Sobre Rojo (Episode 15): Ang Tinig ni Ophelia

Standard

This is an adaptation of Fingersmith by Sarah Waters.

I know there had been a long wait for this one, and it’s not particularly long. That is because this chapter is supposed to bridge Book I of the story to the second book.

Let me tell you a bit about what has happened to me during the time that I was not posting. I graduated from college, went to the US, and then came back, and now I am a freshman in law school. So there.

Remember, the episodes are compiled in the Shows tab.

Please feel free to leave your comments, enjoy reading!

Geri
_________________________________________________________________

Nakita ko ang pagkalito sa kaniyang mga mata nang ihayag ni Camilo ang kaniyang pangalan. Inasahan ko na iyon ang gagawin ng lalaking iyon, ang magarbong palabas, ang mahabang pagpapakilala. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang mag-abala para sa aming pagpapakasal, at sa salu-salo matapos, ngunit nang tumagal ang panahon at lalo kong nakilala si Camilo, naintindihan kong sadyang ganoon ang kaniyang pagkatao. Bunsong anak si Camilo, at hindi gaanong napagbalingan ng atensyon ng kaniyang ama noong ito ay nabubuhay pa, kaya naman sa bawat pagkakataon na maaari ay magyayabang ito. Isa lang ang kahambugan ni Camilo de Guzman sa mga dahilan kung bakit hinding hindi ko siya maaaring maging nobyo.

Ang pagkalito sa mga mata ni Sining ay agad na napalitan ng pagkamuhi. Nakita kong hinanap niya ako sa gitna ng kaguluhan, at sinundan ng tingin ng kayumanggi niyang mga mata ang laylayan ng aking saya na naglaho sa pintuan. Kinailangan kong umalis sa silid na iyon, ayaw ko sanang ang huling ala-ala na mayroon ako kay Sining ay ang masasakit na salitang maari niyang bitawan sa akin. Ginawa ko lamang ang bahagi ko sa kasunduan at wala akong pinagsisisihan. Pinamili ako ni Camilo, at pinili kong maging malaya. Ngayon, kailangan na lamang niyang siguraduhing mangyayari iyon.

Labing apat na taon lamang ako noong una kong nakita ang taong makapagbabago ng aking buhay. Kamamatay lamang ng aking ina, at sa burol, dumalaw siya, dalawampu’t dalawang taong gulang na binata at nag-iisa. Bagong talaga lamang siyang kapitan noon ng gwardya sibil sa Malolos, at nagbigay galang siya sa aking ama. Iyon ang narinig ko base sa mga kwento niya sa mga kausap. Palibhasa ay makisig at isa sa pinakabatang kapitan, parating napaliligiran si Camilo noong araw na iyon. Halos wala namang sumisilip sa ataol ng aking ina, lahat ng dumalaw ay abala sa pakikipagsosyalan. Nandoon ako, nakabantay sa gilid ng kabaong, nang lumapit siya sa akin. Hanggang dibdib lamang niya ang taas ko noon.

“Hindi nababagay ang nakaririmarim na puwestong iyan para sa isang dalagang katulad mo,” aniya. Iniabot niya ang kaniyang braso, waring umaasang kukuhanin ko ito. Noon ko siya unang kinamuhian.

“Ang nakaririmarim na puwestong ito ay sa tabi ng aking ina, na namatay,” sagot ko. Nagpaumanhin siya at umatras. Marahil nabatid niya na hindi ako ang tipo ng babaeng mamumula ang pisngi dahil sa mga titig niya. Nagpaalam siya noong araw na iyon at umalis. Ngunit bumalik din siya kinabukasan, at kinabukasan pa, hanggang sa ilibing ang aking ina. Noong salu-salo matapos ang libing ikinuwento niya kung paanong siya ay ulila na din. Pinaslang daw ang kaniyang mga magulang ng isang bandidong nagngangalang Sobre Rojo. Alam ko noon na dapat ay malungkot ang kaniyang kuwento, ngunit hindi ko makuhang makisimpatya. Sa paraan ng paglalahad niya, halatang ginagamit lamang niya ang pangyayaring iyon upang mapalapit sa akin. Humingi ako ng tawad na nangyari iyon sa kaniya, sabay umalis upang kumuha ng tsaa sa mesa.

Nagpatuloy ang pagdalaw ni Camilo sa aming bahay ng ilang linggo. Kung ano man ang pakay niya sana noon ay hindi umusad. Nanatili akong malamig at walang pakialam sa kaniya. Ngunit hindi natinag ang kapitan. Hindi nakatulong sa akin na nagustuhan siya ng aking ama. Kaya naman ilang araw pa lamang ang nakakalipas magbuhat nang ilibing ang akin ina ay nagsimula nang pormal na manligaw sa akin si Camilo. Hindi naging katanggap tanggap ang kaniyang presensya. Mas pipiliin ko pang basagin ng mahinang patak ng aking pintura ang katahimikan ng mansyon kaysa makinig sa mga kwento niyang siya lamang ang bida.

Noong mga panahong iyon ay di ko pa naiisip na gamitin ang pagpapakasal kay Camilo bilang paraan upang makalaya, sapagkat hindi ko pa nararamdaman na ako ay nakakulong. Para sa akin, ako ay nananatiling anak ng alcalde mayor, pinagpala sa yaman, may karapatan sa kaunting edukasyon at mga luho ng pagpipinta, wala nga lamang ina. Ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago simula nang makilala ni papa ang alak. Bilang isang taong may mataas na posisyon sa lipunan, sanay ang aking ama na umiinom, ngunit hindi ang naglalasing. Marahil dahil sa pangungulila sa aking ina, natutuhan ni papa ang hiwaga ng alak. Sa pangkalahatan ay mabait naman sana ang aking ama. Noong nabubuhay pa ang aking ina ay nakita ko kung gaano niya pinahalagahan ang kaniyang asawa at pinagbuhusan ito ng pagmamahal. Hindi ako naambunan ng pagmamahal na iyon, ngunit hindi ko iyon masyadong ininda. Hangga’t may pintura sa aking mga daliri at tasadong lapis sa tabi ng aking papel ay perpekto na ang aking buhay. Ngunit ang demonyo ay dumarating sa gabi upang baliin ang mga lapis, upang bahiran ang aking kama ng kulay pula na di galing sa aking mga pintura. Ang unang gabi ay dumating nang napakabilis, at maging hanggang ngayon ay hindi pa din ako nakakabangon mula sa pagkagulat. Ang mga sumunod na gabi ay umusad nang napakabagal. Binilang ko hanggang sa kahuli-hulihang segundo ang bawat pangyayari, simula sa tuwing maaamoy ko ang alak sa kaniyang hininga, hanggang sa mawalan siya ng malay sa ibabaw ko. Kadalasan, dulot ng sobrang kalasingan, hindi humihigit ng sampung minuto ang buong eksena. Alam kong alam ni Hermana Amparo at ng iba pang mga tauhan sa mansyon ang nangyayari. Halos wala naman kasing maitatago ang bahid ng pula sa puting kumot. Ilang buwan naganap ang gayon, hanggang sa makahanap ako ng kaligtasan sa isang puting sobreng naglalaman ng liham mula sa aking Tiya sa España, ang kapatid ng aking ama.

Inaaya ako ng aking Tiya doon upang magbakasyon at makapag-aral ng pagpipinta. Sapagkat walang maibigay na dahilan ang aking ama sa kaniyang kapatid ay napilitan siyang payagan ako. Nakita ko iyon bilang pagkakataon upang makatakas. Isang taon sa España. Bahala na kung ano ang mangyari. Iyon ang aking plano. Maaari akong maglayas at maghanap ng trabaho bilang serbedora sa isang cafe. Maaari din naman akong mag-asawa ng isang sundalo, o di kaya ng isang matandang byuda, isang lalaking nasa bingit ng kamatayan at mag-iiwan sa akin hindi lamang ng yaman kundi ng kalayaan. Maaari din akong tumawid ng desyerto patungong Morocco, magpalit ng relihiyon at mag-asawa ng Muslim ubang maitago ng tela ang aking mukha gaya ng mga naririnig kong kuwento ukol sa kanila. Kahit na ano, huwag lamang akong makabalik ng Pilipinas. Isang taon ang ginugol ko sa España, at nag-aral sa ilalim ng magagaling na Kastilang pintor, ngunit ni isa sa mga balak ko ay walang nagtagumpay. Guwardiyado ako sa mansiyon ni Doña Esmeralda. Mas marami nga akong pagsasalo at kasiyahan na nadadaluhan sa España kumpara sa Malolos at Maynila, ngunit parati kong kasama ang aking Tiya o ang aking mga pinsan. Walang pinagbago ang sitwasyon ko sa Pilipinas man o sa España. Batid kong upang maisagawa ang aking mga balak ay kailangan ko ng katuwang, ngunit hindi ako nabigyan ng pagkakataong bumuo ng malalim na ugnayan kanino man sa ilalim ng mahigpit na pagmamatyag ng aking mga kaanak. Hindi ko alam na ang kakampi na hinahanap ko ay nasa lugar na aking pilit tinatakasan. Dalawang buwan bago ang aking pagbalik sa Maynila, lumiham sa akin si Camilo de Guzman.

Aking Ophelia,

Patawarin mo ako sa aking kapahangasan. Sa iilang linggong nakilala kita ay batid kong hindi ka tulad ng kung sinong babae lamang na isusuko ang pinakaaalagaang dignidad dahil lamang sa mga mapanlinlang kong salita. Ang subukan pang gawin iyon ay pag-insulto sa iyong katalinuhan at pagsasayang sa aking oras. Kaya naman hangga’t maaari, pipilitin kong alisin ang palabok sa aking liham. Simple lamang naman ang aking hinahangad; una, ang marating ka ng liham na ito na nasa maayos na kalagayan, at pangalawa, na mga mata mo lamang ang lumapat sa aking mga titik.
Hindi na ako magpapatumpik tumpik. Alam kong alam mo na kaya lamang ako nagkainteres na makipagmabutihan sa iyo ay upang mapataas ang aking posisyon sa lipunan. Ang maging manugang ng isang Don Arturo Buenaventura ay sapat ng dahilan upang maitaas ang aking ranggo, at mapamunuan ang mga kawal ng pinakamahahalagang siyudad lupang iyong nilisan. Ngunit batid ko buhat noong una kitang makausap ay hindi magiging madali ang mapalapit sa iyo, at sa ilang linggong pagdalaw dalaw ko, nabatid ko din na ang ligawan ka ay hindi ang pinakamahusay na dahilan upang makamit ko ang aking mga pangarap. Kaya naman noong lumisan ka ng walang paalam sa akin ay nag-isip isip ako kung paano ko magagamit ang isang binibining tulad mo. At sa wakas, matapos ang ilang buwan ng pagmamasid, ang sagot ay lumabas sa bibig ng isang dalahirang indiyong itago natin sa pangalang Hermana Amparo. Noong gabing iyon ay dinalaw ko ang iyong ama-nangungulila na siya sa iyo. Pasalubong ko sa kaniya ang isang bote ng lambanog sapagkat galing ako noon ng Laguna. Sa ikaapat na baso ng lambanog ay batid kong malapit nang malasing ang iyong ama, at noon, nabanggit sa akin ni Hermana Amparo kung ano ang nangyayari sa tuwing nalalasing ang alcalde mayor. Nabatid ko na maaari kong ipangako sa iyo na ilayo ka sa iyong ama kapalit ng kamay mo sa kasal. Handa na sana akong lumiham sa iyo upang ilahad ang aking plano, ngunit isa pang magandang balita ang tumambad sa aking harapan, sa imahe naman ng isa pang indiyong nagngangalang Olga Abad, at nakabuo ako ng isang enggrandeng planong nangangailangan lamang ng iyong oras, at dalawang pekeng singsing. Hindi mo kailangang matali sa akin habang buhay, Ophelia. Nais ko lamang ibigay sa iyo ang kalayaang nararapat sa iyo. Ang tulad mo ay hindi nababagay sa apat na sulok ng isang madilim na silid sa malayong bahagi ng daigdig. Sa iyo ang mundo, Ophelia. Ako ay pintuan lamang. Mangyaring lumiham ka kung ikaw ay interesado. Kung hindi, ako ay maghahanap ng ibang dalagang bubuo sa aking mga hangarin.

Sa Iyo,
Jose Camilo de Guzman
Kapitan ng Guwardya Sibil
Pampanga, las Islas Felipenas

Naghintay ako ng ilang araw bago lumiham ulit sa kaniya. Ayokong magmukhang sabik na sabik. Kung papayag ako sa plano ni Camilo, ito ay dahil kailangan niya ako, hindi ang kabaligtaran noon. Ngunit interesado akong malaman ang tungkol sa ikalawang indiyo, kaya naman matapos ang ikatlong araw ay lumiham ako sa kaniya.

Kapitan de Guzman,

Ginoo, mabuti naman at nagkakasundo tayong hindi ang pag-aasawa ang magiging sagot sa ating mga hangarin. Nagpapasalamat ako sa mga papuring inihain mo ukol sa aking ugali at talino, at umaasa akong hindi lamang palabok ang mga iyon. Batid mo ang aking kalagayan sa ilalim ng kalupitan ng aking ama sa Malolos. Ngunit nawa ay huwag mong isipin na wala akong ginagawa sa aking sarili upang baguhin ang gayong sitwasyon. Nais kong marinig ang iyong plano. Kapag mapag-aralan kong ito ay sapat, umasa kang ibibigay ko ang lahat ng kinakailangan upang tayo ay magtagumpay. Ngunit kung sa aking pagmumuni muni ay mabatid kong pulos kabutihan mo lamang ang mapapala sa katuparan ng iyong mga hangarin ay hindi na ako liliham sa iyo muli at itutuloy ang sarili kong mga balak dito sa España. Ginoo, nawa’y gandahan mo ang iyong pagpapaliwanag nang mabatid ko kung dapat nga bang dalhin ang laban pabalik diyan sa lupang aking iniwan.

Lubos na gumagalang,
Maria Ophelia Rosario Buenaventura y del Mundo
Castille, España

Matapos ng isang linggo ay natanggap ko ang sagot ni Camilo sa liham kong iyon. Makapal ang ikalawang liham ng kapitan, at nilalaman nito ang kaniyang enggrandeng balak. Nagulat ako noong una, at sa tingin ko ay hindi ito magtatagumpay. Sa tingin ko ay nababaliw si Camilo. Ngunit nagsinungaling ako sa liham ko kay Camilo. Wala akong sariling balak upang baguhin ang aking sitwasyon, at ang plano ni Camilo ay mabuti na kaysa wala. Sa mga nalalabing linggo ko sa España ay halos hindi ako lumabas ng mansiyon. Kinabisado ko ang bawat sulok at detalye ng plano ni Camilo. Isang indiyong nagngangalang Olga ay may anak na sumapi sa isang rebeldeng kilusang tinatawag na Katipunan. Ang naghikayat sa kaniya ay ang kaniyang tiyo at kapatid ni Olga, isang mataas na pinuno sa kilusang nagtatago sa pangalang Sobre Rojo. Ang Sobre Rojo na ito ang parehong taong kumitil sa mga magulang ni Camilo. Kilala ko si Olga. Siya ang matandang kung minsan ay naglalaba ng mga damit namin sa mansiyon sa Malolos.

Namatay ang anak ni Olga sa unang pagkakataong makaharap ito ng mga gwardya sibil sa isang engkwentro, at hindi mapatawad ni Olga ang kaniyang kapatid. Isang taong lumipas ay biglang naglaho si Sobre Rojo. Ang sabi ng ilan ay napatay na daw ito, ngunit alam ni Olga na buhay pa ang kaniyang kapatid at nagtago lamang bilang parte ng malaking plano para sa himagsikan. Labing isang taon na ang nakararaan buhat ng maglaho si Sobre Rojo, at ang nag-iisang anak na iniwan nito noong apat na taong gulang pa lamang ay malapit nang maglabing anim. Halos kaedad lamang ng nag-iisang babaeng anak ng alcalde mayor sa mansiyon na kaniyang ipinaglalaba. Ako. Alam niyang sinusubukan akong ligawan ni Camilo at lumapit siya kay Camilo upang mag-alok ng tulong. Hiniling niyang irekomenda ni Camilo ang kaniyang pamangkin upang maging aking lingkod, upang matulungan ang kapitang makuha ang aking loob. At ang kaniyang pamangkin ay walang iba kung hindi ang batang iniwan noon ni Sobre Rojo. Ang kapalit? Ang pangako ng kapitan na susugpuin si Sobre Rojo.

Ngunit matalino si Camilo, marunong siyang gumawa ng paraan upang mapiga ang bawat kabutihang maihahatid sa kaniya ng isang kasunduan. Kaya’t pumayag si Camilo sa gusto ng matandang Olga. Ngayon, hindi na lamang ako ang alas niya upang umangat sa lipunan. Hawak pa niya ang pinakamatinding pain upang mapalabas si Sobre Rojo sa pinagtataguan nitong lungga. Ang nag-iisa nitong anak, si Zenaida Abad.

Kaya’t lingid sa kaalaman ni Olga ay bumuo ng sariling plano si Camilo. Darating si Zenaida sa aming mansyon na ang buong akala ay naroon siya para sa isang mahalagang misyon sa Katipunan, ang lokohin ako at gawin pain ng kilusan upang masukol ang aking ama. Habang sinusubukan ni Zenaida na kunin ang aking loob, ang misyon ko ay papaniwalaing magkaibigan kami, at ang kuhanin din ang loob niya. Ang totoo ay alam ko ang tunay niyang hangarin, ngunit hindi niya alam ang sa akin. Magpapakasal ako kay Camilo, ngunit peke ang magiging papeles, upang papaniwalain si Zenaida na nagtagumpay siya sa kaniyang misyon. Pagkatapos ay isasama ko siya sa isang salu-salo sa ilalim ng mansiyon ng Tiya ni Camilo. Doon namin siya ikukulong at hihintayin ang pagdating ni Sobre Rojo.

Napakasimple ng aking gagawin, ang magpanggap. Isa itong bagay na madali para sa akin sapagkat ako ay isang artista. Sa ilang linggong nalalabi ko sa España at sa ilang araw patungo sa una naming pagkikita ng babaeng aking kakasangkapanin upang matupad ang aking mga hangarin ay tinuruan ko ang aking sarili na magalit sa Zenaida Abad na iyon. Nagalit ako sa kaniya dahil siya ay malaya, dahil siya ay walang ama na maaaring magmalupit sa kaniya, dahil nabubuhay siya para sa kalayaan ng kaniyang mga kalahi, samantalang ang sarili kong kalayaan ay ni hindi ko mapanatili. Umuwi ako sa Malolos, handa upang lokohin ang isang inosenteng babae.

At nakita ko siya sakay ng karwahe. Malinaw ang aking mata, at malayo pa lamang ay natanaw ko na ang dalagang iyon. Walang kakaiba kay Zenaida sa ganoong distansya. Ordinaryo lamang ang kaniyang mga labi at ilong. Ang kulay niya ay tulad lamang ng lahat ng mga indiyong nakakasalamuha ko sa araw araw.

At hindi nga ako nagkamali. Walang kakaiba kay Zenaida. Isang mangmang pa nga ang ipinadala sa akin ni Camilo, ni hindi marunong sumulat o bumasa man lamang. Ang masahol pa doon, alam ko na ang tingin niya rin sa akin ay isang mangmang. Ngunit ang hindi alam ng indiyong iyon na ako ang babaeng magdadala sa kaniya sa likod ng rehas. Ako ang babaeng hinding hindi niya dapat pagkatiwalaan. At gaya ng hindi niya dapat pagtitiwala sa akin, hindi ko rin dapat pinagkatiwalaan ang aking sarili.

Ordinaryo nga ang itsura ni Sining, ngunit isang bahagi niya ang tunay na pumukaw sa akin. Ang kaniyang mga kamay, nangangapal na sa kalyo. Ang mga kamay iyon ay malakas ngunit banayad humagod, magaspang ngunit maingat. Kahit nakikita ko ang galit at pagkamuhi sa kaniyang mga mata, kahit kailan ay hindi ako pinabayaan ng mga kamay na iyon. Hinagod ako ng mga kamay na iyon hanggang sa kaibuturan ng aking pagkatao, sa lahat ng paraan na maaaring mahaplos ang aking puso. At mula nang makita ko ang mga kamay na iyon ni Sining, ay nagsimula na rin na makita ko siya. Kay panglaw pala ng kulay tsokolate niyang mga mata, at kay hahaba ng kaniyang mga pilik. Walang papares sa kaniyang mga ngiti, at ang kaniyang mga labi, kung maaari lamang ay hagkan ko ang mga iyon ng panghabang buhay. Ang hubad niyang katawan, ang batak niyang balat na puno ng peklat at gasgas, kung maaari ko lamang sambahin iyon sa araw araw.

Lumipas ang mga araw, at ang pagkamuhi ko kay Sining ay napalitan ng paghahangad, na para bang siya ang hanging kinakailangan ko upang mabuhay. Natagpuan ko ang aking sarili na siya ang unang hinahanap pagmulat ng mga mata, tanging mukha na lamang ni Sining ang aking ginuguhit, minsan, habang siya ay nakaupo, minsan, kahit mula lamang sa aking gunita. Nakalimutan ko ang aking ama, nakalimutan ko si Camilo, nakalimutan ko ang plano. Ang umaga’t gabi ko ay pinuno ni Sining.

Ngunit isang araw ay dumalaw si Camilo. At kasabay niya, ay dumalaw din si Lucas kay Sining, ang kaniyang nobyo. Nagdilim ang aking paningin nang ipakilala ni Lucas ang kaniyang sarili bilang mapapangasawa ni Sining. At doon ko naalala na isa lamang din itong laro para kay Sining. Hindi ako ang buhay niya gaya ng siya na ang naging buhay ko, sapagkat may buhay siyang babalikan pagtapos ng aming sarswela. Noon ako nagpasya, hindi lamang na ituloy ang balak namin ni Camilo. Napagpasyahan ko din na kung ano man ang nararamdaman ko para kay Sining, hindi iyon ang tinatawag nilang pag-ibig.

Dahil kung ito nga ay pag-ibig, bakit ito ganito kasakit?

3 responses »

  1. Hi Geri! Kamusta? I am so pleased that you were finally able to update Sobre Rojo🙂 Seeing this now, just made my night all the more lucky. Thanks for this and looking forward to the next chapter.

    Btw, do you have tumblr?

  2. would you mind sharing it? How bout fanfiction.net account? You could totally post Sobre Rojo there! Obviously, your readers would be those who can read and understand Filipino🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s