Aside

This is an adaptation of Fingersmith by Sarah Waters.

To apologize for the break I took because of my exams, the next two episodes will come out every week. That’s right, you will get the next two episodes on October 28 and November 4, and then let’s see if I can keep it up. Anyway, I have finished the outline for the entire story and it’s just waiting to be written.

I missed writing Sobre Rojo, and I hope you missed reading it as well. Please do not forget to leave your comments, they inspire me. We are halfway through the story!

Geri

Episodes are compiled in the  Shows tab.

Mag-aalas tres na ng hapon ng mamulat ang mga mata ni Sining na nagising lamang sa pagkasilaw sapagkat tumapat na ang sinag ng araw sa bukana ng kuwebang nakaharap sa kanluran. Walang naalala ang dalaga habang siya ay naaalimpungatan pa. Wala rin siyang naramdaman maliban sa kakaibang bigat sa kaliwa niyang braso. Lumingon siya pababa at doon naabutan ang ulo ni Ophelia na nahimbing sa kaniyang balikat. May ilang segundo rin niyang tinitigan ang mahinang paghilik ng kaniyang amo ng biglang mapabalikwas nang maalala kung ano ang nangyari.

Nagising si Ophelia sa biglaang paggalaw ni Sining. Tinanggal ni Sining ang kaliwang brasong nakapalupot at nadaganan ng beywang ni Ophelia at ginamit itong pantukod upang makaupo. Naaalimpungatan pa ang kaniyang amo at halos hindi pa maidilat ang mata. Nanatiling nakabuka ang bibig ni Sining, hindi malaman kung ano ang sasabihin, at umaasang panaginip lamang ang namagitan sa kanilang dalawa. Pinunasan ni Ophelia ang pawis sa kaniyang leeg gamit ang mapuputing kamay, at napadpad ang mahahaba niyang daliri sa kaniyang mapulang labi, kung saan naroon ang nanuyong sugat bunga nang pagkagat dito ni Sining. Nanlaki ang mata ng dalaga. Hindi iyon panaginip.

“P-pili,” panimula ni Sining. Hindi niya maituloy ang nais sabihin at nagsimula nang magsalita si Ophelia.

“Kay ganda ng aking panaginip, Sining, at sa pakiwari ko ay kasama kita doon,” ani Ophelia. Tumawa ang dalaga at hinalikan ang kaniyang lingkod sa pisngi. Agad na nag-init ang bahaging iyon ng mukha ng dalaga. Kung kaya nga lamang mamula ng kaniyang kutis ay bihadong kulay kamatis na ito, katulad ng pisngi ni Ophelia na nagsisimula nang mamula. Alam ni Sining na hindi iyon panaginip. Tila nararamdaman pa niya ang labi ni Ophelia sa kaniyang labi, ang lasa ng kaniyang dila, ang malasutlang balat sa makalyong daliri. Higit sa lahat, ang paglalabas masok ng kaniyang palasinsingan sa mamasa-masa at tumitibok na laman. Hanggang ngayon ay malagkit pa din ang daliring iyon ni Sining.

Bago pa man kumabog ang kaniyang dibdib ay kinailangang ipaalala ni Sining sa kaniyang sarili na ginawa lamang nila iyon upang ihanda ang kaniyang amo para sa unang gabi nila ni Camilo. Inalala niya ang mukha ni Camilo na may kirot sa puso. Batid niyang hindi ang tipo na lalaking iyon ang mag-aalaga sa kaniyang amo. Hindi ang matitigas na daliri na iyon ang dapat humawak sa balat na madaling magpasa, hindi ang malamig na titig ang dapat tumingin sa hubog ng katawan niyang hubad. Hindi maaaring makasal si Ophelia kay Camilo.

‘Bigyan mo ako ng dahilan upang huwag kong pakasalan si Camilo,’ muling narinig ni Sining ang tinig ng kaniyang amo sa kaniyang isip. Paano kung siya lamang ang makapagbibigay ng dahilan upang huwag nang ituloy ni Ophelia ang pagpapakasal kay Camilo?

Paano kung siya ang dahilan?

Tumayo si Sining at iniabot ang isang kamay kay Ophelia.

“Halika na, Pili, kailangan na nating bumalik at hindi maaaring abutan tayo ng dilim sa kakahuyan,” ani Sining. Hinawakan ng kaniyang amo ang kaniyang kamay, ngunit wala ang dating kilabot na kaniyang nararamdaman sa tuwing nagtatama ang kanilang mga balat. Ang kilabot ay nawawala matapos lamang ng ilang segundo. Ngunit ang koneksyon na nadama ni Sining na nagbubuklod sa kanilang dalawa ay nanatili. Tumingin si Ophelia sa kaniyang kayumangging mga mata.

“Kailangan ba talaga natin bumalik sa kabihasnan? Kung maaari, mas nanaisin ko pa na manirahan na lamang dito sa loob ng gubat, malayo sa lahat,” sagot ni Ophelia.

“Ikaw, Pili? Isang mag-aaral ng mundo, nanaisin mong manirahan sa gitna ng kakahuyan kung saan mga huni lamang ng mga ibon at kaluskos ng mga dahon ang iyong matututunan?” ani Sining.

“Kung ikaw naman ang kasama ko, Sining,” sagot ni Ophelia.

“Akala ko ba ay kaya ka magpapakasal kay Camilo dahil nais mong makalaya, bakit ngayon ay mas gugustuhin mo pang makulong dito sa kagubatan?” tanong ni Sining, sabay talikod. Nakakailang hakbang pa lamang siya ay may maiinit na bisig na pumulupot sa kaniyang beywang. Damang-dama niya ang paglapat ng dibdib ni Ophelia sa kaniyang likuran, at ang tibok ng kumakabog nitong puso.

“Bigyan mo ako ng dahilan upang huwag ituloy ang pagpapakasal, Sining, at walang kaabog-abog, tatalikuran ko si Camilo, pati na ang aking mga pangarap,” ani Ophelia. Natigilan si Sining.

‘Paano kung ako lamang ang dahilan?’

Ngunit naunahan ang dalaga ng takot. Paano kung ibang dahilan ang hinahanap ng kaniyang amo? Pagtatawanan lamang siya nito kapag malaman niya ang iniisip ni Sining. At hindi tulad ni Ophelia, hindi maaaring basta basta na lamang niya talikuran ang misyon. Hindi ito pangarap kundi isang responsibilidad.

“Halika na, Pili, malayo pa ang ating lalakbayin pauwi, at hindi ka ba nagugutom?” ani Sining. Dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakayakap sa kaniya ng kaniyang amo. Hinawakan niya ang kamay ni Ophelia at tinulungan itong bumaba ng kuweba.

Nang makababa, pinuntahan ni Sining ang kabayo at itinali ito sa isang puno na malapit sa batis upang makainom bago ang kanilang paglalakbay pauwi. Pinulot niya ang palda ng kaniyang amo at tinanggal ito sa pagkakatiklop. Lumapit siya kay Ophelia, sabay yukod sa harap nito at binuksan ang palda. Itinaas ng amo ang isang maputing binti at isinuot ito sa loob ng damit.

“Sining, kaya ko naman talagang magbihis sa aking sarili, ngunit nais ko lamang talaga ang inaalagaan mo ako,” ani Ophelia, sabay ngiti. Ipinatong niya ang mga kamay sa mga balikat ng lingkod upang ibalanse ang kaniyang sarili. Magaan at malambot ang mga kamay na iyon sa balikat ni Sining at tila lumutang ang kaniyang puso nang kaniyang maalala na nahalikan niya ang mga iyon.

Matapos ang palda ay pinataas naman ni Sining ang mga braso ni Ophelia upang isuot sa kaniya ang kamiseta. Inayos ni Sining ang buhok ng kaniyang amo gamit ang mga daliri. Sumimangot si Ophelia at kinuha ang mga kamay ng lingkod mula sa kaniyang buhok.

“Sining!” ani Ophelia.

“Hindi madali ang iyong pinagagawa,” sagot ni Sining. “Nililito mo ako.”

“Ano ang naging mahirap sa pagsasabi ng totoo? Nararamdaman ko, Sining, nais ko lamang marinig mula sa iyo,” ani Ophelia. Humigpit ang hawak niya sa mga kamay ng kaniyang lingkod.

“Madali ang magsabi ng totoo, ang mahirap ay ang harapin ang mga susunod na mangyayari,” sagot ni Sining. Inalis niya ang mga kamay mula sa pagkakahawak ni Ophelia at lumapit sa kabayo.

“Kung ano man ang mangyayari, kasama mo na akong haharap sa mga iyon!,” pasigaw na sagot ni Ophelia. Hindi siya pinansin ni Sining. Sa halip ay nagbihis ang dalaga at kinuha ang kanilang mga gamit at isinakay sa kabayo.

“Pili, halika na, malayo pa tayo,” ani Sining. Tinanggal niya sa pagkakatali ang kabayo at sumampa dito. Lumapit sa kaniya si Ophelia, nakasimangot pa din. Hindi mapigilan ni Sining ang matawa.

“At bakit ka tumatawa?” ani Ophelia na nagpamewang. Lalo pang lumakas ang tawa ni Sining.

“Patawad, Pili, nakakatuwa kasing makita kang naiinis,” ani Sining, sa gitna ng mga tawa. Nang mapahinahon at tinitigan niya ang kaniyang amo. Iniabot niya ang kaniyang kamay at kinuha ito ni Ophelia upang tulungan ang kaniyang sariling sumampa sa kabayo. Sa pagkakataong ito ay sa harap siya ni Sining naupo.

“Huwag ka nang magalit,” ani Sining. Nagtitigan sila ni Ophelia. Iniangat ni Ophelia ang isang kamay patungo sa mukha ng kaniyang lingkod upang himasin ang pisngi nito gamit ang kaniyang mga daliri. Napapikit si Sining sa lambot ng kaniyang mga daliri.

“Bigyan mo ako ng dahilan, Sining,” ani Ophelia. Dumilat si Sining upang tingnan ang abuhing mga mata ng kaniyang amo.

“Bigyan mo ako ng oras,” sagot ni Sining.

“Natatakot akong kaunting oras na lamang ang maaari kong ibigay sa iyo,” ani Ophelia. Hindi na sumagot si Sining. Inihiga ni Ophelia ang kaniyang ulo sa balikat ng kaniyang lingkod at bumuntong hininga.

Hinataw ni Sining ang tali ng kabayo at nagsimula silang maglakbay palabas ng kakahuyan. Walang nagsalita sa hinaba ng pagtakbo ng kabayo, at ang maririnig lamang ay ang banayad na paghilik ni Ophelia na nakatulog na sa dibdib ni Sining. Isinuot ng dalaga sa amo ang sumbrero nito upang proteksyunan ito laban sa sikat ng palubog na araw, at sa mga tingin ng mga taong nasa tabi ng kalsada. Binagabag si Sining ng desisyong nararapat gawin. Ngunit tama si Ophelia, kakaunti na lamang ang nalalabing oras sapagkat bukas ay babalik na ang kapitan. Ngunit hindi lamang ang kinabukasan nila ni Ophelia ang pinoproblema ni Sining, kundi ang nakaambang pagtatraydor niya sa misyon at sa katipunan.

Lumabas ang kabayo sa gubat at iniliko ito ni Sining patungo sa kalsada pabalik ng Malolos. Kung manggagaling lamang kay Ophelia ang mga salitang iyon. Kung alam lang niya kung ano ang nararamdaman ni Ophelia ay maaari siyang matulungang gumawa ng desisyon.

‘Kung sasabihin mo lamang na mahal mo ako, maaari akong humanap ng paraan upang ilayo ka rito,’ bigkas ng isip ni Sining habang nakatitig sa natutulog na mukha ni Ophelia. Isang salita lamang mula sa amo, at ikakabig niya ang kabayo pabalik ng gubat, at doon sila maninirahan gaya ng nais ni Ophelia, kung saan walang makakakilala sa kanila. Ngunit tulog ang kaniyang amo, at patuloy pa rin ang takbo ng kabayo pabalik ng Malolos. Naisip niyang marapat na may desisyon na siya pagkabalik sa mansyon.

Nagpatuloy ang takbo ng kabayo, hanggang sa ang mga kalsada sa pagitan ng mga pilapil ay mapalitan ng mga barong-barong, hanggang sa mga bahay na bato, hanggang sa tanaw na nila ang katedral ng Malolos. Pinabagal ni Sining ang takbo ni Rustico, takot sa nakaambang desisyon na dapat niyang gawin, at pinahahaba ang oras na magkasama sila ni Ophelia. Ngunit gaano man niya pabagalin ang oras ay hindi ito hihinto para kahit kanino, at natagpuan niya ang kaniyang sarili sa harap ng tarangkahan ng mansyon ng alcalde mayor.

Ginising niya si Ophelia habang binubuksan ng hardinero ang tarangkahan na malayo pa lamang ay natanaw na silang parating. Agad na nanlaki ang mga mata ni Ophelia nang makita ang mansyon.

“Mas gugustuhin ko sanang nanatili na lamang tayo sa gubat,” bulong ni Ophelia sa tainga ng lingkod.

“Mamayang gabi,” sagot ni Sining. Lumabas si Hermana Amparo nang marinig na nagbukas ang tarangkahan at tinulungan bumaba ng kabayo ang amo.

“Mabuti at nakabalik na kayo bago magdilim. Señorita, mayroon kang bisita at kanina pa siya nag-aabang sa iyo. Naroon siya sa sala,” ani Hermana amparo. Tumalon si Sining mula sa kabayo.

“Si Camilo? Ngunit bukas pa siya dapat babalik,” ani Ophelia na nanlaki ang mata. Kumabog ang dibdib ni Sining at nagkatinginan ang dalawa. Ang maikli niyang oras ay lalo pang umikli.

“Napaaga daw ang kaniyang balik sapagkat maaga niyang natapos ang kaniyang misyon,” ani Hermana Amparo.

“Sasamahan kita, Pili,” ani Sining, hinawakan niya ang braso ng amo, akmang handang ipagtanggol ito.

“Huwag na, Sining, mayroon ka ding bisita at kanina pa din siya naghihintay sa iyo. Naroon siya sa bakuran,” ani Hermana Amparo.

“Sino po ang bibisita sa akin?” ani Sining. Si Ophelia naman ang naglagay ng kamay sa beywang ni Sining.

“Isang makisig na lalaki, kababata mo raw,” ani Hermana Amparo.

“Ako na ang magbabalik kay Rustico sa kuwadra, sadyain mo na ang iyong bisita, Sining,” ani ng hardinero.

“Gusto ko siyang makilala,” ani Ophelia.

“Ngunit kanina pa ho naghihintay sa inyo si Camilo de Guzman,” ani Hermana Amparo.

“Kung gayon ay kaya pa niyang maghintay ng ilang sandali. Hindi naman po ako magtatagal. Nais ko lamang makilala ang kaibigan ni Sining,” sagot ni Ophelia. Kinuha niya ang kamay ni Sining at dali-daling dumeretso patungong bakuran. Lutang si Sining sa pagkabigla na nariyan lamang malapit si Lucas, at pinabayaan niyang dalhin siya ni Ophelia.

Sa bakuran ng bahay ay natagpuan nila ang isang matipunong lalaki na nakatalikod at nagmamasid sa mga bulaklak na naroroon. Bumagal ang mga yabag ni Ophelia at sumunod si Sining. Marahil dala ng ilang taon ng pagsasanay sa bundok, sensitibo ang mga tainga ng lalaking iyon maging sa pinakamahinang kaluskos ng damo, at agad niyang nilingon ang mga bagong dating.

Nangiti si Lucas nang sa wakas ay muling nakita ang kasintahan. Lumabas ang biloy sa kanan nitong pisngi, at nawala ang ilang kulubot sa paligid ng bilugang mga mata. Higit na tumanda si Lucas buhat nang huli silang magkita, ngunit kung ano mang hirap at pasakit na pinagdaanan ay agad na nawala nang makita niya si Sining. Walang ngiting nabakas sa mukha ng dalaga.

“O, Sining, bakit para kang nakakakita ng multo? Hindi ka ba masaya na dinalaw kita?” ani Lucas na lumapit sa dalawa.

“Hindi sa ganoon,” sagot ni Sining, lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Ophelia. “Nagulat lamang ako sa iyong biglaang pagbisita. Lucas, ito nga pala si Ophelia Buenaventura, siya ang aking amo.”

Hindi ngumiti si Ophelia. Yumukod naman si Lucas.

“Pili, siya si Lucas Magsino, ang aking..”

“Nobyo,” pagpapatuloy ni Lucas.

“Lucas..,” panimula ni Sining, habang pinandidilatan ang kaibigan.

“Bakit? Totoo naman, hindi ba? Sinagot mo ako isang araw bago ka pumunta rito,” sagot ni Lucas. “Pasensya ka na, Ophelia, hindi pa niya nais ipaalam ito kahit na kanino ngunit nakikita ko naman na malapit kayo sa isa’t isa.”

Tumaas ang tindig ni Ophelia. “Tama ka, malapit na malapit kami sa isa’t isa ni Sining.”

“Kung gayon ay dadalo ka sa amin kasal, kahit na ito ay pagdiriwang ng mga indiyo lamang?” tanong ni Lucas.

“Lucas!” ani Sining, hindi makapaniwala sa lumabas sa bibig ng kasintahan. Nakita niyang nagbago ang mukha ng kaniyang amo. Ang dating maamong mga labi ay nakadiin, at halata ang nagkikiskisang mga ngipin.

“Pili..,” panimula ni Sining ng kaniyang pagpapaliwanag ngunit binitawan ni Ophelia ang kaniyang kamay.

“Mag-usap kayo kahit gaano niyo katagal gustuhin. Naroon ako sa aking silid kung kailangan mo ako,” ani Ophelia. “Kinagagalak kong makilala ka,” dagdag ng dalaga kay Lucas. Tumalikod ito at nagtungo papasok ng mansyon.

Walang ngiting nabakas sa mukha ni Ophelia sa pagpasok nito sa loob ng bahay. Padabog nitong isinara ang pintuan at nagmamaktol na naglakad sa kahabaan ng sala. Hahakbang na sana ito sa marmol na hagdanan upang magbalik sa kaniyang silid nang marinig niya ang isang tinig na nagpatayo sa kaniyang mga balahibo.

“Pili,” ani ng tinig ng isang lalaki. Tumayo si Camilo de Guzman mula sa kinauupuan sa sala at iginawad kay Ophelia ang isang malamig na titig.

“Wala kang karapatang tawagin ako niyan,” ani Ophelia. Napansin niyang humaba ng kaunti ang buhok ni Camilo magbuhat nang huli silang magkita.

Kumulot ang mga labi ng kapitan sa isang mapanuyang ngiti, bago ito humalakhak

_________________________________________________

Pagka-alis na pagka-alis pa lamang ni Ophelia ay ginawaran ni Sining ng isang sampal si Lucas.

“Lapastangan ka!” ani Sining. Ininda ni Lucas ang lakas nang pagkakasampal sa kaniya ng kasintahan.

“Bakit? Ano ba ang mali sa aking sinabi? Hindi ba’t totoo naman na pagkatapos ng himagsikan ay magpapakasal na tayo at bubuo ng pamilya?” tanong ni Lucas.

“Kahit kailan ay wala akong sinabing ganiyan, at hindi ka nakasisiguro kung matatapos nga ang himagsikan, o kung magtatagumpay tayo,” sagot ni Sining.

“Sa tulong mo, Sining, magtatagumpay tayo. Patawarin mo ang aking kapahangasan. Nabastos kita, at marahil ay nabastos ko din ang iyong amo,” ani Lucas.

“Ano ba talaga ang sadya mo dito?” ani Sining.

“Ano pa nga ba? Kung hindi dalawin ang aking kasintahan?” ani Lucas. Sinubukan niyang kunin ang kamay ni Sining ngunit iniwas ito ng dalaga. Napansin ito ni Lucas at napatingin sa direksyon ng bahay.

“Mayroon kaming bagong pinagkukutaan, malapit lamang, sa Pulilan. Kasama ko ang iyong Tiyo Gani. Papalapit na ang araw na kukuhanin namin ang Malolos mula sa mga Kastila at doon kami manggagaling. Nakatira kami sa bahay ng isang Intsik na nagngangalang Gat Po,” lahad ni Lucas.

“At nandito ka upang malaman kung nagagawa ko ba nang mabuti ang aking misyon? Nakita mo naman kung gaano kami kalapit ng aking alaga,” sagot ni Sining.

“Nakita ko nga. Tila sumobra nga ang lapit,” ani Lucas na humigpit ang bagang.

“Ano ang ibig mong sabihin?” ani Sining na kumabog ang dibdib. Umiling lamang si Lucas.

“Kung makakapunta ka bukas, magkakaroon ng malaking pagpupulong. Hanapin mo si Gat Po, sikat siya sa buong bayan. Marahil doon ibibigay ang huli mong misyon,” ani Lucas.

“Gagawin ko ang aking makakaya upang makadalo,” sagot ni Sining.

“Siguraduhin mo. Siguraduhin mo din kung nasaan ang iyong katapatan,” ani Lucas. Kinabahan si Sining. Ngunit hindi maaaring may nakita si Lucas sapagkat tago ang kuweba kung saan naganap at lahat. At wala ring nakakaalam kung saang gubat, lalo na kung saang bahagi sila ng kakahuyan napadpad.

“Kung ano mang katapatan ang mayroon ako ay hindi iyon para sa iyo. Hindi kita mahal, Lucas, at hindi ko kayang matutuhang magmahal. Hindi ko nais ang ikaw ay lokohin, kaya’t bago pa pati ang pagkakaibigan natin ay mawala, marapat lamang sigurong tapusin ko na kung ano mang higit sa pagkakaibigan ang namamagitan sa ating dalawa,” ani Sining.

Napayuko si Lucas. “Higit iyang mas malaking sampal kaysa sa ibinigay mo sa akin kanina. Mababago ko pa ang isip mo, Sining. Sige, magpapaalam na ako at hinihintay na din ako ng iyong tiyo. Sana ay makadalo ka bukas.”

Hindi na sumagot pa si Sining at inihatid si Lucas sa likod na tarangkahan ng mansyon. Hindi na lumingon ang binata at naglakad papalayo. Hinintay ni Sining na tuluyang maglaho ang imahe ni Lucas bago siya muling pumasok sa mansyon mula sa likod na pintuan.

Sa loob ng kusina ay naabutan niya si Hermana Amparo at ang kusinera na nagluluto ng hapunan.

“Sining, maupo ka na muna at patapos na ang hapunan ng Señorita, hintayin mo na nang hindi ka magpabalik-balik,” ani ng kusinera. Naluluha si Hermana Amparo sa hinihiwang sibuyas.

“Nobya mo ba ang lalaking iyon, Sining? Aba’y napakakisig na lalaki,” tanong ni Hermana Amparo.

“Kababata ko lamang po,” sagot ni Sining. “Ngunit maraming nagkakagusto diyan sa amin sa probinsya.”

“At ikaw, hindi nagkakagusto?” tanong ni Hermana Amparo. Umiling si Sining.

“Malayo pa po ang ganyan sa aking isip.”

“Aba ay bakit naman? Kapag nagkatuluyan na si Señorita Ophelia at si kapitan ay ano pa ang gagawin mo kung hindi ang mag-asawa na din? Maisasama ka lamang ni Ophelia kung pahihintulutan iyon ng kaniyang asawa,” ani Hermana Amparo. Nalaglag ang puso ni Sining. Kapag naging mag-asawa si Ophelia at Camilo ay si Camilo na ang masusunod. Maaaring hindi na niya makita kahit kailanman ang kaniyang amo.

Kapag ibinigay naman niya si Ophelia sa kilusan ay lalong hindi na niya ito makikita sapagkat alam niyang papatayin din nila ito. Papatayin ni Lucas, lalo na at nagsisimula na itong maghinala. Si Lucas na hindi niya iniibig, na dapat sana’y makakasama niya habang buhay kung hindi niya lamang nakilala si Ophelia. Alam ni Sining sa kaniyang sarili na magbuhat pa nang una niyang mahawakan ang mga kamay ni Ophelia ay hindi na niya kakayanin pang mawalay dito. Bumuo ng isang kamao si Sining. Nakagawa na siya nang pagpapasiya. Nang paalisin niya si Lucas ay nakapagdesisyon na siya kung nasaan ang kaniyang katapatan. Ang katapatan niya ay nasa tunay na pag-ibig, paano siya maaaring magkamali?

Ngayong gabi, bibigyan niya ng dahilan si Ophelia na huwag ituloy ang pagpapakasal kay Camilo.

“Manang, malapit na po ba ang iyong niluluto?” tanong ni Sining.

“Ito, hija, isasalin ko na lamang sa mangkok. Isasama ko na rin ang iyong ulam upang wag ka nang bumalik. Mangyaring kumuha ka ng kanin at ilagay mo riyan sa bandehado,” sagot ng kusinera. Sinunod siya ni Sining, nagmamadali nang makaakyat sa silid ng amo. Tinulungan siya ng kusinera at ni Hermana Amparo na ilagay ang sabaw, ulam, kanin at inumin sa isang patungan.

“Nakaalis na po ba ang kapitan?” tanong ni Sining.

“Kanina pa, ilang sandali bago ka nagbalik rito,” sagot ni Hermana Amparo.

“Binantayan niyo po ba sila?” tanong ni Sining.

“Hindi na, hija, may tiwala naman ako sa kapitan,” ani Hermana Amparo.

Dali-daling binuhat ni Sining at patungan at lumabas ng kusina.

“Aba’y magdahan-dahan ka, Sining!” sabay na sigaw ng tagaluto at ng mayor doma.

Mabilis ngunit maingat na binagtas ni Sining ang kahabaan ng sala, paakyat ng hagdan, hanggang sa pasilyo sa ikalawang palapag. Hindi malaon ay natagpuan niya ang kaniyang sarili sa tapat ng pintuan ng silid ni Ophelia. Kumabog ang kaniyang dibdib, ngunit hindi na dahil sa takot, bagkus, ito ay dahil sa pananabik. Ilang sandali na lamang, hindi na niya kailangang matakot pa at isipin na hindi na niya mahahawakan ang mga kamay ni Ophelia.

Hindi na kumatok si Sining at pinapasok na ang kaniyang sarili. Nakatalikod sa kaniya si Ophelia at nakatanaw sa labas ng bintana. Halos mawalan ng hangin si Sining sa dibdib nang makita ang amo sa ilalim ng liwanag ng kasisikat lamang na buwan. Nagkukulay ginto ang buhok nito sa tuwing matatamaan ito ng liwanag. Marahang ibinaba ni Sining ang pagkain sa lamesita. Nagsumikap siyang huwag lumikha ng tunog habang naglakad patungo kay Ophelia.

Dalawang kayumangging kamay ang dumampi sa balikat ni Ophelia. Pinaglaro ni Sining ang kaniyang mga daliri at hinimas ito pababa ng hubad na mga braso ng kaniyang amo, hanggang sa makadaop niya ang mga palad nito. Ginawaran niya ng magagaang halik ang batok ni Ophelia, ngunit hindi ito sumagot.

“Pili, patawad ukol kay Lucas, hiniwalayan ko na siya,” bulong ni Sining, habang hinahalikan ang tainga ng kaniyang amo. Pumiglas si Ophelia.

“Wala kang nabanggit sa akin na kahit kailan ay naging nobyo mo ang lalaking iyon. Parati kitang tinatanong, ngunit parati mo ring sinasabing kaibigan mo lamang siya,” sagot ni Ophelia. Nagulat si Sining. Ngayon lamang niya nakitang magalit ang kaniyang amo.

“Patawad, Pili, hindi ko naman akalaing makikita natin siya. Ngunit tapos na iyon, nakipaghiwalay na ako,” ani Sining. Sinubukan niyang hawakan ang mga kamay ng amo ngunit inilayo ni Ophelia ang mga ito.

“Bakit mo ginawa iyon? Isa siyang makisig na lalaki, at mabait base sa iyong mga kuwento. Bakit mo pakakawalan ang isang tulad niya?” tanong ni Ophelia.

“Alam mong kahit kailan ay hindi ko siya natutuhang mahalin,” sagot ni Sining.

“At ako, Sining, natutuhan mo?” tanong ni Ophelia. Hindi na niya hinarap si Sining at muling tumingin sa labas ng bintana.

Lumapit si Sining kay Ophelia. “Nakapagpasya na ako, Pili,” kinuha niya ang mga pisngi ni Ophelia sa kaniyang mga kamay, akmang hahalikan ito, ngunit nagsalita ang dalaga.

“Huli ka na, Sining. Nakapagpasya na rin ako,” ani Ophelia.

“Ano ang ibig mong ipakahulugan?,” tanong ni Sining. Inalis niya ang kamay mula sa pisngi ng dalaga at kumunot ang kaniyang noo.

“Kasado na ang mga plano, napag-usapan na namin ni Camilo. Magpapakasal ako sa kaniya,” sagot ni Ophelia. Naupo ang dalaga sa may lamesita at ipinaghain ang sarili.

Muling bumuo ng kamao si Sining. Ang kabog sa dibdib na kanina ay pananabik ay napalitan ng poot at galit. Pakiramdam niya ay siya ay napaglaruan ni Ophelia.

“Aalis tayo sa makalawa ng gabi, kaya’t sa makalawa ng umaga, nais kong ihanda mo ang lahat. Walang makakaalam nito, Sining. Isasama kita. Matapos makatakas dito ay didiretso tayo sa isang maliit na kapilya sa kalapit nayon, sa Calumpit, sa ganap na alas diyes ng gabi ay ikakasal kami ng paring kaibigan ni Camilo. Ikaw ang aking magiging saksi, kay Camilo naman ay ang kaniyang kutsero. Hindi ka naman tatanggi, hindi ba?” tanong ni Ophelia. “Alam kong babantayan mo ako hanggang sa huling sandali.”

“Binabayaran ako upang gawin iyon.” sumbat ni Sining. Hindi ito pinansin ni Ophelia na sa halip ay uminom lamang sa kaniyang baso.

“Pagkatapos na pagkatapos ng kasal, didiretso tayo sa bahay ng tiya ni Camilo sa Apalit. Nasa España ang kaniyang tiya at sa amin na muna ang mansiyon. Naroon nakahanda na ang pagsasalu-salo na aabutin hanggang umaga. Imbitado lahat ng mga kapitan sa mga kalapit bayan, pati na ang ilang mamamahayag upang ideklara ang aming pagpapakasal. Sa oras na dumating ang balita sa aking ama ay wala na siyang magagawa. Ako ay maybahay na ni Camilo de Guzman,” dekalara ni Ophelia.

Hindi sumagot si Sining, at hinayaang ang galit ay mamayani sa kaniyang puso. “Masusunod, Señorita Ophelia,” panunuya ni Sining.

Kumain si Ophelia at hindi inaya ng dalaga. Nawalan na ng ganang maghapunan pa si Sining. Nang matapos ang amo ay iniligpit niya ang pinagkainan at ibinaba sa kusina. Sa pag-akyat ay inihanda niya si Ophelia sa pagtulog. Mag-a-alas nuebe na ng gabi nang mahiga ang dalawa na magkatalikod.

“Ophelia,” panimula ni Sining habang nakahiga at hindi hinaharap ang kausap. “Kung pahihintulutan mo ako ay bukas nais kong mamasyal dito sa Malolos, mag-isa. Maaaring hindi ko na makita ang lugar na ito habang buhay.”

“Walang problema, Sining, basta’t magbalik ka bago maghapunan,” sagot ng tinig mula sa likod ng dalaga. Sa di kalayuan ay narinig ng dalawa ang tilaok ng isang tandang, at tumulo ang luha sa kaliwang mata ni Ophelia.

Sobre Rojo (Episode 12): Ang Dalawang Bisita

6 responses »

  1. naaadik na ata ako dito.. T.T .. Matapos sana to hanggang ending talaga… Salamat may pampalipas oras ako ngayong bakasyon..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s