sulok ng maliit na kubo, nakatali ang mga kamay at paa. Nakayuko ang ulo nito kaya tanging ang kulot at magulong kulay tsokolateng buhok lamang niya ang kita.

“Hindi siya kumain ng almusal,” ani ng bantay na nakaupo sa may pintuan, sabay turo sa hindi nagalaw na plato ng kanin at pritong itlog.

“Maraming salamat, Ka Puroy. Mangyaring iwanan niyo muna kami,” ani Lucas. Ngumiti ang matandang katipunero, kinuha ang bolo na nakalatag sa sahig, at lumabas ng kubo. Nang masigurado na ni Lucas na malayo na ang matanda ay pininid niya ang pintuan ng silid at lumapit sa bihag.

2 responses »

  1. Hmm.. thank you at nagkaroon na ulit na kasunod na kwento ung nakaraan.. matagal na panahon din.. mabuti naman at naging maayos ka.. kung hindi dhil sa kwento mo di q mapapanood ung original film na fingersmith.. nabasa qna rin sya sa book.. nakagawa na rin aq ng short clip sa youtube about kay maud and sue.. (babymavis29) .. wla pang makatalo sa galing ng kwento nla kumpara sa iba.. keep up!!!

  2. Kelan n ang su2n0d n chapter?mas lalu nkung n’eexcte s kwento nla.. Mrmi akung ndi in’expect n mangy2ri.. Kya dun aku n’thi2rlle..at ndi ku dn alm ung kwento nung fingersmith

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s