Sobre Rojo (Episode 8): Ang Demonyo at ang Perlas

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

I know that this episode was a year late. I had some personal issues during the last year. I came to a point that I no longer write because I don’t think I deserved to write, and I don’t think I deserved to write because I do not write. Yes, that kind of paradoxical chicken and egg trap can lead to year-long delays. I wonder if anyone of you thought that I had died? No, I’m very much alive.

Episodes every other Sunday.

The episodes are combined in the Shows tab.

May isang oras nang nakatitig si Ophelia sa pintuan ng kaniyang lingkod. Isang lingkod na naman ang nagsara ng kaniyang pintuan, isang lingkod na magbibingibingihan. Napangiti si Ophelia at natawa sa sarili. Batid niya na kung mayroong makatutulong sa kaniya, hindi iyon si Sining, na simula’t pagkakita pa lamang sa kulay ng kaniyang balat ay kinamuhian na siya. Kabisado na ni Ophelia ang tipo ni Sining. Ang mga taong nagmula sa lupang ito, kulay tsokolate ang balat, itim ang mga buhok at halos nakukuba na sa pagluhod sa harap ng mga banyagang prayle. Ang labas ay nagpapakita ng pagsusumamo samantalang kumukulo ang mga dugo sa galit sa mga mananakop. Ilang mapanglait na sulyap na rin ang nakuha ni Ophelia sa bibihirang pagkakataong siya ay nagtutungo sa plaza o sa pamilihan. Mga nangangalit na titig, sa likod ng mga mapanlinlang na ngiti at pagbati sa unica hija ng alcalde mayor.

Natawa si Ophelia. Anak ng alcalde mayor. Para sa lahat ng tao, eto lamang ang kaniyang magiging titulo. Ang dalagang anak ng alcalde mayor na nagsayang ng salapi upang mag-aral sa Espanya, samantalang magiging asawa lang naman ng kung sinong Don sa kaniyang pagbalik. Maging si Camilo, na noong una ay nagpakita ng magandang pakikitungo sa kaniya, ay inakalang siya ay isang babae lamang na kaniyang magagamit upang tumaas ang posisyon sa lipunan. Ngunit noong matuklasan ng binatang kapitan na hindi niya mapapaibig ang matalinong dalaga sa kaniyang mga pambobola ay inalok nito ang dalaga ng isang bagay na hindi niya matatanggihan. Ang tulong ni Camilo upang makalaya si Ophelia mula sa kaniyang ama, kapalit ng paggawa ng kaniyang parte sa nabuong plano ni Camilo upang mapataas ang kaniyang posisyon. Pumayag ang dalaga. Walang pakialam si Ophelia sa pulitika ng lupang tinitirahan, kagaya ng wala rin naman pakialam sa kaniya ang mga taong nandirito. Matapos magtagumpay ang mga balak ni Camilo, minamarapat ni Ophelia na magpakalayo-layo kung saan walang makakikilala sa kaniyang apelyido.

Hinipan ng dalaga ang kandila sa lamesita sa may ulunan ng kaniyang kama, at nabalot ang malaki niyang silid sa dilim. Mula sa siwang sa ilalim ng pintuan, batid niyang gising pa si Sining sapagkat hindi pa ito nagpapatay ng lampara. Inalis na ni Ophelia ang pagkakatitig sa pintuan. Gising man ang kaniyang lingkod o hindi, alam niyang gustuhin man ni Sining, wala rin siyang magagawa sa papalapit na pangyayari. Isa pa, ni hindi sigurado si Ophelia kung gugustuhin nga siyang tulungan ni Sining. Alam niyang kinamumuhian siya nito. Marahil ay matutuwa pa ang dalaga kapag nalaman na ang mga taong katulad ni Ophelia ay nagdurusa din. Nanghinayang si Ophelia. Hinangaan na niya si Sining nang malaman mula kay Camilo na kasapi ito ng katipunan. Kung nagkakilala man lang sana sila sa ibang pagkakataon, marahil ay naging tunay silang magkaibigan at hindi na kinakailangan pa ng pagpapanggap.

Napatingin si Ophelia ilang bahagi ng mga iginuhit na larawan na nababanaag pa sa ilalim ng liwanag ng buwan at naalala niya ang larawan ng kaniyang ina na nakasabit sa pader ng sala sa ibaba. Hindi rin siya matutulungan ng kaniyang ina ngayon. Maaga na itong sumuko at iniwan siya. Mahina ang kaniyang ina at masunurin sa asawa. Buong buhay nang iniiwasan ni Ophelia ang matulad sa kaniya.

Hindi man niya nais isipin, batid niyang ang tanging tao na sa kanya ay makakatulong ay ang tanging kinasusuklaman niya na halos kapantay ng sa kaniyang ama. Si Camilo de Guzman, ang ambisyosong kapitan na handang manggamit ng mga inosente upang makaangat. Napaisip si Ophelia kung kapareho lamang siya ni Camilo na nanggamit upang makamit ang ninanais. Ngunit iba siya kay Camilo, wala siyang ambisyon. Ang tanging nais ng dalaga ay ang kalayaan at isang buhay na may dangal, mga karapatang ipinagkakait sa kaniya.

Inihiga na ni Ophelia ang kaniyang ulo at ikinumot na ang kulay pulang tela sa kaniyang katawan. Kinasusuklaman ng kaniyang ama ang kulay pula, kaya’t pakiramdam niyang isa na rin itong proteksyon laban sa matanda. Isa pa, itinatago ng pula ang marka ng dugo. Ipinikit ni Ophelia ang kaniyang mga mata ngunit wala siyang balak na matulog. Mas gusto niyang maging gising sa bawat galaw ng demonyo. Gusto niyang makita nito ang galit sa kaniyang mata, dahil kahit mistulang walang silbi ay paraan pa rin ito ng kaniyang paglaban. Hindi siya tulad ng kaniyang ina, hindi siya basta sunod-sunuran lamang. Wala lamang siyang magawa upang lumaban noon. Ngunit ngayon, sa tulong ng balak ni Camilo, makapaghihiganti na siya. Kaya’t kahit kinamumuhian niya, tutulungan niya ang binata sa abot ng kanyang makakaya.

Hindi napansin ni Ophelia na humigpit ang kaniyang kapit sa pulang kumot na tanging pananggalang sa lamig at takot. Nagsimula siyang umawit, na kaniyang ginagawa sa tuwing may nakaambang panganib. Sa mga awit, nalilimutan ni Ophelia ang takot at pumapayapa ang kaniyang puso.

O Pag-ibig, sa makikirot na hibik ako’y natitigmak
Sapagkat ayaw pumayapa ng dusa at hirap;
O maanong tumigil ka na sa pananalasa
Pagkat walang alinlangang buhay ko’y papanaw na.

O Pag-ibig, anong hapdi, anong sakit,
Kamatayan kang sumasanib
Dahil ang umiibig na hindi iniibig
Napakasakit, napakakirot sa pangmasid.

Kay lupit, kay lupit ng kilos mo’t sigla,
Iniiwan akong nagdurusa;
Nalinlang na ganap ang aking mata
Winasak ang tiwala at aking pag-asa.

Ngunit ang umasa’y walang katuturan
Hindi ko akalaing ito ang kahihinatnan

Hindi pa man natatapos ang talata ay biglang bumukas ang kaniyang pintuan. Dumilat si Ophelia, handa na sa mangyayari. Tinigasan niya ang kaniyang katawan. Kahit na anong mangyari ay hindi niya ito gagawing madali.

Bangkay ako ngayong naturingan
Pagkat wala nang halaga ang aking katawan.*

Tinapos ni Ophelia ang awit, hindi makapapayag na pigilan ng anumang panganib ang matatamis na talata. Nag-ipon ang laway si Ophelia sa kaniyang bibig, at ng maamoy ang alak sa hininga ng bibig na malapit sa kaniyang tainga, ay inilura niya ito sa mukha na pinakakinasusuklaman niya sa lahat.
__________________________________________________________________________

Napabangon si Sining nang marinig niya ang malutong na hampas ng balat sa balat mula sa kabilang silid. Hindi pa nakatutulog si Sining. Hindi niya malimutan ang tagpong inabutan kanina nang buksan ang silid ng amo. Tumambad sa kaniyang harapan si Ophelia na kamison lamang ang saplot, ang isang manggas ay nalaglag pa sa kaniyang braso upang ipakita ang maputi at makinis na kaliwang balikat. Magkadikit ang katawan nila ng kapitan, at ang kaniyang amo ay naipit sa pagitan ng matipunong dibdib ni Camilo at ng malamig na pader. Sa unang tingin ay nasaktan si Sining. Nakikipagulayaw ang kaniyang amo sa manliligaw nito ng hindi nito nalalaman. Ngunit matapos ang ilang sandali ay may napuna siyang tila mali sa eksena sa kaniyang harapan. Ang abuhing mga mata ni Ophelia ay hindi napuno ng pagnanasa, o ni takot man lamang sa pagkakahuli sa kanila ni Sining. Galit ang nakita ni Sining sa likod ng pagkakatitig ni Ophelia kay Camilo. Dumagdag pa dito ang kulay rosas na labi ng kapitan na kumulot sa isang mapanuyang ngiti. Mahigpit ang pagkakahawak ni Camilo sa maputing braso ni Ophelia, hanggang sa mag-iwan ang kaniyang mga daliri ng mapulang marka sa maputing balat ng kaniyang amo, bagay na hindi nakatakas sa kaniyang paningin habang pinupunasan niya ito at inihahanda sa pagtulog. Kumunot ang noo ni Ophelia nang maalala ang mga pasa at latay sa hubad na katawan ni Ophelia noong sila ay nasa loob ng gubat. Naisip niyang maaaring si Camilo ang may gawa ng mga iyon. Bago pa man mapuno ng galit ang puso ni Sining para sa binata ay narinig niya ang malutong na hampas mula sa kabilang kuwarto.

Dali-dali ngunit maingat na binagtas ni Sining ang distansya sa pagitan ng kaniyang kama at ng pintuang nag-uugnay sa silid nilang mag-amo. Pumalibot ang makalyong daliri ni Sining sa susian ng kaniyang pintuan at itinapat niya ang isang mata sa butas nito. Hindi ang mga taon ng paghawak ng baril, ang pangangabayo sa bundok, at kahit anong pagsasanay na dinanas niya sa katipunan ang naghanda sa kanya para sa nakikita ngayon.

Ilang hakbang lamang ang layo at diretso mula sa pinagsisilipan ang kama ng kaniyang amo. Mula sa ilaw na galing sa buwan ay nabanaag ang niya ang dalawang katawan sa ibabaw nito, isang mas malaking katawan ang nakapatong sa katawan ng amo niyang walang kalaban-laban. Bagaman hindi gaanong gumagalaw, tila sapat na ang laki at bigat nito upang salungatin ang paglalaban na ginagawa ng kaniyang amo. Tatlong mahinang suntok ang nabilang ni Sining mula sa maliliit na kamao ni Ophelia. Apat, lima, anim, kabi-kabilang suntok ang tinanggap ng katawang nakapatong sa kaniyang amo na tila hindi naman nito ininda.

Nakita ni Sining na iniangat ng mas mabigat na katawan ang isang maskuladong braso. May ilang segundo rin na nasa hangin ang isang malapad at matigas na palad, at pinilit ni Sining na iangat ang mga nanigas na binti upang sumugod at pigilan ang paghampas nito, ngunit papunta pa lamang ang kanyang mga daliri sa susian ng pinto ay narinig niya ang malutong na hampas, kasunod ang iyak ng isang tinig na namamaos. Unti unting kumaunti ang suntok na pinapaulan ng maliit na mga kamao ng kaniyang amo sa malaking katawan sa ibabaw nito, hanggang sa ang mga ito ay tuluyan nang bumagsak sa gilid ng kaniyang marupok na katawan. Tumahimik ang gabi. Bukod sa una’t huling sigaw na narinig mula sa bibig ni Ophelia ay tanging ang pag halinghing na lamang at ang dahan-dahang paggalaw ng katawan ng demonyo sa ibabaw ng kaniyang amo ang maririnig.

Napayuko si Sining, at hindi namalayan na dinala siya ng kaniyang mga paa sa gilid ng kaniyang papag. Naupo ang dalaga sa manipis na kutson at napapikit. Pinagsusuntok niya ang sariling mga binting nanigas, kung kailan niya kinakailangan ang pagiging maliksi ng mga ito. Ang ilang taon ng pagsasanay ng pangangabayo, pagbaril, pagpana at pakikipaglaban sa bundok kasama ng ibang katipunero ay tila nawalan ng saysay sa tanging pagkakataon kinakailangan ang mga iyon. Wala man lamang siyang nagawa upang ipagtanggol ang amo.

Nagkamali si Sining sa dalaga. Hindi pala ito nabubuhay lamang sa kaginhawaan at sarap. May sarili pala itong tanikala na maaaring masahol pa nararanasan ni Sining. Naisip ng dalaga na tila higit na mapalad siya kaysa sa kaniyang amo. Mga banyaga ang sumisikil sa kanyang kalayaan, mga taga ibang lupa ang dapat kalabanin. Ngunit para kay Ophelia, ang demonyo ay nananahan sa sarili niyang bahay, kaniyang kadugo, ang sarili niyang ama.

Narinig niya ang huling paghalinghing ng demonyo sa kabilang silid, at tumigil sa pag-alog ang kama. Ilang sandali pa ay nabilang na niya ang mga yabag ng mabibigat na paa. Sampung hakbang, ganoon lamang kadaling pasukin at iwanan si Ophelia. Narinig niya nang ipininid ng demonyo ang pinto. Ilang segundo pa, dahan dahang bumukas ang pinto sa sarili niyang kwarto. Mabilis na lumipad ang kamay ni Sining patungo sa tinggang kandelarya sa lamesita sa tabi ng kaniyang papag. Nai-angat na ito ng dalaga sa taas ng kaniyang ulo nang makita niya ang mukha ni Hermana Amparo na dumungaw sa kaniyang silid, tangan ang isang palanggana at bimpo.

“Huwag mong sabihing may balak kang ihampas sa akin iyan, Sining,” ani Hermana Amparo na inilapag ang mga bitbit sa lamesita ni Sining. Ibinaba din ng dalaga ang hawak na kandelarya.

“Patawad po, akala ko..,” panimula ng dalaga.

“Akala mo, ang Señor,” patulog ni Hermana Amparo.

“Alam ninyo?” tanong ni Sining.

“Walang hindi nakakaalam sa bahay na ito. Panahon na din upang malaman mo ang mga nangyayari sa mansiyong ito sa pagpatak ng dilim, bilang ikaw ang lingkod ni Señorita Ophelia,” sagot ni Hermana Amparo.

“Alam ninyo? Alam ninyong lahat ngunit wala kayong ginagawa?,” napataas ang boses ni Sining.

“At ano naman ang magagawa namin, kaming mga utusan lamang sa bahay na ito?” sagot ni Hermana Amparo na hindi nagpatalo sa taas ng boses.

“Bakit hindi kayo magsumbong sa mga otoridad? Kay Camilo? Sigurado akong hindi siya makakapayag kapag nalaman niya ang nangyayari kay Ophelia,” mungkahi ni Sining.

“Nahihibang ka na bang bata ka? Baka nakakalimutan mo na ang alcalde mayor ng Malolos ang mismong taong gusto mong isuplong. Kapag ginawa mo iyon, pare-pareho lamang tayong mawawalan ng trabaho.” sagot ni Hermana Amparo.

“Ganoon din ba ang nangyari sa huling mga dalagang naglingkod kay Ophelia?,” tanong ni Sining.

“Hindi lamang nasisante, ipinatapon pa sa malayong probinsya. Kaya ikaw, Sining, kung gusto mong tumagal dito, itikom mo iyang bibig mo,” sagot ni Hermana Amparo. Iniabot niya ang bimpong hawak sa dalaga.

“Pupunasan mo ang amo mo tuwing pagkatapos..pagkatapos..,” hindi maituloy ng matanda ang sinasabi ngunit tumango na si Sinig. Hinawakan niya nang mahigpit ang bimpo sa kamay.

“Sige na, puntahan mo na siya, bago pa matuyo ang..,” muli, hindi maituloy ni Hermana Amparo ang sinasabi.

“Naiintindihan ko,” sagot ni Sining. Tumalikod na si Hermana Amparo at lumakad patungo sa pintuan. Nilingon ng matanda si Sining.

“Kung talagang gusto mong tulungan ang Señorita, mas magagawa mo iyon kung nandito ka, kaysa nasa malayong lupalop,” huling salitya ni Hermana Amparo bago niya pininid ang pinto.
________________________________________

Inilapag ni Sining ang planggana na may mainit na tubig sa lamesita sa tabi ng kama ng kaniyang amo. Nanatiling nakahiga sa kama ang dalaga, at hindi gumalagaw, ngunit alam ni Sining na gising ito dahil tumalikod ito pagkatapak pa lamang niya sa silid. Kinuha ng lingkod ang pabango sa tukador ng kaniyang amo at nilagyan ng kaunting patak ang tubig. Naupo siya sa may ulunan ng kaniyang amo at ibinabad ang bimpo sa tubig.

Iniharap ni Sining ang katawan sa may amo habang pinipiga ang bimpo. Hinawi ng mga makalyong daliri ng dalaga ang kulot at kulay tsokolateng buhok ni Ophelia at pinunasan ang kaniyang noo. Humarap sa kaniya si Ophelia.

“Nakita mo?,” napakahina ng bulong ni Ophelia at hindi ito halos narinig ni Sining.Lumuhod ang lingkod sa gilid ng kama hanggang sa magkatapat na ang mukha nilang mag-amo.

“Oo, nagising ako nang may kumalabog,” ang sagot ni Sining. Pinagpatuloy niya ang pagpunas sa mga pisngi ng amo kung saan niya nakita ang mga bakas ng luha. Nagbalik ang galit ni Sining sa demonyo nang makita kung paano dinumihan ng luha ang maputi at makinis na balat ng kaniyang amo.

“Bakit hindi ka magsumbong?” tanong ni Sining. Bumaba ang kaniyang kamay na may tangan na bimpo patungo sa malasutlang leeg ng kaniyang amo. Nakita niya roon ang mapupulang marka ng daliri, na lalo pang nagpaigting sa kaniyang galit.

Napahalakhak si Ophelia gayong wala namang nakitang katawa-tawa si Sining sa sitwasyon. “At kanino ako magsusumbong, sa alcalde mayor?”

“Wala na bang ibang otoridad?,” ika ni Sining. Tumingin siya sa amo upang humingi ng pahintulot na iangat ang damit pantulog nito at tumango naman ito.

“Madami, lahat ay kaibigan ng aking papa, sayang, nakatakas na sana ako nang mag-aral ako sa Espanya,” sagot ni Ophelia. Pinunasan ni Sining ang dalaga sa kaniyang maputing tiyan, at kaniyang mayayamang dibdib kung saan naiwan ang mga marka ng daliri. Mabilis magpasa ang maputing balat ni Ophelia, at kung dahil lamang doon ay hindi na niya mapapatawad ang demonyong iyon.

“Ano ang tinitingnan mo?,” tanong ni Ophelia nang mapansing nakatitig ang lingkod sa kaniyang dibdib.

“Pasensya na, hindi ko sinasadya..,” panimula ni Sining. Matapos ang nasaksihan, ang imahe niya habang nakatitig sa mga dibdib ni Ophelia ang pinakahuli niyang gugustuhing makita ng amo.

“Maganda ba?” tanong ni Ophelia. Hindi inaasahan ni Sining ang sinabing iyon ng amo kaya siya ay napaatras.

“Huh?”

“Ang tanong ko, maganda ba ang nakikita mo? Kung iyan kasi ang nakikita ng aking ama, hindi ko maintindihan,” pagpapatuloy ni Ophelia. Naghintay siya ng ilang sandali ngunit hindi pa rin sumasagot ang kaniyang lingkod. Tila naubos ang pasensya ni Ophelia kaya’t kinuha niya ang bimpo mula sa kamay ni Sining at inilapag sa kama. Tangan ang magkabilang kamay ng kaniyang lingkod sa kaniyang mga daliri, dahan-dahang inilapit ni Ophelia ang mga palad ni Sining sa kaniyang dibdib.

Nagulat si Sining nang maramdamang pumalibot ang mga malalambot at mapuputing kamay ni Ophelia sa sarili niyang mga kamay. Hindi niya alam kung saan dadalhin ng kaniyang amo ang kaniyang mga kamay ngunit nagpatangay na lamang siya sa agos. Sandali niyang nakalimutan ang oras at ang nangyari dahil hawak ni Ophelia ang kaniyang kamay. Si Sining na parating malinaw ang isip, si Sining na parating may hawak ng sariling kapalaran, ay panandaliang nawala sa sarili dahil sa haplos ng maiinit na palad. Nakaramdam ng kirot si Sining sa kaibuturan ng kaniyang pagkababae, bagay na hindi pa niya naramdaman kahit kailan. Ang kirot na iyon ay nag-iwan ng puwang sa kaniyang pagkatao, ng isang hindi maipaliwanag na paghahangad. Agad na binawi ni Sining ang kaniyang mga kamay bago pa man mahaplos ng dulo ng kaniyang mga daliri ang dibdib ni Ophelia.

“Madaling magasgasan,” ani Sining.

“Ano?,” hindi naintindihan ni Ophelia ang ibinukang bibig ng lingkod.

“Sa tingin ko, para kang perlas, madaling magasgasan, madaling masugatan,” sagot ni Sining.

“Kung gayon, ako’y mahina, at hindi ko magawang labanan ang aking ama kaya’t ako rin ang may kasalanan kung bakit nangyayari sa akin ito?,” tanong ni Ophelia, na bahagyang umangat ang boses.

“Hindi. Nangangahulugan lamang iyon na dapat kang alagaan at itangi ng kung sino man ang magmamay-ari sa’yo,” sagot ni Sining.

“Walang nagmamay-ari sa akin,” malamig na sagot ni Ophelia. Tinakip niya ang mga braso sa harap ng dibdib at naghalukipkip.

“Nauunawaan ko. Patawad,” ani Sining.

“Nilalamig na ako, akin na ang aking pantulog,” ani Ophelia.

“Ngunit hindi pa kita tapos punasan,” sagot ni Sining.

“Ako na lamang,” sagot ni Ophelia. Iniabot niya ang isang malambot na kamay habang nakatakip pa rin ang isang braso sa dibdib. Nagdadalawang isip na iniabot ni Sining ang bimpo sa amo. Pinanood niya ang dalaga na punasan ang kaniyang sarili sa pagitan ng kaniyang mga hita. Tila natigil ang hininga sa baga ni Sining sa nakikita, at tahimik niyang hiniling na siya sana ang gumagawa ng trabahong iyon. Tila narinig ni Sining ang sariling iniisip kaya bago pa man lumago ang kaniyang imahenasyon ay tumalikod na ito. Ngunit hindi niya maikakaila ang lalong tuminding kirot sa gitna ng sariling mga hita.

Sa muling pagharap ni Sining ay nakabihis na ng bagong pantulog si Ophelia. Kinuha niya ang bimpo mula sa amo at inilagay sa palanggana na nakapatong sa lamesita. Kinumutan niya ang kaniyang amo at itinuwid ang mga unan sa ilalim ng ulo nito. Nagkatitigan sila ni Ophelia at pinagmasdan ni Sining ang dalaga.

Madaling magasgasan.

Madaling masugatan.

Isang mamahaling perlas.

Kung sino mang magmamay-ari sa kaniya ay dapat siyang ingatan.

“Nasisiguro kong iingatan kayo ni Camilo kapag kayo ay naging mag-asawa na,” ani Sining, na naalala ang kasunduan nila ng binata. Ngunit naalala rin niya ang eksenang natagpuan ng madatnan niya si Camilo sa kwarto ng amo. Naalala niya ang mahigpit na hawak ng binata sa mga braso ng dalaga, at kung paano nag-iwan ng mapupulang marka ang kaniyang mga daliri sa mapuputing braso ni Ophelia. Kung nanliligaw pa nga lamang si Camilo ay hindi na niya maingatan ang kaniyang amo, paano pa kaya kung maging asawa na niya ito? At noon din ay naalala ni Sining kung bakit siya nasa bahay ng alcalde mayor bilang lingkod ni Ophelia. Naroroon siya upang magbigay ng impormasyon sa kilusan mula mismo sa mansyon ng kaaway. Hindi niya mapapanatili ang puwesto niya kung hindi niya kapanalig si Camilo na siyang nagrekomenda sa kaniya. At upang mapanatili ang mabuti nilang samahan, dapat ay tumupad siya sa kasunduan nila ng binata. Nararapat lamang na umpisahan na papalapitin ang loob ni Ophelia kay Camilo.

Nagbuntong hininga si Sining at lumipat sa kabilang bahagi ng kama ni Ophelia na hindi niya nahigan. Iniangat niya ang kumot at isinilid ang katawan sa tabi ng amo.

“Mawalang galang na,” ani Sining.

“Tatabihan mo na ako?,” laking gulat ni Ophelia. Hindi na sumagot si Sining. Hindi niya magagawang ilapit is Ophelia kay Camilo kahit pa para ito sa kilusan. Hangga’t maaari, hangga’t hindi nahahalata ng binata, kailangan niyang ingatan ang kaniyang amo.

“Salamat, kaibigan,” ani Ophelia. Laking gulat ni Sining ng maramdaman niyang pumalibot ang braso ng amo sa kaniyang beywang, at nang inihiga nito ang ulo sa kaniyang balikat. May ngiti sa mga labi ni Ophelia.

Kailangan niyang ingatan ang kaniyang kaibigan.

Ngunit muling nagwala ang kirot sa pagitan ng mga hita ni Sining.

*Tula ni Leona Florentino

4 responses »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s