Sobre Rojo (Episode 9): Ang mga Damdamin ni Sining

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

I guess you can expect the episodes around this time, 11:00 PM, to be safe, every other Sunday. Thank you all for reading and please don’t forget to leave your comments, and even requests🙂
The episodes are compiled in the Shows tab.

 
Banayad na kinalong ng mga unang sinag ng araw mula bintana ang mukha ni Ophelia nang ito ay magising. Hindi pa niya agad magawang maibuka ang mga abuhing mata, at nagkasya na lamang sa pag-iinat ng mga bisig. Inihaba niya ang kaniyang braso patungo sa gilid ng kama, at naramdaman ang lamig ng kawalan ng katawan sa espasyo sa kaniyang tabi. Agad na napabangon ang dalaga.

“Sining?,” tumawag si Ophelia. “Sining?,” muli siyang tumawag, ngunit walang sumagot mula sa kabilang kwarto. Kumabog ang kaniyang dibdib. Naisip ng dalaga na maaaring nagbago ang isip ng kaniyang lingkod. Marahil ay hindi kinaya ni Sining ang nakita kagabi kaya ito ay lumisan. Tumayo na mula sa kama ang pupungas pungas pang si Ophelia, at binagtas ang pagitan ng kwarto nila ng kaniyang lingkod. Inikot niya ang susian sa pintuan ng kwarto ni Sining at ito’y binuksan. Nakaayos na ang papag, mukhang malamig na ang ang langisan sa lampara na nakapatong sa lamesita, at kahit saan pa siya lumingon sa maliit na silid ay wala ang kaniyang Sining.

‘Kaniyang Sining,’ natawa si Ophelia sa naisip. Iniwan na siya ng kaniyang Sining. Hindi napansin ng dalaga na bumukas ang pinto sa sariling silid. Mangilid-ngilid ang luha, tumalikod na ang dalaga, at tumambad sa kaniyang harapan ang mukhang pinakahahanap. Naruruon si Sining, sa paanan ng kaniyang kama, tangan ang bandeha ng kanilang almusal.
“Sining!,” bulalas ni Ophelia. Sa laki ng tuwa ng dalaga ay napatakbo siya patungo sa direksyon ng lingkod, na ikinagulat nito.

“Sandali lamang, Ophelia,” napangiti si Sining. Inilapag niya ang almusal sa lamesita sa tabi ng kama ni Ophelia at hinarap ang amo.

“Akala ko, akala ko..,” hindi maituloy ni Ophelia ang sasabihin.

“Ophelia, hinay-hinay lamang. Ano ba ang nais mong sabihin?,” inilagay ni Sining ang dalawang kamay sa mga balikat ni Ophelia. Ang kunot sa noo ng dalaga ay agad na nabura matapos dumampi ang mga palad ng kaniyang lingkod sa kaniyang mga balikat.

“Akala ko ay iniwan mo na ako, kagaya ng mga dati,” sagot ni Ophelia. Napangiti si Sining.

“Bakit ko naman gagawin iyon?”

“Marahil ay hindi mo nakayanan ang nasaksihan mo kagabi?,” mungkahi ni Ophelia. Pinagmasdang mabuti ni Sining at inaral ang mukha ng amo. Walang bakas nang pagbibiro ang mga nasindak niyang abuhing mata at namumutlang dati’y malarosas na labi. Ikinatakot nga nito ang sandali niyang pagkawala.

“Hindi nag-iiwanan ang magkaibigan,” sagot ni Sining. Nanumbalik ang liwanag sa mukha ni Ophelia nang marinig ang mga katagang iyon at nagwala ang dragon sa loob ng dibdib ni Sining. Handa siyang ibigay and kahit na ano, maibalik lamang muli ang mga ngiti sa labi ni Ophelia.

“Magkaibigan na tayo, Sining?,” panigurado ni Ophelia.

Inginiti at itinango lamang ni Sining ang sagot habang inaayos ang mga pagkain sa lamesita. Napatalon at hiyaw si Ophelia sa tuwa, at kumaripas sa tabi ni Sining upang yakapin ito mula sa likod. Muling nagwala ang dragon sa loob ng dibdib ni Sining at nagbadya ang kirot sa pagitan ng kaniyang mga hita nang maramdamang pumalibot ang makikinis na braso ni Sining sa kaniyang balakang, haggang magsalubong at magdaop ang mapuputing daliri nito sa kaniyang tiyan. Iwinaksi ni Sining ang mga nararamdaman. Saka na lamang niya ito iisipin, kapag siya ay mag-isa. Kung malalaman lamang ng kaniyang Tiya Olga na nagising siya kaninang umaga na mamasa masa ang pagitan ng mga hita, alam niyang sasabihin nito na dulot ng diablo ang mga bago niyang nararamdaman. Ngunit ang may dulot nito ay si Ophelia, na napakalayo sa isang demonyo, at marahil higit pa sa isang anghel dela guwardyang parating nasa kaniyang tabi. Si Ophelia ay isang hiyas, madaling magasgasan, madaling mawala at mahirap hanapin. Nararapat na alagaan.

Sumakit na ang ulo ni Sining sa pag-iisip kaya’t ipinagmamaya na lamang niya ito at ibinaling ang atensyon sa almusal. Ipinaghain niya ng itlog na maalat, hiniwang kamatis at inihaw na tawilis ang kaniyang amo sa isang pinggan. Tinambugan niya ng kaunting atsara ang plato at inihain ang isang bandehado nang umuusok pang sinangag sa gitna. Nilanghap ni Ophelia ang usok at nagsimulang maglaway.

“Mabuti at napilit mo ang tagaluto na magluto naman ng ibang putahe,” ani Ophelia mula sa likuran ni Sining. Akap pa rin nito ang dalaga

“Ako ang nagluto niyan, Ophelia,” napangiti si Sining. “Sinabi mo kasi dati na nais mong matikman ang kinakain namin, kaya ipinaghanda kita ng paborito kong almusalin.”

Naramdaman ni Sining na lalong humigpit ang pagkakayakap ng mga braso ni Ophelia sa kaniyang beywang, at lalong nanikip ang kaniyang paghinga.

“Halina’t maupo ka na,” paanyaya ni Sining. Dahan-dahang kumalas ang mapuputing bising ni Ophelia sa beywang ni Sining, at agad na naramdaman ng dalaga ang iniwang puwang ng init ng mga brasong iyon.

Naupo si Ophelia sa silyang mas malapit sa bintana, at nakita ni Sining kung paano mistulang naging kulay ginto ang mahaba nitong buhog sa ilalim ng sinag ng araw. Madaling mamula ang mga pisngi ng dalaga, at sa puntong iyon ay halos kakulay na ng malambot niyang mga labing tuyo pa at namamalat sapagkat bagong gising.

Naisip ni Sining na nais niyang basain ang mga labing iyon.

Muling kumirot ang pagitan ng kaniyang mga hita at binatukan niya ang sarili sa isipan.

Naupo na ang dalaga sa tapat ng kaniyang amo.

“Sinangag?,” alok ni Sining. Tumango si Ophelia, nakangiti.

“Walang mga kubyertos?,” tanong ni Ophelia.

Umiling si Sining. “Yaman din lamang na ipinagluto na kita ng paborito kong almusal, magkamay na tayo upang maging kumpleto ang iyong karanasan.”

Tumawa ng mahina si Ophelia. Nakita ni Sining na lalong namula ang kaniyang mga pisngi.

“Gayahin mo ako, ipunin mo ang kanin sa iyong mga daliri sa isang tumpok,” turo ni Sining. Agad itong ginaya ni Ophelia, ngunit hindi niya hinipan ang kanin, at pinaso siya ng umuusok pa at bagong sangag na mga butil.

“Ah!” napasigaw si Ophelia, kalung-kalong ang napasong kaliwang kamay sa kaniyang dibdib.

“Pasensya ka na,” agad na lumapit si Sining kay Ophelia at lumuhod sa tabi ng kinauupuan nito.

“Wala kang kasalanan, ako itong nakita nang umuusok ang kanin at sumugod pa rin,” sagot ni Ophelia. Alam ni Sining na madaling magpasa ang balat ni Ophelia, at nakita niyang namumula na ang dulo ng kaniyang mga daliri.

“Akin na,” alok ni Sining. Iniabot niya ang kaniyang mga kamay at inilagay doon ni Ophelia ang napasong mga daliri. Pinagmasdan ni Sining ang mga daliring iyon na namumula sa kaniyang kamay. Nakita na niya halos lahat ng bahagi ng katawan ng dalaga, ngunit sa kamay at mga daliri ni Ophelia siya pinakanamamangha. Maraming magaganda mukha na siyang nakita, mga batang batang asawa ng mga katipunero at mga birhen na madalas magsimba, ang ilan pa nga’y maganda pa kay Ophelia, ngunit walang tutulad sa mahahaba at makikinis na daliri ng kaniyang amo. Ang mga kamay ng mga babaeng iyon ay lipak na, makapal ang mga palad at panay paltos ang mga daliri, ngunit ang kay Ophelia ay malambot, manipis ang balat kaya’t madaling malapnos, halatang hindi sanay sa hirap ng pagtatrabaho. Ang bagay na iyon ang dahilan upang sa una ay kamuhian ni Sining ang kaniyang amo, ngunit ngayon ay naging dahilan upang itangi niya ito. Hinimas niya manipis na palad ng dalaga, napakarami pang maaaring isulat sa kapalaran nito. Minasahe niya ang mga nalapnos na dulo ng daliri. Napakarami pa ang maaabot nito. Hawak niya ngayon ang mga kamay ni Ophelia, ngunit wala na ang dating kapangyarihang nararamdaman niya upang durugin ito. Napalitan ito ng kakayahang ipakilala ang dalaga sa mundo sa labas ng mansyong nagmistulan niyang piitan, at guhitan ng ibang kapalaran ang hinaharap nito. Magagawa niya ito, kung makakahanap siya ng paraan upang iligtas si Ophelia. Ngunit ang nagbalik na imahe ni Camilo de Guzman, ni Lucas, ng kaniyang amain at ng kilusan, at sumakit ang kaniyang ulo. Iwinaksi ni Sining ang mga iniisip at itinuon ang pansin sa pagmasahe ng mga daliri ni Ophelia.

Marahil napadiin ng pindot si Sining kaya’t biglang pumiglas si Ophelia. Muling kinuha ng dalaga ang kamay, ayaw itong bitawan. Ginawa ni Sining ang bagay na hindi niya gagawin kung siya lamang ay nag-iisip. Inilapat niya ang mga napasong daliri sa kaniyang mga labi. Nanatili ang gayon sa ilang segundo nang makita ni Sining na nagtayuan ang balahibo ni Ophelia sa kaniyang braso. Agad na inalis ni Sining ang mga daliri sa kaniyang labi ngunit bago pa man siya makapagbitiw ng paumanhin ay inilapat ni Ophelia ang daliri sa kaniyang mga labi. Kumabog ang dibdib ni Sining ng yumuko si Ophelia patungo sa kaniyang kinaluluhuran sa tabi nito. Kinalong ng amo ang kaniyang mga pisngi, at naramdaman ni Sining na humimas sa kaniyang mukha ang sinasamba nitong mga palad. Nakita ni Sining ang mga abuhing mata ni Ophelia na palapit ng palapit sa kaniyang mukha, at nanumbalik ang kisap sa mga ito. Naghintay si Sining, hindi alam ang gagawin sa ilalim ng titig ni Ophelia. Tumayo ang mga balahibo sa kaniyang batok nang makitang binasa ni Ophelia ay sariling labing kanina pa nanunuyo.

Siya dapat ang gagawa noon.

Patuloy ang titigan ng dalawa ng marinig ang katok sa pintuan ng silid. Agad na bumitiw si Ophelia at umupo ng matuwid. Hindi pa lubos na naunawaan ni Sining ang pagbabago sa pangyayari nang kaniyang marinig ang tinig ng amo.

“Tuloy,” ani Ophelia. Nawala na ang kinang sa mga mata nito at napalitan ng takot. Bumukas ang pintong nakapinid at dumungaw ang isang iritable Hermana Amparo.

“Señorita, tila nalimutan na naman ng inyong lingkod na dalhin ang iyong almu-,” hindi na naituloy ng matanda ang sinasabi nang makitang nakasalampak si Sining sa tabi ni Ophelia, at ang pagkain sa lamesita.

“Hindi, Hermana Amparo, siya pa mismo ang nagluto ng aking almusal,” sagot ni Ophelia na may ngiti.

“Paumanhin sa abala, señorita,” yumukod si Hermana Amparo at muling ipininid ang pinto ng dahan dahan.

“Kumain na tayo, Sining, gutom na ako, at marahil ay malamig na rin naman ang pagkain, hindi na ako muling mapapaso,” ani Ophelia. Dahan-dahang tumayo si Sining at umupo sa harap ng dalaga. Pinanood niya si Ophelia na pinipilit itumpok ang kanin sa dulo ng mga daliring kanina lamang ay nakalapat sa kaniyang mga labi. Wala na ang kisap sa mga mata nito, ni ang bakas ng alinlangan ng kumatok ang mayor doma. Nagpatuloy ang dalaga na kumain, na tila walang nangyari.

“Masarap nga itong paborito mo, Sining,” ani Ophelia. Nakaramdam ng kawalan si Sining. Kanina lamang ay nakita niyang tumayo ang mga balahibo ng amo ng halikan niya ang mga daliri nito, ngunit marahil ay nagkamali lamang siya. Marahil ang nangyari, na nagpakawala sa daga sa dibdib ni Sining at nagpakirot sa pagitan ng kaniyang mga hita, ay isang bagay na ginagawa lamang ng magkaibigan para sa kaniyang amo.

Sumubo si Sining ng kanin at tawilis habang pinagagalitan ang sarili. Mapalad siyang magkaibigan sila ni Ophelia. Ano ang hihigit pa doon sa pagitan ng dalawang babae?

“Bakit tila pinag-iinitan ka ng matandang iyon? Ano ba ang nagawa mo sa kanya?” patungkol ni Ophelia kay Hermana Amparo. Nagkibit balikat lamang si Sining.

“May problema ba, Sining?” tanong ni Ophelia. May kunot sa kaniyang noo na tila nagsasabing tunay ang kaniyang pag-aalala.

‘Wala lamang ba talaga para sa iyo ang nangyari kanina?,’ tanong ni Sining sa kaniyang isip. Muling nagkibit balikat ang dalaga. “Wala naman, Ophelia.”

“Alam ko na, marahil ay nangungulila ka para sa iyong naiwang mahal sa buhay. May naiwan ka bang nobyo sa probinsyang iyong pinanggalingan?” tanong ni Ophelia. Naalala bigla ni Sining si Lucas, at ang misyong pinagagawa sa kaniya ng katipunan. Nagdahan-dahan siya sa kaniyang sagot.

“Walang nobyo, ngunit mayroon akong matalik na kaibigang naiwan,” sagot ni Sining habang kumakain. Uminom siya ng tubig mula sa tasa sa kaniyang tabi.

“Babae ba? Ano ang kaniyang pangalan?,” tanong ni Ophelia

“Hindi, lalaki, matanda ng dalawang taon sa atin. Ang pangalan niya ay Lucas,” sagot ni Sining. Nakita niyang nakuha niya ang atensyon ng amo.

“Magandang lalaki, may gusto sa iyo?” tanong ni Ophelia.

Napangiti si Sining. “Nanliligaw siya sa akin.”

“Gaano katagal na?,” tanong ni Ophelia, sabay subo sa isda.

“Mahigit isang taon,” sagot ni Sining, na sumubo din.

“Bakit hindi mo pa siya sinasagot?,” tanong ni Ophelia.

“Kung sasagutin ko siya, kailangan kong makapag-ipon para sa aming magiging pamilya. Isa pa, alam kong mahal niya ako at ako’y kanyang mahihintay,” sagot ni Sining.

“Ngunit mahal mo ba siya?,” tanong ni Ophelia. Bahagyang nanginig ang boses ng dalaga.

“Hindi ko alam. Hindi naman mahirap mahalin si Lucas. Masipag siya at mabait. Higit sa lahat, ginagalang niya ako. Kababata ko si Lucas at pinakamatalik na kaibigan. Sigurado akong kapag nagsama na kami ay matututuhan ko siyang mahalin,” sagot ni Sining. Nakita niyang nawala ang ngiti sa mga mata ni Ophelia.

“Ganoon ba? Dapat lamang ay maging mabuti siya kung ang tulad mo ang kaniyang makakasama,” ani Ophelia, sabay subo sa huling butil ng kanina at ulam. Uminom siya ng tubig kasabay ng huling lunok ng pagkain at nakita ni Sining na nalinis niya ang plato, maliban sa buong buong tinik ng isda na natira dito.

“Aba, tila baga matagal ka nang kumakain ng isda habang nakakamay,” puri ni Sining. Tumawa nang nahihiyang halakhak si Ophelia at bumalik ang kulay sa kaniyang mga pisngi.

“Si Kapitan Camilo, gaano katagal na siya nanliligaw sa iyo?” tanong ni Sining. Maging siya ay patapos na din kumain. Nakita niyang muling sumibangot ang kaniyang amo.

“Mga dalawang buwan. Nagsimula iyon nang bumalik ako galing sa Esapaña,” sagot ni Ophelia. “Pinakilala siya sa akin ng aking ama, silang dalawa pa mismo ang sumundo sa akin sa pier.”

“Wala ka bang nakilalang lalaki sa España sa loob ng isang taon na nilagi mo roon?” tanong ni Sining. Napailing ang kaniyang amo, at natawa.

“Wala akong oras noon para sa ganiyan. Hindi lalaki ang hanap ko sa España kung hindi karunungan,” sagot ni Ophelia.

“Sasagutin mo rin ba si Camilo?,” tanong ni Sining, ngunit alam na niya ang nais niyang sagot na mamutawi sa labi ng amo.

“Baka? Hindi ko alam. Kapag magsawa na ako sa pagpipinta at wala nang magawa pa sa aking buhay kung hindi mag-asawa,” sagot ni Ophelia.

Hindi iyon ang sagot na hinahanap ni Sining.

“Talaga bang wala nang natitira sa buhay nating mga dalaga kung hindi ang mag-asawa at manilbihan sa pamilya?” tanong ni Sining. Tiningnan niya ang mga palad ni Ophelia, kung saan maraming kapalaran pa ang maisusulat, at ang mahahaba niyang daliring marami pa sanang kayang abutin. Maging siya ay hindi na kasisigurado sa sagot sa kaniyang tanong.

“Umaasa akong hindi, Sining,” sagot ni Ophelia. Tinitigan niya si Sining nang walang kining sa mga abuhing mata. Tumayo ang dalaga mula sa kinauupuan at nagsimulang maghubad ng damit na pantulog.

“Ophelia, ano ang iyong ginagawa? Bukas na bukas ang bintana, baka may makakita sa iyo,” bulalas ni Sining. Agad din siyang tumayo upang isarado ang mga bintana. Pagkaharap na pagkaharap niya ay wala nang saplot ang amo mula ulo hanggang paa, ang bestida nitong pantulog ay naipon at nalukot sa kaniyang paanan. Napalunok si Sining. Bagama’t puno ng pasa, kumikinang pa rin ang malasutlang balat ni Ophelia sa ilalim ng sinag ng araw. Sa isang anghel, sa isang anghel nagmumula kung ano mang kirot ang nararamdaman ni Sining ngayon sa pagitan ng kaniyang mga hita, at hindi sa diablo.

“Hayaan mo silang makita, ang ama ko lang naman ang makakakuha,” ani Ophelia. Napayuko si Sining.

“Wala akong panahon sa mga ganitong usapan, Sining. Mahaba pa ang araw, at nais ko nang maligo, halika,” paanyaya ni Ophelia. Inabot niya ang kamay, na agad kinuha ni Ophelia. Muli na naman niyang hawak ang mga daliring iyon na kinamamanghaan, ngunit iniwasan niyang tumingin s hubad na katawan ng amo. Dumiretso ang dalawa sa palikuran kung saan naghihintay ang dalawang timbang iniigib ng hardinero ng bahay. Mukhang kanina pa naghihintay ang mga timbang iyon at lumamig na rin ang tubig.

“Ophelia, mukhang lumamig na ang tubing mong panligo dahil sa haba ng ating huntahan. Bababa lamang ako upang magpainit nang panibago,” ani Sining. Bibitawan na sana niya ang kamay ni Ophelia, ngunit lalong hinigpitan ng dalaga ang pagkakadaop ng kanilang mga palad.

“Huwag na, maaabala ka pa, at mabigat din namang mag-akyat ng tubig. Ayos lamang sa akin kung malamig. Hindi ba’t tumira ako sa España ng isang taon?” ani Ophelia. Naupo na siya sa maliit na bangko sa tabi ng mga timba at inihawi ang mahabang buhok sa isang gilid. Nakita ni Sining ang kaniyang batok na puno din ng latay.

Nahuli ni Ophelia na nakatitig lamang si Sining sa kaniya. “Ano pa ang hinihintay mo?”

“Pasensya na,” ani Sining. Ininabot niya ang kamay sa isang timba upang sumalok ng tubig sa tabong naroon na, ngunit pinigilan siya ng haplos ng kamay ni Ophelia.

“Ano ang ginagawa mo? Hindi ka ba maghuhubad din? Mababasa ang iyong damit, kaya’t sumabay ka na sa akin na maligo,” ani Ophelia. Mistulang estatwa si Sining sa kinatatayuan at hindi niya namalayan na muling nakatayo si Ophelia sa kanyang harapan. Yumuko si Ophelia upang hawakan ang laylayan ng damit pantulog ni Sining, at muling bumalik ang ulirat ng dalaga ng naiangat na ni Ophelia ang damit sa ibabaw ng kaniyang ulo. Sinaba na ring hinubad ng dalaga ang damit panloob ni Sining. Nagulat si Sining at tinakpan ang pagitan ng kaniyang hita na nagsisimula na namang magwala.

Humalakhak si Ophelia. “Ano ang problema, Sining? Ginawa na rin naman nating maligo nang sabay doon sa talon, bakit bigla kang nahihiya? Halika na.”

“Pasensya na,” iyon lamang ang nasabi ni Sining. Muling naupo si Ophelia sa bangko at naupo naman si Sining sa bangko sa liguran nito. Sumalok siya ng tubig mula sa timba, at nang ibubuhos na niya ito kay Ophelia ay sumandal ang dalaga sa hubad niyang katawan. Bumuhos ang tubig mula sa iisang tabo at malumanay na umagos sa dalawang magkadikit na balat.

“Hindi ba’t makakatipid tayo sa tubig, kung ganito?” ani Ophelia. Iniabot niya ang isang mabangong sabon mula sa kahoy na lalagyan at ibinigay ito kay Ophelia.

“Alam mo ba iyan, Sining?” ani Ophelia. Umiling ang dalaga at inamoy ang kulay rosas na madulas na bagay sa kaniyang kamay. Amoy rosas din ito.

“Iyan ay sabon, ginagamit din na panlinis ng katawan maliban sa tubig,” paliwanag ni Ophelia. Humarap siya kay Sining at kinuha ang sabon mula sa kamay nito. Nagsimula siyang sabunin ang mga braso ni Sining at ang leeg nito.

“Anong ginagawa mo, Ophelia?,” tanong ni Sining. Ipinagdikit niya ang hita, natatakot makita ng kaniyang amo ang namumuong basa sa gitna ng mga iyon.

“Ano pa nga ba? Pinapaliguan ka. Masaya ako, Sining. Ganito siguro ang pakiramdam na magkaroon ng isang kapatid. At babae pa,” ngumiti si Ophelia.

‘Kapatid? Kinakalong mo rin ba ang mukha ng isang kapatid? Inilalapat mo rin ba ang hubad mong katawad sa hubad na katawan ng iyong kapatid?’ hindi na naging salita ang mga iniisip na iyon ni Sining. Pinabayaan niyang haplusin ng ngayo’y madulas na mga kamay ni Ophelia ang kaniyang balat.

“Wala ka ring kapatid, hindi ba, Sining?” tanong ni Ophelia.

“Nag-iisa lamang ako,” sagot ni Sining. Kinuha niya ang sabon kay Ophelia at kinuskos ang mahaba nitong buhok ng mga bula. Kung ang tingin sa kaniya ng kaniyang amo ay isang kapatid ay magiging kapatid nga siya dito. Ang mahalaga ay nakapaglalagay siya ng ngiti sa magandang mukha ng dalaga.

“Kung gayon, para tayong magkapatid, mga kapatid na hindi tayo nagkaroon kailanman,” lalong lumaki ang ngiti sa mukha ni Ophelia, na siyang nagpangiti rin kay Sining. Kinuskos ng dalaga ang mga braso ni Ophelia at ang leeg. Lumapit siya upang sabunin din ang likod ng amo.

“Sining, ayokong pag-uusapan natin si Camilo. Mawawala siya ng isang buwan, isang buwan siyang hindi dadalaw. Nais kong hindi din muna niya dalawin ang ating mga huntahan,” ani Ophelia. Nagsimula din siyang sabunin ang itim na mahabang buhok ni Sining.

“Saan siya pupunta?,” tanong ni Sining.

“Ayon sa kaniya ay may nakuha siyang impormasyon ukol sa grupo ng mga rebelde sa Nueva Ecija. Mawawala siya ng isang buwan upang masukol ang grupong iyon, at ilan pa nilang kasamahan sa mga kalapit na nayon. Babalik daw siya upang ihandog sa akin ang ulo ng pinuno ng grupong iyon. Ang sabi ko ay pabendisyunan at ilibing na lamang niya,” ani Ophelia. Nanlaki ang mga mata ni Sining. Marahil ito ay mahalagang impormasyon na dapat niyang ibahagi sa katipunan.

“Nasabi ba ni Camilo sa iyo kung paano at kailan sila lulusob?,” tanong ni Sining. Napatitig si Ophelia sa kaniyang mga mata.

“Wala na siyang sinabi pa. Sa tingin niya siguro ay hindi ko din naman maiintindihan,” ani Ophelia. “Isa pa, ayaw ko na din siyang pag-usapan. Magbanlaw na tayo, Sining.”

Napansin ni Sining na tila may nalalaman pa ang kaniyang amo na ayaw lamang ibahagi nito. Binalak niyang subukang ilabas ang mahalagang impormasyon na iyon mula kay Ophelia buong araw upang opisyal na magsimula na ang pagtulong niya sa kilusan, ngunit matapos maligo at iligpit ang kinainan ay inaliw siya ni Ophelia sa mga kwento ukol sa España. Pinilit din ito ng amo na magmodelo sa bago nitong larawan na ipinipinta, bagay na hindi naman natanggihan ni Sining.

Pagkumot ng dilim ng gabi sa kalangitan ay mayroon ng bagong palayaw si Sining para sa kaniyang amo.

“Pili,” biglang naibulong ni Sining, habang nakaupo at iginuguhit ni Ophelia.

“Ano iyon, Sining?” napaangat ang ulo ni Ophelia mula sa kuwadro, may ilang tilamsik ng pintura sa mga pisngi nito.

“Naisip ko lamang na bigyan ka ng katutubong palayaw, kagaya ng aking Sining. Malapit ang -phelia ng Ophelia sa Pili. At ang pili ay isang tipo ng mani na tumutubo sa Bikol, kung saan ako lumaki, at paborito ko ding kinakain noon,” salaysal ni Sining.

“Magandang pangalan, gusto ko, salamat,” ngiti ni Ophelia. “Pili, Pili, Pili,” pinaulit ulit ng dalaga ang bagong binyag na palayaw. Nagtawanan ang dalawa.

Lumubog na ang araw at nalimutan na ni Sining ang naisin na makakuha pa ng dagdag na impormasyon mula kay Ophelia.

Nagtabi muli ang dalawa pagdating ng gabi. Tinamad nang maligo si Ophelia, at pinunasan na lamang ni Sining ng basang bimpo ang mga tilamsik ng pintura sa kaniyang mukha. Naunang humiga si Ophelia, at sumunod si Sining sa kaniyang tabi matapos hipan ang ilaw sa kandila sa lamesita sa kanilang tabi.

Ikinumot na ni Sining ang pulang sutlang tela sa kanilang dalawa at humarap kay Ophelia.

“Magandang gabi, Pili,” bulong ni Ophelia, habang inihawi niya ang isang hibla ng buhok sa likuran ng tainga ng dalaga.

“Magandang gabi, aking kapatid,” sagot ni Sining. Lumapit siya kay Sining at inihiga ang ulo sa dibdib nito. Muling pumulupot ang kaniyang braso sa beywang ng itinuring na kapatid. Dahan-dahang ikinulong ni Sining ang amo sa kaniyang mga bisig, at hinimas ang kulot at mahaba nitong buhok.

Ng gabing iyon, mayroong muling kumirot kay Sining, ngunit nakasisigurado siyang hindi iyon ang pagitan ng kaniyang mga hita.

2 responses »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s