Sobre Rojo (Episode 10): Ang Mumunting Kaligayahan ni Sining

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

Hi, here is the tenth episode, as promised. Please don’t forget to leave your comments. Thank you for reading🙂
I’m sorry, hon!😦
The episodes are compiled in the  Shows tab.

 

Ilang araw ang inubos ng magkaibigan sa mga bagay na dati’y iniisip ni Sining na walang kawawaan, ngunit ngayon ay nagbibigay sa kaniya ng aliw na hindi pa niya nararanasan. Ipinakilala siya ni Ophelia, ngayon ay tinatawag niyang Pili, sa mga makamundong bagay na kaniyang natutunan sa España sa pamamalagi doon ng isang taon. Sa umaga, matapos mag-almusal, ay inilalaan nila ang oras sa mga gawaing maehersisyo. Madalas silang maglakad sa hardin sa likod ng mansiyon tuwing umaga, habang ang sikat ng araw ay banayad pa sa balat. Mauupo si Ophelia sa ilalim ng silong ng puno ng aratiles, iguguhit ang iba’t ibang halaman at ibon na naruruon sa paligid, habang si Sining naman ay dahan-dahang aakyatin ang mapapayat na sanga ng punong iyon upang hatiran si Ophelia ng malilintog at matatamis nitong mumunting pulang bunga. Sa tinagal ng panahong tumira si Ophelia sa mansiyong iyon ay ngayon pa lamang daw niya nalamang nakakakain pala ang mga bunga ng punong iyon. Minsan ay dinadala ni Sining ang kanilang almusal sa ilalim ng aratiles kung saan siya naglalatag ng banig. Bihirang lumalabas ng bahay noon si Ophelia, at magbuhat ng dumating si Sining ay nanumbalik na ang kulay sa mapuputlang pisngi ng dalaga.

Kung minsan naman ay mag-aaya ang kaniyang alaga sa ilog ng Atlag, kung saan paborito niyang ginuguhit ang eksena ng mga babaeng naglalaba sa may dalampasigan, at mga mangingisdang palayag pa lamang. Kapag napagod na ang malalambot na kamay sa pagguhit, magpapahinga ang dalawa habang nagtatampisaw sa pampang ng ilog. Madalas ay minamasahe ni Sining ang mga kamay ni Ophelia habang pinapanood nila ang mga ina at mga anak nilang babae na nagkukusot at nagpapalu-palo ng mga maruming kamiseta at palda.

Hinagod ni Sining ang makinis na palad ni Ophelia. “Pili, nakasisigurado akong hindi mo pa nararanasan ang maglaba.”

Binawi ni Ophelia ang kamay mula sa lingkod, at pabirong nasaktan ang damdamin. “Bakit, dahil ba sa malalambot kong mga kamay? Kinamumuhian mo na naman ba ako, Sining?”

“Handa akong ipaglaba ka, Pili, huwag lamang madungisan ang kutis ng iyong mga palad,” sagot ni Sining. Muli niyang kinuha ang mga kamay ni Ophelia, ngunit sa puntong iyon, hindi maikakaila ang bahagyang pagpula ng mga pisngi ng kaniyang amo.

Makapananghalian ay magsisiyesta ang dalawa. Ang katotohanan ay si Ophelia lamang naman talaga ang natutulog. Hihimbing ang amo sa kaliwang bahagi ng kama, nakatalikod kay Sining at hindi nakakumot dahil sa init ng tanghali. Hihimasin ni Sining ang buhok ni Ophelia hanggang sa ito ay makatulog, sapagkat gustong gusto ito ng kaniyang amo. At bagaman naririnig na niya ang mahinang hilik ng dalaga, hindi pa rin titigil si Sining sa paghimas sa mga hiblang iyon na ginintuan sa ilalim ng sikat ng araw. Si Sining na hindi marunong mag-ayos ng sarili, ay natutong magtirintas gamit ang buhok ng kaniyang amo, sa loob ng isang oras na papanuorin niya itong matulog. Namamangha siya sa sariling lipak na mga daliri na nawawala at muling lilitaw sa tuwing pinaglalaruan ang buhok ng amo. Kapag natapos tirintasin ang isang manipis na kumpol ng hibla ng buhok, itatali niya ito gamit ang tangkay ng bulaklak ng kalachuchi na marami sa kanilang hardin. Magaling sa mga tali si Sining, bagay na natutunan niya sa katipunan, kaya’t ang madalas na maikli lamang na tangkay ay nagagawa niyang matibay na pang-ipon ng buhok na itinirintas. Magigising na lamang si Ophelia matapos ang isang oras, na naadornohan na ng mga bulaklak ng kalachuchi ang dulo ng kaniyang buhok.

“Bakit mo pinagdidiskitahan ang aking buhok, Sining?,” tanong ni Ophelia, sabay tawa. “Natatakot akong baka minsan paggising ko ay pinintahan mo na ang aking mukha.”

Tumayo si Ophelia mula sa kama at tumungo sa harap ni Sining.

“Halika, ikaw naman,” alok ng amo. Kinuha niya ang kamay ni Sining at dinala patungo sa tukador, kung saan naroroon ang malaking salamin. Pinaupo niya si Sining sa harap ng salamin at pumwesto sa likod nito. Tinanggal ni Ophelia ang payak na pamusod sa buhok ni Sining at kinuha ang isang mamahaling suklay na galing pang España. Sinimulan niyang suklayin ang itim at tuwid na buhok ng dalaga, na abot hanggang kaniyang beywang. Pinanood ni Sining ang mga kamay ng amo na kaniyang sinasamba, ang mga puting daliri na nawawala at lumilitaw sa itim na buhok.

“Ito ang sikat na ayos ng buhok sa España, noong umalis ako,” paliwanag ni Ophelia.

Itinirintas ni Ophelia ang malaking bahagi ng harapan ng buhok ni Sining bago ito ipon kasama ng mga hindi natirintas na buhok sa isang pusod sa likod. Binuksan niya ang isang tukador at kinuha mula roon ang isang pulang sobreng gawa sa tela na binurdahan ng mga bulaklak gamit ang gintong sinulid. Binuksan niya ito at inilabas ang isang kulay berdeng porselanang payneta na may dekorasyon din ng mga bulaklak. Sa dulo ng payneta, nakaporma ang kulay asul na maliliit na brilyante sa pabilog na titik “O”. Isa ang titik na iyon sa kakaunting alam ni Sining, sapagkat madali itong kabisaduhin at kapareho lamang ng hugis ng bibig ang itsura sa tuwing ito’y bibigkasin. Laking gulat ni Sining nang makita niya ang paynetang ito. Kaparehong kapareho ito ng paynetang ibinagay sa kaniya ng kaniyang Tiyo Gani noong maiputok niya ang kaniyang unang rebolber, maliban lamang na titik “Z” ang binaybay ng mga brilyante. Alam din ni Sining ang titik na iyon sapagkat doon nagsisimula ang kaniyang pangalan.

“Pili, saan mo nakuha ang paynetang iyan?,” tanong ni Sining. Isinuksok na ni Ophelia ang payneta sa likod ng ulo ni Sining upang matapos ang pag-aayos.

“Ibinigay ito sa akin ng aking ina, noong ako ay labing-dalawang taon,” sagot ni Ophelia. Inayos niya ang iilang hibla ng buhok na nahulog sa mukha ni Sining. Nagtaka ang dalaga, labing-dalawa din siya noong matanggap niya ang payneta mula sa kaniyang tiyo. Ngunit kung ano mang kunot sa noo na mayroon si Sining ay hindi napansin ng kaniyang alaga na manghang mangha sa kaniyang ginawa.

Tiningnan ni Sining ang imahe nila ng kaniyang amo sa salamin, at nagulat ang dalaga sa nakita. Bagaman buhok lamang niya ang binago ni Ophelia, kitang kita ng dalaga ang malaking pagbabago sa kaniyang itsura. Ang dating payak na mukha ni Sining ay lumitaw at naging kapansin pansin. Ang dating ganda niya na nagmumula lamang sa kaniyang kabataan ay nagbuhat na ngayon mula sa kinang ng mga matang nililigiran ng mahahabang pilik, sa tambok ng dati’y nangangayayat na mga pisngi, at sa pula ng mga labing dati’y nanumuyo sa init ng araw. Tiningnan niya si Ophelia, na siya ring nakatitig sa kaniya, bahagyang nakabukas ang bibig, at hindi nagsasalita. Sa pakiwari ni Sining, at alam niyang siya ay isang mapagpakumbabang tao, ay hindi nalalayo ang itsura niya sa wangis ng kaniyang amo. Puti at kayumanggi, iisang ganda lamang ang nakikita ni Sining. Gustuhin man niya o hindi, may nagbago sa kaniya simula ng araw na makilala niya si Ophelia.

Napalunok si Ophelia at umatras. Iniabot niya ang kaliwang kamay kay Sining.

“Magandang binibini, maaari ko bang makuha ang sayaw na ito?,” tanong ni Ophelia. Hinarap siya ni Sining na nanatiling nakaupo.

“Ikaw ang magandang binibini,” sagot ni Sining. Magkagayunpaman ay kinuha niya ang kamay ng kaniyang amo.

“Wala akong alam na sayaw,” ani Sining na nahihiya. Iniangat ni Ophelia ang kamay ni Sining na nasa kaliwa niyang kamay. Inilagay niya naman ang kanang kamay sa beywang nito.

“Ipatong mo ang iyong kaliwang kamay sa aking kanang balikat at sumunod ka lamang sa akin,” utos ni Ophelia. Marahang umabante at umatras si Ophelia, ang katawan ni Sining ay natural na sumunod sa pagbabago ng hubog ng katawan ni Ophelia.

“Ganito ang sikat na sayaw sa España sa tuwing may mga sosyalan at mga pagdiriwang,” paliwanag ni Ophelia.

“Marahil ay maraming nagsasayaw sa iyo noon,” biro ni Sining.

“Hindi nawawalan. Ngunit ngayon, alam ko nang mas masaya pala kapag ikaw ang namumuno ng sayaw, kaysa sa sumusunod ka lamang,” sagot ni Ophelia. Iniikot niya si Sining sa bakanteng espasyo ng kaniyang silid. Nag-ingay ng bahagya ang ilang bahagi ng kahoy na sahig na kanilang matapakan, ngunit sa pangkalahatan ay tila naging sing gaan ng hangin ang paggalaw ng kanilang mga paa. Walang maririnig na ingay kundi ang mga ibon na humuhuni sa hardin sa labas, at ang pagpaspas ng kanilang mga palda sa tuwing nagkakatamaan ang mga laylayan nito kapag sila ay umiikot. Sumayaw ang dalawa sa saliw ng awiting sila lamang ang nakaririnig.

Naging libangan na nila ang pagsasayaw tuwing hapon, pagkagising ni Ophelia mula sa kaniyang idlip at bago magmeryendal. Hindi totoo na walang alam na sayaw si Sining, sapagkat madami siyang alam na katutubong sayaw na natutunan niya sa tuwing magkakaroon ng kasayahan sa kilusan. Paborito ni Ophelia ang sayaw na itik itik, na gumagaya sa kilos ng nasabing ibon.

Pagkatapos magmeryenda ay naglalaro ang dalawa. Bumili si Sining ng sungka sa palengke, at itinuro niya sa alaga kung pano ito laruin. Kinagabihan ng araw na iyon ay hindi na nanalo si Sining kay Ophelia.

Kung minsan ay baraha naman ang kanilang pinagkakaabalahan.

“Basahin mo ang aking kapalaran,” hiling ni Ophelia. Binalasa ni Sining ang mga baraha, walang ideya kung ano ang kaniyang ginagawa, habang pinagtawanan siya ni Ophelia.

“Handa ka na bang malaman ang iyong kapalaran?,” tanong ni Sining. Ipinakita niya kay Ophelia ang isang barahang nakataob. Natawa ang kaniyang amo.

“Hindi ko na ito mahintay pa,” halakhak ni Sining.

Binuksan ni Sining ang barahang nasa kamay at ibinaba ito lamesita.

“Ang payaso,” deklara ni Sining. “Iyan ang iyong kapalarang mapagbiro. Akala mo ay hindi na magbabago ang iyong buhay na nakasanayan, ngunit sa isang iglap, maaaring mag-iba ang lahat.”

“Magaling ka pala dito,” biro ni Ophelia, ngunit hindi nagbibiro si Sining sa kaniyang mga sinabi.

Binaba ni Sining ang ikalawang baraha.

“Dalawang puso. Wagas na pag-ibig sa pagitan ng dalawang magkasintahan,” ani Sining. Napahagikgik si Ophelia.

“Talaga, iyon ang iyong nakikita? Hindi ba maaaring kare-kareng puso ng saging ang ating hapunan mamaya?,” biro ni Ophelia. Inilagay ni Sining ang kanang hintuturo sa tapat ng labi.

“Shhhhh, huwag kang maingay at baka iyong maabala ang mahika ng mga baraha,” ani Sining. Nagtawanan ang dalawa.

Ibinaba ni Sining ang ikatlong baraha. Hindi niya napansin na nahulog ang barahang nasa ibabaw noon, ang siyang dapat sanang susunod niyang ibababa.

“Hari ng diamante. Siya ang sinasabi kong pag-ibig, isang lalaki mula sa mataas na estado ng buhay ang nasa iyong hinaharap. Si Camilo de Guzman,” ani Sining. Nawala ang ngiti sa mga labi ni Ophelia. Tumayo ang dalaga upang iligpit ang baraha.

“Naiinip ako sa ganitong laro,” dali-daling iniligpit at inayos ni Ophelia ang mga baraha at inilagay sa lalagyan nito. “Wala ng mga baraha mula ngayon, magsungka na lamang tayo.”

Tumayo si Sining upang ibalik ang baraha sa lalagyan nito at kunin naman ang sungka sa ilalim ng kama ng kaniyang amo. Pupuntahan na sana ni Ophelia ang kaniyang lingkod upang tulungan ito, ngunit sa unang yabag niya ay natapakan niya ang barahang nahulog ni Sining, ang dapat sana’y ibababa niya sa lamesita.

Reyna ng mga puso.

Tiniklop ito ni Ophelia at tinago sa kaniyang bulsa bago pa man humarap ang kaniyang lingkod.

Minsan naman ay pagbuburda ng mga panyo ang inaatupag ng dalawa. Hindi na maikakaila na si Ophelia ang magaling magdisenyo sa dalawa, ngunit natuklasan nilang si Sining ang mas magaling manahi. Kung anong husay ni Ophelia sa paggamit ng lapis ay siyang banban naman niya sa paghawak ng karayom at sinulid. Makailang ulit na ipinakita ni Sining kay Ophelia kung paano tamang mapasok ng sinulid sa mata ng karayom. Mapilit si Ophelia na subukan ito, nagtigil na lamang siya nang magdugo ang isang hintuturo matapos matusok ng karayom. Matinding pagpipigil ang ginawa ni Sining upang hindi halikan ang dulo ng daliring iyon na iinabad na lamang niya sa tubig at pinunasan ng malinis na basahan. Mula ng araw na iyon ay napagdesisyunan na lamang nila na si Ophelia ang gagawa ng disenyo, at si Sining naman ang maglilipat ng disenyong ito sa tela gamit ang karayom at sinulid.

Isang hapon ay gumagawa ng disenyo si Ophelia sa papel na siyang ibuburda ni Sining. Nainip ang lingkod kaya’t napagdiskitahan niyang ayusin ang aparador ng amo. Inialis niya isa isa ang mga aklat ni Ophelia at pinagpagan ito ng alikabok bago ibinalik sa maayos na pagkakahanay. Nakakalimang libro na si Sining nang mahuli ang kaniyang paningin ng isang aklat. Pinagpagan niya ang aklat na nabalot sa kulay puting papel at tinitigan ang harapan nito. Isang eksena ng mga babae sa entablado, nakasuot ng mga pulang bestida at nakahanay habang nakataas ang mga kanang hita at nakaturo sa hangin. Pinapanood ng mga lalaki at babaeng nakasuot ng magagarang baro at sumbrero ang palabas sa entablado. Panay may tabako sa bibig ang mga lalaki, habang may mga hawak na baraha ang mga babae. Sa estilo ng pagkakaguhit at sa detalyeng ibinigay sa larawan, hindi maikakailang ang kaniyang amo ang gumawa nito.

“Pili, anong aklat ito?” tanong ni Sining. Kinunot ni Ophelia ang balat sa paligid ng mata upang tingnan nang mabuti ang libro na hawak ni Sining.Napangiti ang dalaga.

“Iyan ay Noli Me Tangere ni Rizal, ipinuslit ko sa mga kopyang nakumpiska at susunugin nila papa,” sagot ni Ophelia. Nanlaki ang mga mata ni Sining. Binuklat niya ang libro, ngunit tulad ng ibang aklat na kaniyang nasisilip, puno ito ng mga simbulong hindi niya naiintindihan. Lumapit sa kaniya si Ophelia.

“At ang larawan sa takip?,” tanong ni Sining.

“Iginuhit ko. Kailangan kong ikubli na mayroon akong kopya ng librong ito, sakali mang halukayin ni papa ang aking gamit,” sagot ni Ophelia. Ngumiti si Sining at isinara ang aklat. Ibabalik na sana niya ito sa lalagyan ng kuhanin ng amo mula kaniyang kamay. Nagpang-abot ang kanilang mga daliri.

“Ilang beses ko nang nabasa ang aklat na ito, sigurado akong alam mo ang kuwento nito,” ani Ophelia.

“Sa totoo lamang ay hindi,” sagot ni Sining.

Nagulat si Ophelia. “Ang hindi malaman ang akda ng sarili mong kalahi?”

“Hindi ko kalahi si Rizal. Kahanga-hanga siya, ngunit hindi namin siya katulad, isa siyang mestiso, nakaa-angat sa buhay. Isa pa, patay na siya,” sagot ni Sining.

“Hindi siya mamamatay hangga’t may taong nagbabasa ng kaniyang mga akda, at magsasabuhay ng layunin nito” ani Ophelia, at iniabot ang bukas na aklat kay Sining.

“Hindi ako maruning mag-Español, at lalong hindi ako marunong bumasa ni sumulat,” sagot ni Sining.

Tumalikod si Ophelia at naglakad palayo, akala ni Sining ay tapos na ang usapan kaya’t ibinalik na ni Sining ang aklat sa lalagyan. Pagharap niya ay naroon na ulit ang amo, may tangang malalaking papel sa kaniyang mga bisig. Alam ni Sining na ang mga papel na ito ang ginagamit ng amo sa pagguhit, at galing pa ang mga ito sa Europa. Kamakailan lamang ay namomroblema si Ophelia dahil malapit nang maubos ang mga ito.

“Hindi ako makapapayag na hindi ka marunong magbasa kahit sarili mong pangalan,” ibinaba ni Ophelia ang mga papel kasama ng ilang lapis sa lamesita.

“Gamit ang mga papel na iyan? Ngunit hindi ba’t paubos na ang mga iyan?,” ani Sining. Ngunit hindi na nakinig si Ophelia at naupo na. Inilapad niya ang mga nakarolyong papel at nagsimulang sumulat. Pinanood ni Sining ang kaniyang amo, lapis sa kamay, habang sumusulat ng malalaking titik sa papel na iyon. Banayad na humagod ang maninipis na daliri hangga’t mapuno ang espasyo ng malalaking titik. Nang matapos, kumuha si Ophelia ng isang bote ng tinta at bagwis na panulat. Initiman niya ang bawat guhit at bilog sa puting papel. Hindi makapaniwala si Sining sa nakikita. Buong buhay niya ay walang nag-aksaya ng oras at kakayahan upang punan ang kaniyang kamangmangan. Kaya’t bata pa lamang si Sining ay hindi na siya naengganyong matutuong magbasa at sumulat sapagkat sa tingin niya ay kasayangan lamang ito ng panahon. Sapat na sa kaniya ang marunong siyang magluto at pumitas ng makakaing dahon at kabute, wala siyang ibang alam na mapaggagamitan ng karunungan. Ngunit may mga gabi, sa tuwing umaawit siyang mag-isa ng gawa-gawang mga tula, ay ninanais ni Sining na sana’y kaya niyang isulat ang mga ito upang di niya malimutan ang mga berso.

Napansin ni Sining na natalmsikan na ng itim na tinta ang mga daliri ni Ophelia. Isang butil ng pawis ang nunukal sa itaas ng kaliwang kilay ng kaniyang amo dala ng init ng hapon. Bago pa man ito mapunasan ni Sining ay isang maruming daliri ang ipinahid ni Ophelia sa basang noo. Naiwan ang tinta sa ibabaw ng kilay ni Ophelia, mantsa sa maputi niyang mukha. Nang masiyahan sa gawa ay ipinatong niya ang papel sa ibabaw ng isang larawang hindi pa niya natatapos ipinta, sa patungan na may tatlong paa. Lumapit si Sining sa dalaga.

“Pili..,” panimula ni Sining.

“Maupo ka na diyan sa dulo ng kama,” sagot ni Ophelia. Ngunit patuloy na naglakad si Sining patungo sa kaniyang amo.

“Turuan mo din akong magsulat, maaari ba? Nais kong ilapat sa titik ang aking mga tula,” hiling ni Sining. Tumango si Ophelia. Umangat ang kaliwang kamay ni Sining patungo sa kaniyang sariling labi. Hinalikan niya ang hinlalaki bago niya inilapat ito sa ibabaw ng kaliwang kilay ni Ophelia. Binura niya ang mantsang naroroon at pinagmasdan ang abuhin mga mata ng kaniyang magiging guro, ang taong nagmamalasakit upang huwag siyang manatiling mangmang.

“Naalala mo iyong kinuwento ko sa’yo na mga awit na ako lamang ang gumawa?” ano Sining. Muling tumango si Ophelia at bahagyang napabuka ang bibig.

“Kapag marunong na akong sumulat, igagawa kita ng tula, pangako,” ani Sining. Bumaba ang kaniyang palad sa pisngi ni Ophelia at nanatili ito roon, magaspang na balat sa malasutla. Umatras si Ophelia at yumuko.

“Huwag kang mangako, baka umasa lamang ako at hindi mo matupad,” sagot ni Ophelia. Bumaba ang kamay ni Sining patungo sa kaniyang gilid kasabay ng kaniyang mukha. Tama si Ophelia. Gaano katagal nga ba bago matutong bumasa at sumulat ang isang tao, at gaano katagal na lamang ba ang kaniyang misyon? Sa isang linggo ay babalik na si Camilo, maaaring magbago ang lahat. Nakita ni Sining ang imahe ng kapitan sa kaniyang isipan, at nabatid niyang siya ay naging masaya nitong mga nakaraang linggo kasama ang kaniyang amo habang ginagawa ang mga bagay na dati’y kinamumuhian. Nanlumo si Sining, bakit pa kailangan maramdaman ang kaligayahan kung kailan halos patapos na ito?

Naupo na si Sining sa dulo ng kama ng kaniyang amo at pinanood ang dalaga habang tinuturo nito isa isa gamit ang namantsahang mga puting daliri ang mga titik na bubuo sa tulang umaasa siyang maibibigay pa niya kay Pili.

 

4 responses »

  1. Ngayon lang uli ako napadpad sa site mo, nagbabaka-sakaling ,ay maabutan akong Sining…at di ako nabigo…3 chapters ang bubunuan ko ng panahon para basahin at namnamin…:) Salamat sa pagpapatuloy ng obra mo🙂 Lokal naman na katha ang pupuno sa pagka-uhaw ko sa mga kwentong ganito, puro na lang si Paige at Emily ng Pretty Little Liars ang fandom ko (nanonood ka ba niyo?) Haha…Basta Salamat ulit!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s