Sobre Rojo (Episode 13): Mga Lihim at Pagtataksil

Standard

This is an adaptation of Fingersmith by Sarah Waters

As promised, albeit a few minutes late, I bring you the thirteenth episode. This episode is dedicated to my girlfriend whose birthday was yesterday. To you, I love you so much! You know that I write this whole series as my love letter to you. 

Please feel free to leave your comments.

Episodes are compiled in the Shows tab.

Naunang magising si Ophelia kaysa sa kaniyang lingkod. Alas tres pa lamang ng umaga ay namulat na siya ng isang masamang panaginip. Wala nang maalala ang dalaga sa kung ano man ang kaniyang napanaginipan, ngunit nag-iwan ito ng kabog sa kaniyang dibdib at malamig na mga butil ng pawis sa kaniyang noo. Bumangon si Ophelia at naupo. Saka pa lamang niya naramdaman ang bigat ng kamay ni Sining na nakapatong sa kaniyang tiyan. Natulog ang dalawa na magkatalikod, magkagayunpaman, tila ba hinanap ng tulog na katawan ni Sining ang init ng katawan ni Ophelia, at ngayon ay nakaharap siya dito, kamay sa beywang ng katabi, at nahihimbing. Bahagyang ibinaba ni Ophelia ang kaniyang mukha upang ilapit ito sa mukha ng lingkod. Nangiti ang dalaga sa mahinang paghihilik ni Sining.

Iniangat ni Ophelia ang isang kamay at pinaglaro ang mapuputi at mahahabang daliri sa ibabaw ng mukha ni Sining, na hindi ito hinahawakan. Bumaba ang kaniyang kamay patungo sa leeg ni Sining, sa balikat nito, pababa sa kamay na nakapatong sa kaniyang tiyan. Nanatili ito sa ibabaw ng kamay ni Sining, tila pinag-iisipan ng dalaga kung hahawakan niya ito. Matapos ang ilang sandali ay inalis ni Ophelia ang kaniyang kamay at muling nahiga. Sinubukan ng dalaga na matulog nang nakatalikod kay Sining, ngunit hindi nito inalis ang kamay na nakayakap sa kaniyang beywang. Binagabag ang kaniyang isip ng mga imahe ng kaniyang ama, ni Camilo, ang España, ng kaniyang nasirang ina, ngunit higit sa lahat, ng hubad na katawan ng kaniyang katabi na nakalapat sa hubad din niyang katawan sa loob ng kuweba. Napalunok si Ophelia. Napakalapit lamang ng kamay ni Sining na nakapatong sa kaniyang beywang. Napakadali na ito ay kuhanin, napakadali na baguhin pa ang lahat ng maaari pang mangyari. Alam niya ang kaniyang narararamdaman, ngunit hindi niya alam kung ano ang nararamdaman ni Sining. Isa pa, tama si Camilo. Sa umpisa pa lamang ay pagkukunwari na ang lahat. Napanatag lamang ang kaniyang pag-iisip at tuluyan nang humigpit pa ang yakap sa kaniya ng kanang braso ni Sining.

Muling nagising si Ophelia sa tilaok ng manok at sinag ng araw mula sa bintanang kabubukas pa lamang. Naabutan niya ang lamig ng kawalan ng katawan sa kaniyang tabi. Nakatayo si Sining sa paanan ng kaniyang kama, at umiwas ito ng tingin ng mahuli niyang nakatitig sa kaniya. Bihis na bihis na si Sining at nakaayos na ang buhok gamit ang pamusod na ibinigay ni Ophelia sa kaniya. Naupo ang dalaga at nakitang pang-isang tao na lamang ang almusal na nasa lamesita. Tapos nang kumain ang kaniyang lingkod.

“Paalis ka na ba?” tanong ni Ophelia. Kinusot niya ang naaalimupungatang abuhing mga mata.

“Hinintay kitang gumising. Kumain ka na,” sagot ni Sining.

“Iwan mo na lamang diyan,” ani Ophelia. Nag-inat ang dalaga.

“Ngunit paliliguan pa kita at bibihisan,” ani Sining.

“Sinabi ko naman sa iyong kaya ko naman iyon gawin para sa sarili ko, magpapapanhik na lamang ako ng tubig na mainit,” sagot ni Ophelia. Tumayo na ang dalaga mula sa pinaghigaan. Lumapit si Sining sa kama at tiniklop ang kumot na kanilang ginamit.

May narinig silang katok sa pintuan ng silid. Tumango si Ophelia kay Sining at lumapit naman si Sining upang pagbuksan ang kumatok.

Nasa likod ng pintuan si Hermana Amparo. Inabot niya ang isang pulang sobre kay Sining.

“Iyan ang sahod mo para sa buwan na ito,” ani Hermana Amparo.

“Maraming salamat po,” ani Sining. Yumukod siya at umalis na ang matanda upang magpasweldo sa iba pang tao sa mansiyon.

Binilang ni Sining ang perang laman ng sobre. Napansin ni Ophelia na natigilan ang dalaga.

“May problema ba, Sining?” ani Ophelia.

“Tila sobra ata ang naibigay sa akin ni Hermana Amparo,” sagot ni Sining.

“Dinagdagan ko ang sahod mo mula sa sarili kong bulsa,” sagot ni Ophelia.

“Bakit?”

“Dahil wala kang sino man na pagsasabihan ukol sa pagpapakasal namin ni Camilo,” sagot ni Ophelia.

“Hindi mo na ako kailangang bayaran pa para doon,” sagot ni Sining. Inilapag niya ang sobrang salapi sa lamesita.

“Tanggapin mo na, huwag kang magkailang kailangan mo ng pera,” ani Ophelia.

“Hindi ko kailangan ng pera mo,” sagot ni Sining.

“Kung gayon, anong ginagawa mo dito? Bakit ka nagtatrabaho sa akin? Mayroon bang ibang dahilan, Sining?,” tanong ni Ophelia. Hindi nakasagot si Sining.

“Kunin mo na iyan, ituring mo na lamang bilang aking pagpapasalamat sa handa mong gawin para sa akin,” ani Ophelia. Kinuha niya sa kaniyang kamay ang pera at inilagay ito sa kamay ni Sining. Agad na inalis ng dalaga ang kaniyang mga daliri bago pa magtagal na magkadikit ang kanilang balat.

“Salamat,” sagot ni Sining. “Kung gayon ay mauuna na ako.”

“Mag-iingat ka, Sining, at bumalik ka bago magdilim. Nais ko sanang maghapunan tayo ng sabay,” sagot ni Ophelia.

“Masusunod,” ani Sining. Muli niyang inayos ang kaniyang kamiseta bago tuluyang lumabas ng pintuan ng silid na hindi na nagpaalam sa may-ari nito.

__________________________________

Pinagpag ng dalaga ang alikabok mula sa kaniyang tsinelas. Mag-aalas dose na ng tanghali ng kaniyang matunton ang bahay ng intsik, at nagkamali siyang hindi magdala ng payong ni sumbrero man lamang. Batid niyang kay laki ng kaniyang initim sa ginawang paklalakad. Mabuti na lamang at dinagdagan ng kaniyang amo ang kaniyang sahod at nakarenta siya ng kutsero bago pa man tuluyang maligaw. Nagkamali si Lucas, hindi ganoon kadaling hanapin ang bahay ni Gat Po.

Sa di kalayuan ay nakita niya ang isang pamilyar na binatang nagsisibak ng kahoy sa ilalim ng lilim ng isang punong mangga. Alam niyang naruon na siya sa tamang lugar. Binuksan niya ang kahoy na tarangkahan, ngunit hindi siya napansin ng binata, Marahil sadyang abala sa pagsisibak at hindi narinig ang tunog ng tarangkahan dahil sa lakas ng pagtama ng palakol sa kahoy.

“Isko,” bati ng dalaga.

“O, Sining!” laking gulat ng lalaki. Naibagsak niya ang palakol sa lupa malapit sa paa ni Sining, mabuti na lamang at mabilis nakailag ang dalaga.

“Ako ba ay tatagain mo?,” ani Sining na napahalakhak.

“Naku, pasensya ka na, Sining, huwag mo kasi akong bigla na lamang kakausapin, mangyaring magdahan dahan ka,” ani Isko. “Nananghalian ka na ba?”

“Hindi pa, ngunit nakapag-almusal naman ako,” sagot ni Sining.

“Alas dose na at hindi sapat iyon,” ani Isko. Binuhat niya ang mga nasibak na kahoy sa kaniyang hubad na mga bisig. “Tamang tama ang dating mo, ipapainit lamang ni inay ang sabaw ng sinigang, halika, tulungan mo si inay na maghain.”

Sinundan ni Sining ang binata sa likuran ng bahay. Labing walong taong gulang si Isko, kasing tanda ni Lucas at matanda ng dalawang taon kay Sining. Lumaking magkakasabay ang tatlo, ngunit hindi gaanong naging malapit ang dalawa. Sinubukan ding manligaw ni Isko kay Sining, ngunit sadyang maaga siyang binakuran ni Lucas. Isa pa, noong parehong labing-limang taong gulang pa lamang ang dalawa ay nahulog si Isko sa rumaragasang ilong habang namboboso ng mga babaeng naliligo roon. Mabuti na lamang at sinundan siya ni Lucas at iniligtas. Mula noon, lahat ng pabor na hilingin ni Lucas ay ginagawa ni Isko sa abot ng kaniyang makakaya. Kaya naman noong una pa mang magpakita ng intensyon si Lucas na ligawan si Sining ay walang kaabog abog na umatras ang binata.

Itinambog ni Isko ang kalahati ng kahoy sa ilalim ng malaking kaserolang may sabaw. Ang kalahati naman ay nilagay niya sa ilalim ng isasaing na bigas. Naroon sa kusina si Manang Bikbik, ang ina ni Isko na asawa naman ng isa sa mga katipunerong may mataas na posisyon. Si Manang Bikbik ay isang manghihilot at kumadrona.

“Manang Bikbik,” bati ni Sining na may ngiti. Nagmano ang dalaga sa matanda.

“Mabuti naman at nakarating ka, Sining. May mahalagang pagpupulong na magaganap mamaya habang tanghalian. May magandang balita ka ba para sa amin?” tanong ng matanda.

“Marami po, malalaman ninyo mamaya sa pulong,” ani Sining. Nilagyan niya ng tubig ang bigas at pinabaga ang sinibak na kahoy gamit ang posporo. Tinulungan na muna ni Sining si Manang Bikbik na maghanda ng pananghalian at pumasok naman si Isko. Maya maya pa, nang magsimula nang magsalok ng sabaw si Sining sa mga mangkok ay muling lumabas ang binata, kasama si Lucas.

“Sining,” bati ni Lucas. Tango at ngiti lamang ang iginanti ng dalaga.

“Mabuti naman at nakarating ka. Hinihintay ka ng iyong tiyo,” kuwento ni Lucas.

“Hindi ka na dapat nag-alala pa kung darating ako, Lucas. Alam ko kung nasaan ang aking katapatan,” sagot ni Sining. Inayos niya ang mga mangkok sa isang lalagyan at pinabuhat ito kay Lucas.

“Dalhin mo na iyan sa loob,” utos ni Sining. Tiningnan ni Lucas ng masama ang dalaga bago pumasok sa loob ng bahay dala ang pagkain. Napailing ang dalaga at iniabot ang malaking lalagyan ng ulam kay Isko habang dinala naman niya ang bandehado ng kanin.

Sa loob, nakita ni Sining na isang palapag lamang ang bahay at lupa na ang sahig. Malayong malayo sa mansiyon na kaniyang tinirhan sa loob ng halos tatlong buwan. Lumapit ang dalaga sa mahabang mesa na gawa sa pinagtagpi-tagping patpat at ibinaba ang kanin. Naroon na’t nakaupo ang kaniyang tiyo, kasama ng iba pang mga pinuno ng samahan at si Lucas. Tumayo si Kapitan Gani ng makita ang pamangkin at nagyakap ang dalawa.

“Tiyo Gani,” bati ni Sining. Napansin niyang higit na pumayat at umitim ang kaniyang tiyuhin buhat nang huli silang magkita. Nagupitan na ang dating mahaba nitong buhok ngunit mas dumami pa ang mga uban. Bahagyang nahiya ang dalaga. Batid niyang buhat ng dumating siya sa mansiyon ay nakakain na siya ng sapat at masasarap na pagkain, kaya naman higit na bumilog ang kaniyang pisngi at nagkakulay.

“Tila maganda ang trato nila sa iyo doon, Sining,” bati ng kapitan. Tinuro niya ang upuan sa kaniyang tabi at doon naupo and dalaga. Inihain ni Manang Bikbik ang mga pinggan at kubyertos.

“Ito, para sa inyo,” ani Sining. Ibinaba niya ang pulang sobre na naglalaman ng kaniyang sinahod. Hindi niya ito binawasan puwera sa pamasaheng ginamit papunta sa bahay na iyon ni Gat Po.

Binilang ng kapitan ang kaniyang sahod. “Tila sobra ito, Sining.”

“Hindi maramot ang amo kong babae,” ani Sining. Uminom siya ng tubig.

“Ah, si Ophelia. Kung gayon ay hindi pala siya tulad ng kaniyang ama,” ani Kapitan Gani. “Ngunit sa iyo na iyan, Sining. Pinagtrabahuhan mo iyan. Isa pa, hindi naman iyan ang kailangan namin sa iyo. May impormasyon ka ba para sa amin? Nakuha mo ba ang loob ng anak ng alcalde mayor?”

Natawa si Lucas ngunit hindi siya pinansin ng kapitan.

“Nagawa ko po lahat ng pinagagawa ninyo, at marami rin akong impormasyon ukol sa mga bagay na malapit ng maganap,”ani Sining.

“Handa kami para sa kung ano mang ibabalita mo, ngunit makapaghihintay iyan. Ngayon ay gutom na ako kaya mananghalian na muna tayo,” ani Kapitan Gani.

Nagsimula nang mananghalian ang lahat. Puno ang mahabang mesang pang-walong tao. Nasa kabisera ang kaniyang tiyo, siya naman sa kanan nito at si Lucas sa kaliwa. Nakaupo rin ang lima pang pinuno, kasama ng ibang mga kawal na kumain sa paligid ng mesa na nakatayo. Nagkainan at nagkwentuhan ang grupo ng mahigit sa tatlumpung minuto. Maraming tanong ang kaniyang tiyuhin at mga kaibigan ukol sa mga naganap noong nakaraang tatlong buwan.

Matapos maiurong ni Sining at Manang Bikbik ang pinagkainan ay muling pumwesto si Sining sa kanan ni Tiyo Gani.

“Ano ang balita mo para sa amin, Sining?” ani Kapitan Gani.

“Maraming magaganap sa lalong madaling panahon. Sa tingin ko hindi na natin dapat palampasin ang pagkakataong ito,” panimula ni Sining. Nakinig ng mabuti ang mga lalaki.

“Sa makalawa ay itatanan ni Camilo de Guzman ang aking amo upang pakasalan?”

“Ngunit bakit pa niya kailangang gawin iyon? Hindi ba’t botong boto naman ang alcalde mayor sa pagpapakasal ng kaniyang anak kay Camilo?” ani Kapitan Gani.

“Iyan ay dahil inaakala niyang malilipat sa Malolos ang kaniyang mamanugangin upang maging pinuno ng gwardya sibil. Ngunit tila nagbago ang isip ng Gobernador Heneral. Magaling na pinuno si Camilo at mas kailangan daw siya sa Cebu kaya doon siya ililipat. Hindi kayang malayo ni Don Arturo sa kaniyang anak kaya bihadong pag malaman niya ang balita ay tututol ito,” sagot ni Sining.

“Kung gayon, ano ang kanilang plano?” tanong ng isa sa mga pinuno.

“Wala pa ang alcalde mayor, ang balik niya ay sa makatlo pa. Sa makalawa, matapos naming maghapunan at habang nagdadasal ang mga tao sa bahay ay pupuslit kaming dalawa ni P-, ni Ophelia,” muntik nang madulas si Sining at nagkatinginan sila ni Lucas.

“Alas otso pa ng gabi babalikan ng tagaluto ang aming pinagkainan. Kapag nangyari iyon ay dalawang oras na kaming wala. Maglalakad kami hanggang sa ilalim ng tulay ng Malolos, kung saan naroon si Camilo sa isang karwahe, naghihintay sa amin,” lahad ni Sining.

“Dadalhin kami ng karuwahe patungong Calumpit, at sa ganap na alas diyes ng gabi ay ikakasal ang dalawa. Ako ang saksi ni Ophelia. At ito ang pinakamahalaga sa lahat,” ani Sining. Nagsilapitan sa kaniya ang mga lalaki.

“Matapos ang kasal ay tutungo kami sa bahay ng tiya ni Camilo sa Apalit. Nasa España ang kaniyang tiyahin kaya’t sa dalawa muna ang mansiyon. Doon magaganap ang isang pagsasalu-salo. Dadaluhan ito ng mga pinuno ng guwardya sibil mula sa mga kalapit-bayan, ilang mahahalagang tao sa lipunan at mga mamamahayag,” pagtatapos ng dalaga.

“Kung magtitipon-tipon ang mga taong iyon gaya ng sinabi mo sa bahay ng tiya ni Camilo, dapat doon tayo sumalakay,” ani Kapitan Gani. Umani ng pagsang-ayon ang kaniyang sinabi.

“Marapat ay patayin natin ng sabay-sabay ang mga taong iyon, sunugin natin ang mansiyon,” mungkahi ni Isko.

“Ngunit nasa loob si Sining,” kontra ni Lucas.

“Kaya nga marapat na planuhin ito ng mabuti,” ani Kapitan Gani. “Dominador, ano ang iyong masasabi?” turo ni Kapitan Gani sa isa sa matatandang miyembro ng samahan.

“Gusto ko ang mungkahi ni Isko, maaari nating sunugin ang bahay, hindi lang upang kitilin ang mga kaaway, ngunit upang magbigay ng mensahe,” sagot ni Dominador.

“Tama ka, ngunit hindi lahat ng tao roon ay gusto nating kitilin. Kailangan din nating kumuha ng mga bihag,” ani Kapitan Gani.

“Katulad ni Ophelia, hindi ba? Hindi natin siya kailangang patayin,” ani Sining. Tiningnan siya ng masama ni Lucas.

“Oo, sapagkat gagamitin pa natin si Ophelia bilang pain sa kaniyang ama. At si Camilo de Guzman, magiging importante siyang bihag, at isa sa mga mamamahayag, upang mapasa-atin ang mga pahayagan sa bayang ito,” ani Kapitan Gani.

“Kung gayon, isang pampatulog, maaari akong magpuslit ng pampatulog sa pagkain. Sa gayon, makukuha natin kung sino mang bihag na ating gustuhin, kasama si Ophelia, bago natin sunugin ang mansiyon, at makapagbibigay din tayo ng mensahe sa gobyerno,” mungkahi ni Sining.

“Tama ang aking pamangkin, isang pampatulog nga ang ating gagamitin. Sino ang sumasang-ayon?” tanong ni Kapitan Gani. Nagtaasan ng kamay ang lahat.

“Kung gayon, ikaw, Sining, ang maglalagay ng pampatulog sa kanilang handa. Nais kong sa oras na makatulog ang lahat ay tumakas ka na sa bahay na iyon at magbalik dito. Nais kong bago mag-alas tres ng madaling araw ay nagawa mo na ang iyong misyon at nakaalis ka na rin, sapagkat sa ganoong oras ay darating na kami upang sunugin ang bahay,” ani Kapitan Gani.

“Kukuhanin niyo muna si Ophelia bago ninyo sunugin ang mansiyon?” paniniguro ni Sining.

“Gaya ng sabi ko sa iyo, kailangan pa natin siya,” ani Kapitan Gani. “Lahat ba ay sumasang ayon? Sino ang may karagdagang mungkahi?”

Nagtaas ng kamay si Isko. “Kami ng aking ina ang gagawa ng pampatulog, alam namin ang mabisang mga halaman at ugat, at madali lamang hanapin ang mga iyon” ani Isko. Maaasahan nga si Manang Bikbik sa larangang ito dahil siya ay isang manggagamot.

“Magaling. At gaano kahabang oras ang kakailanganin niyo upang magawa ang pampatulog na ito?” tanong ni Kapitan Gani.

“Mga alas kuwatro ng hapon ay handa na ito,” sagot ni Isko. Tumingin siya sa kaniyang ina at tumango ito.

“Magaling, Isko, kung gayon ay simulan na ninyo, magpatulong kayo sa paghahanap ng halaman at gamitin na ninyo ang lahat ng gamit sa kusina. Magpatulong na rin kayo kay Gat Po dahil maraming nalalaman ang mga intsik ukol sa mga halaman,” ani Kapitan Gani. “Sining, dito ka lamang. Ip-plano pa natin ang mga detalye.”

Nagpahanap ng mapa ng Bulakan at Pampanga si Kapitan Gani at inilatag niya ito sa la mesa. May tatlong oras na nagplano ang grupo. Ipinakabisa nila kay Sining ang mga dapat gawin, at ang mga alternatibong plano sakaling may pumalpak sa kanilang mga binabalak. Ngunit malaki ang tiwala nila sa dalaga. Lumaki ito sa hirap at salat ng kabundukan, at natuto itong maging maparaan.

Sa ganap na alas tres y media ay hawak na ni Sining ang isang malaking boteng naglalaman ng pampatulog na gawa ni Isko at Manang Bikbik. Kaunti lamang ang kailangan niya mula dito ngunit sadyang sinobrahan ng mag-ina ang gawa.

“Pakatandaan mo lahat ng pinag-usapan natin dito, Sining, sa iyo nakasalalay ang lahat,” ani Kapitan Gani. Hinatid niya ang pamangkin sa tarangkahan na kahoy.

“At si Ophelia, hindi ninyo siya sasaktan, hindi ba?,” muling paniniguro ni Sining.

“Kung hindi kinakailangan, iha,” ani Kapitan Gani. Hinalikan niya sa noo ang pamangkin. “Mag-iingat ka. Magpahatid ka na dito kay Lucas kahit hanggang Tabang lamang.”

“Kay Isko na lamang ho ako magpapahatid at baka kailanganin ninyo si Lucas dito,” ani Sining. Sumunod si Isko, tangan tangan ang isang payat na kabayo at isang kaing ng manggang hilaw.

“Iyang kabayo mo ang dadalhin natin? Sigurado ka bang aabot man lamang iyan sa kanto, Isko?” biro ni Sining.

“Aba, huwag mong minamaliit itong si Pablo,” sagot ni Isko. Itinali niya ang buwig ng mangga sa kabayo. Sumampa ang binata sa kabayo. Tinulungan naman ni Kapitan Gani ang kaniyang pamangkin na umupo sa likod ng binata.

“Mag-iingat ka, Sining,” pagpapaalam ng kapitan.

“Kayo rin. Nawa’y magtagumpay tayo,” ani Sining. Naghintay siya ng ilang sandali bago idinagdag, “ang inyong ipinangako sa akin, tiyo Gani.”

Tumango lamang ang pinuno.

“Hiya!” hinataw ni Isko ang kabayo at pinatakbo na ito palayo ng bahay ng intsik. Mabilis nakalayo ang dalawa mula sa kapitan. Sa ilalim naman ng punong mangga, nanatiling nakamasid si Lucas hanggang sa maglaho na ang dalawa sa kaniyang paningin.

Pinanghawakan ng dalaga ang pangako ng kaniyang tiyo na hindi sasaktan si Ophelia bilang pampalubag-loob sa kaniyang sarili, dahil alam niya, kung ano man ang mangyayari sa kaniyang amo, ito ay dahil ipinagkanulo niya ito.

___________________________________

Lampas alas-sais na ng gabi ng makarating si Sining sa harap ng silid ni Ophelia. Ibinaba siya ni Isko sa Tabang, at mula doon ay naglakad na ang dalaga pa-Malolos dala ang kaing ng mangga kung saan nakatago ang pampatulog. Pinagbuksan siya ng pintuan ng hardinero. Nagdaan siya sa pintuan sa likod ng mansiyon kung saan iniwan niya ang kaing ng mangga sa kusina. Itinago ng dalaga ang bote ng pampatulog sa ilalim ng kaniyang palda, samantalang nagtalop siya ng tatlong mangga upang dalhin kay Ophelia. Inabutan niyang nagdarasal ang mga utusan sa bahay kaya naman dahan-dahan siyang umakyat sa marmol na hagdan. Hindi na kumatok ang dalaga sa silid ng kaniyang amo at pinapasok na ang kaniyang sarili.

Naroon si Ophelia, nakaupo sa gitna ng silid, sa gitna ng nagkalat na papel sa sahig. Magulo ang buhok ng kaniyang amo, at para sa isang babaeng likas na maputi, tila namumutla ang dalaga.

“Nariyan ka na pala,” bati ni Ophelia.

“Oo, pinasalubungan kita ng manggang hilaw, ngunit nakakain ka man lamang ba ng iyong pananghalian?” tanong ni Sining. Ibinaba niya ang platito ng mangga sa lamesita kung saan naroon ang tanghalian at hapunan ng kaniyang amo na hindi pa nagagalaw.

“Hindi pa. Natuklasan kong hindi ako makakain ng wala ka,” ani Ophelia.

“At bakit makalat dito?” tanong ni Sining.

“Wala akong maiguhit,” ani Ophelia. Lumingon ang dalaga kay Sining. Mamula mula ang mata nito. Bago pa man makapag-isip ang dalaga ay lumuhod siya sa harapan ng kaniyang amo at kinuha ang mga pisngi nito sa kaniyang kamay. Napapikit si Ophelia at nagsimulang tumulo ang luha sa kaliwang mata na agad namang pinunasan ni Sining.

“Ano ba ang problema, Pili?” ani Sining.

“Natatakot ako,” sagot ni Ophelia.

“Pili, walang pumipilit sa iyong magpakasal kay Camilo, maaari ka pang umatras,” ani Sining. Alam ng dalaga na mapupurnada lahat ng pinagplanuhan nila kanina sakaling hindi ituloy ni Ophelia ang kasal, ngunit malaking bahagi ng kaniyang pagkatao ang umaasang sasang-ayon ito sa kaniyang mungkahi. Tinitigan ng kaniyang amo ang kaniyang mga mata, tila may hinahanap. Nahulog ang bote ng pampatulog mula sa loob ng palda ni Sining. Mabuti na lamang at nakaupo ang dalaga kaya’t mababa ang pinagbagsakan nito at hindi ito nabasag. Mabilis na kinuha ito ni Sining, tumayo, at ipinasok ito sa kaniyang silid. Nakatitig lamang si Ophelia sa sahig sa kaniyang pag labas.

“Ano iyon?” ani Ophelia. Nagsimula siyang pulutin ang nagkalat na papel at tinulungan siya ni Sining.

“Wala iyon, gamot lamang sa sakit ng aking ulo. Nabili ko diyan sa palengke,” ani Sining. Napansin ni Ophelia ang bahagyang pagtaas ng tono ng kaniyang boses.

“Hindi na ako aatras, Sining,” ani Ophelia. “Kumain na tayo, pagkatapos ay nais ko nang matulog. Marami pa tayong paghahandang gagawin bukas.”

Napansin ni Sining na nanlamig ang kani-kanina lamang ay namumugtong mga mata ni Ophelia. Kinabahan ang dalaga. Ngunit alam niya na wala siyang dapat ikatakot. Walang alam si Ophelia ukol sa mga pampatulog, lason, o kahit ano pang aspeto ng digmaan. Wala siyang alam ukol sa totoong buhay, kaya nakasisiguro siyang naniwala ito ng sinabi niyang gamot lamang iyon sa sakit ng kaniyang ulo.

Matapos iligpit ni Sining ang nagkalat na papel ay sinaluhan niya si Ophelia sa kanilang hapunan. Nais sanang makipagkwentuhan ng dalaga, lalo na’t ito ang pangalawa sa huling hapunang pagsasaluhan nila sa bahay na iyon, at pangalawa sa huling pagsasaluhan nilang magkasama. Ngunit nanatiling tahimik si Ophelia. Maging nang bihisan niya ito ng pantulog. Wala ang mga balahibong madalas tumayo sa tuwing nasasagi ng kaniyang mga daliri ang balat ng amo. Inisip ni Sining kung may nagawa siyang mali, saka niya naalala na lahat ng pagkakamali ay nagawa na niya. Huli na ang lahat. Ipinagkanulo na niya ang amo.

Nahiga na si Ophelia ngunit hindi niya inanyayahan si Sining sa kaniyang tabi. Kinuha ni Sining ang lampara at dinala ito sa kaniyang silid. Pinagmasdan niya ang kaniyang amo na nakahiga, sinundan ng kaniyang mata ang anino nito habang nakatayo sa may pintuan ng kaniyang silid.

‘Kung sinabi mo lamang na mahal mo ako, at kung nasabi ko lamang ito pabalik, maaari akong makahanap ng paraan upang iligtas ka, upang ilayo ka rito,” naisip ni Sining, bago siya pumasok sa silid na ilang buwan din niyang hindi tinulugan.

___________________________________

Pag-gising na pag-gising ni Sining ay pinuntahan niya agad ang amo sa kabilang silid. Maghihilamos sana muna siya ngunit hindi na nagpapaakyat ng tubig si Hermana Amparo para sa maliit na palanggana sa lamesita ng kaniyang silid dahil alam nitong sa silid siya ni Ophelia natutulog. Naroon pa rin ang dalaga na nakaupo sa gitna ng nagkalat na papel. Nakita niyang ang mga papel na iyon ay puno ng bura.

“Wala ka pa ring maiguhit?,” bati niya sa dalaga.

“Wala,” sagot ng dalaga. Nakita ni Sining na may malalaking itim na bilog sa gilid ng kaniyang mga mata.

“Nakatulog ka ba, Pili?” tanong ni Sining.

Umiling ang dalaga. “Ikaw?” Umiling din si Sining.

“Nais mo na bang maligo?” ani Sining.

“Ako na lamang ang maliligo mag-isa, salamat,” sagot ni Ophelia. Hindi alam ni Sining kung malulungkot o magpapasalamat ba siya sa desisyong iyon ng kaniyang amo. Pumunta siya sa aparador upang ibigay kay Ophelia ang isang tuwalya.

“Magpapa-akyat lamang ako ng tubig,” ani Sining.

“Hindi na kailangan, nakapag-paakyat na ako kanina pa, nasa loob na ng banyo ang tubig,” sagot ni Ophelia. Tangan ang tuwalya, pumasok ang dalaga sa banyo at naiwan si Sining sa labas na nagliligpit.

Lumabas si Ophelia matapos ang dalawampung minuto na basa ang buhok. Nakatapis ang kaniyang buong katawan ng tuwalya. Inihanda na ni Sining lahat ng kaniyang damit na nakatiklop sa gilid ng kama at sabay nila itong nilapitan.

“Kaya ko na ito, Sining, pakisara na lamang ang bintana,” ani Ophelia. Nasaktan si Sining ngunit hindi niya ito inamin sa kaniyang sarili. Lumapit si Sining sa bintana at sinara ito nang pagkabagal bagal. Naisip niyang ayaw na rin ni Ophelia na magpakita sa kaniya. Ngunit habang sinasara niya ang bintana ay hindi niya mapigilang hindi magnakaw ng sulyap sa amo habang ito ay nagbibihis. Alam niyang ito na ang kaniyang huling pagkakataon. Simula mamayang gabi ay si Camilo na lamang ang maaaring makakita ng hubad na katawan ni Sining.

“Sining, maaari ka nang humarap,” ani Ophelia. Bihis na bihis na si Ophelia sa pagharap ni Sining, at tila nahulog ang puso ng dalaga. Muling binuksan ni Sining ang bintana at naupo na ang dalawa sa lamesita upang kumain ng almusal.

“Sining, matapos mong maligo, nais kong isuot mo iyong paborito mong bestida ko,” ani Ophelia matapos lumunok ng itlog.

“Ngunit iyon ang pinakamaganda mong bestida, hindi ka na ba magpapalit?,” tanong ni Sining.

“Gusto kong magandang maganda ka sa kasal ko, Sining. At oo, ito na ang isusuot ko hanggang mamayang gabi,” sagot ni Ophelia.

“Ngunit hindi kita maintindihan, ikaw ang ikakasal,” ani Sining.

“Wala akong pakialam sa kasal ko. Ang nais ko, ikaw ang pinakamaganda sa gabing iyon, naiintindihan mo ba?,” ani Ophelia. Hindi na sumagot si Sining. Matapos nilang kumain ay nagtanong ang dalaga.

“Magsisimula na akong mag-impake, ano ang nais mong dalhin ko?” ani Sining.

“Apat na bestida, apat na blusa, apat na palda, piliin mo ang pinakasimple. Huwag mong kalimutan lahat ng mga lapis at pintura ko, at ang mga papel, mahalaga ang mga papel,” ani Ophelia.

“Sigurado kang iyon lamang?” tanong ni Sining.

“Oo, Sining. Tatakas lamang tayo, kaya dapat ay konti lamang ang ating dala,” sagot ni Ophelia. “Isa pa, mayroong maliit na kahon na nasa ilalim ng aking kama, laman niyan ang salaping naipon ko sa España, at ilang nakuha ko sa pagkupit paminsan minsan sa aking ama, dadalhin natin iyan.”

“Talagang matagal mo na palang pinaghandaan ang mamaya,” ani Sining.

“Mula nang mamatay ang aking ina, wala akong hinangad kundi ang makalaya sa bahay na ito,” sagot ni Ophelia.

Matapos ibaba ni Sining ang pinag-urungan ng kanilang kinainan ay nagsimula na itong mag-impake. Kumuha siya ng isang matibay na sisidlan na gawa sa pinatuyong balat ng hayop at itiniklop niyang maayos isa isa kakaunting damit na pinadadala ng amo. Naiwan sa aparador ang pinakamagarang bestida ni Ophelia. Gawa sa husi at kulay ng isang malamlam na rosas. Binurdahan din ng mga bulaklak at dahon ang mga laylayan ng blusa, samantalang kulay asul ng langit ng isang malalim na gabi naman ang katernong palda. Inisip niya ang magiging itsura habang suot ito.

Hinimas ni Sining ang bestida. Naalala niya ang isang hapon na pinasukat iyon sa kaniya ni Ophelia. Kasyang kasya lamang sa kanya, tila ba para sa kaniya itinahi. Si Ophelia pa mismo ang nagbihis sa kaniya at nag-ayos ng kaniyang buhok. Natatandaan pa niya ang pakiramdam ng buong katawan ng kaniyang amo na nakalapat sa kaniyang likuran, habang pinagmamasdan nilang suot ni Sining ang damit sa salamin. Hindi kinaya ng dalaga ang pait na nararamdaman. Isang iyak ang lumabas mula sa kaniyang lalamunan.

“Sining, umiiyak ka ba?,” nilapitan siya ni Ophelia. Umiling ang dalaga ngunit dalawang matatabang luha ang umagos mula sa kaniyang magkabilang mata.

“Sining..,” panimula ni Ophelia.

“Ayos lamang ako, masaya lamang ako para sa iyo,” sagot ni Sining. Iniwasan niya ang amo at tumungo sa sisidlan upang ilagay ang mga lapis at pintura ni Ophelia.

“Patawad, Sining,” ani Ophelia. Ito na lamang ang kaniyang nasabi habang hindi naman napigilan ni Sining ang tulo ng kaniyang mga luha. Hindi maintindihan ng dalaga, ngayon lamang siya umiyak ng tuluyan buhat ng mamatay ang kaniyang mga magulang.

May puwang sa puso ni Sining na patuloy na lumalaki habang nakikita ang blankong mukha ni Ophelia. Pumunta ang dalaga sa mga tukador ni Ophelia.

“Wala ka bang kailangan mula dito?,” tanong niya. Binuksan niya ang tukador at tumambad sa kaniya ang isang barahang nakatiklop. Ang reyna ng mga puso. Agad na sinarado ni Ophelia ang tukador.

“Ako na ang bahala diyan, ilagay mo na lamang ang mga pinalalagay ko, tapos ka na ba?,” ani Ophelia.

“Oo,” sagot ni Sining. Isinara ni Sining ang sisidlan at itinago ito sa ilalim ng kama.

Ganap na alas dos ay dumating ang kanilang pananghalian. Si Ophelia ang tumanggap ng pagkain mula kay Hermana Amparo sapagkat mapula pa ang mga mata ni Sining at ayaw nilang magtanong pa ang matanda. Tatlumpung minutong hindi nag-usap ang dalawa habang kumakain. Gaya ng sa almusal, binaba rin ni Sining sa kusina ang kanilang pinagkainan. Nakipagkwentuhan pa sa kaniya ang kusinera sa baba kaya’t ala una na ng siya ay makaakyat.

“Pili, maghahapon na at napakainit. Sa tingin ko ay maliligo na rin ako,” deklara ni Ophelia. Muling nakaupo si Pili sa gitna ng silid, sa harap ng patungan ng kaniyang kuwadro, sinusubukang gumuhit sa huling pagkakataon.

“Sige, gamitin mo na lamang ang twalyang ginamit ko upang hindi ka na magbukas ng panibago,” ani Ophelia.

Matapos ang sampung minuto ay lumabas si Sining, nakalugay ang basang itim na buhok, at balot lamang ng tuwalya.

“Sandali lamang, isasara ko ang bintana,” ani Ophelia. Tumayo siya mula sa pinagkakaupuan at tumungo sa bintanang Capiz. Isinara niya ito at bahagyang nagdilim ang kaniyang silid. Sa pag harap niya umakyat ang kaniyang puso. Naroon si Sining sa kaniyang kama, nakahiga at walang saplot. Ang tuwalyang kanina’y nagbalot sa kaniya ay naiwan sa sahig.

“Ano ito?” tanong ni Ophelia, ngunit hindi niya naitago ang panginginig sa kaniyang boses.

“Alam kong wala kang maiguhit, iguhit mo ako, Pili, hubad at buong buo. Muli mong likhain ang aking pagkato gamit ang iyong mga daliri. Kung iguguhit mo ako, mananatili ang aking imahe sa ibabaw ng lupa kahit pa gaano katagal akong pumanaw, kahit na magkahiwalay pa tayo at hindi na magkita. Bigyan mo akong buhay na walang hanggang gamit ng iyong mga daliri, Pili. Buhayin mo ako gamit ang iyong mga daliri,” ani Sining. Nanginig ang kaniyang boses sa huling bahagi ng kaniyang talumpati dahil mula siyang nagsimulang lumuha.

“Kung gayon, sa papel kita iguguhit, upang madala ko kahit saan,” sagot ni Ophelia. Tumakbo siya patungo sa kaniyang aparador, kung saan naroon ang ilang papel na hindi na nila kayang dalhin. Nanginig ang mga kamay ni Ophelia habang pinipili ang pinakamaputi at pinakamakinis na papel. Bumalik siya sa upuan at ipinatong ang papel sa kuwadro. Itinutok niya ang dulo ng lapis na uling sa kaliwang bahagi ng papel, ngunit hindi siya makapagsimula, at sa tindi ng panginginig ng kamay ay nabali niya ang lapis.

Isang iyak ang lumabas sa lalamunan ng dalaga na agad niyang pinigil sa pagkagat ng kamay. Humagulgol ang dalaga habang tinatakpan ang mga labi. Umupo na si Sining mula sa pagkakahiga upang lapitan ang amo ngunit nagtaas ito ng isang maputing daliri upang pigilan ito.

“Huwag mo na akong lapitan, Sining. Huwag mo na akong pahirapan pa,” ani Ophelia. Muling nahiga si Sining, pinanood ang dalaga, habang tumutulo ang mga luha sa sariling mga mata. Matapos ng ilang minuto ay napakalma ni Ophelia ang sarili. Kaniyang pinulot ang mas mahabang bahagi ng lapis na nabali mula sa sahig, at dinugtong ito sa pinakamaputi at pinakamakinis niyang papel.

“Maraming salamat, Sining,” ang tanging nasambit ni Ophelia, habang iginuguhit ang huling imahe ni Sining na dadalhin niya sa kaniyang ala-ala.

3 responses »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s