Sobre Rojo (Episode 7): Ang Banta ni Camilo

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

Special thanks to the love of my life for proof-reading this episode.

All episodes are compiled in the Shows tab.

Mahilo-hilong pinagmasdan ni Sining ang imahe ng babae sa kaniyang tabi na nakadungaw sa tanawin sa labas ng bintana ng kalesa. Kailanman ay hindi na talaga nagustuhan ng dalaga ang pagsakay sa mga karwahe, hindi dahil sa maalog at mabilis ng kabayo. Sa katunayan, si Sining ang pinakamagaling mangabayo sa bahagi ng kilusan sa Laguna. Ngunit taliwas sa kalayaang nararamdaman niya sa tuwing hinahangin ang mahaba niyang buhok habang nangangarera sa kabundukan, nasasakal ang dalaga sa masikip at saradong karwahe; ang tanging hanging pumapasok ay nagmumula sa nag-iisang bintana kung saan nakadungaw ang katabi niyang kanina pa walang imik.

“Mabuti’t nakahanap ka agad ng kalesang maghahatid sa atin pauwi. Halos papalubog pa lamang ang araw, maaari pa tayong makabalik bago umuwi ang alcalde mayor,” ani Ophelia na sa wakas ay nagsalita. Patuloy pa rin ang kaniyang pagmasid sa mga payat na puno sa tabi ng kalsadang lubak lubak.

“Ophelia..,” panimula ni Sining. Natisod ng kaliwang gulong ng kalesa ang isang malaking bato at umuga ito, dahilan upang masagi ng balikat ni Sining ang balikat ni Ophelia kung saan naroon ang isang malaking pasa. Nakita ni Sining na kumunot ang noo ni Ophelia bagama’t pinigilan niya ang mapa-aray.

“Ophelia, sabihin mo na sa akin ang totoo,” pag-uudyok ni Sining.

“Ilang beses ko nang sinabi sa iyo, nahulog lamang ako sa hagdan,” sagot ng dalaga. “Ayoko na itong pag-usapan, hindi ko ito ikamamatay.”

“Nag-aalala lamang ako,” sagot ni Sining.

“Hindi na kailangan, Sining. Ang trabaho mo lamang ay ang ayusin ang damit na aking isusuot, intindihin ang akin kakainin at samahan ako. Hindi ko na kailangan pa ang iyong pag-aalala. Huwag mo akong pakikialaman,” sagot ni Ophelia. May tumurok sa puso ni Sining nang marinig ang sinabi ng dalaga. Pinilit niyang ngumiti, at yumukod sa kaniyang kanlungan, naghahanap nang mapag-iinteresan sa kaniyang mga kamay.

Matapos matuyo ang mga damit at makakain ng pananghalian, pinatay na ni Sining ang apoy na kaniyang ginawa at sinimulan nang hanapin ang daan palabas ng gubat. Hindi naman ito naging mahirap para sa dalaga, sapagkat tirik na tirik pa ang araw. Madali niyang nasundan ang mga baling sanga at mga marka ng kanilang mga yabag nang maghabulan kanina. Ilang minuto lamang ay nahanap na ng dalaga ang mga punong minarkahan ni Ophelia ng ekis. Sinundan ng dalawa ang mga puno bilang gabay, at wala pang isang oras ay nakalabas na ang dalawa sa kagubatan.

Pinaghintay ni Sining ang kaniyang amo sa labas ng gubat kasama ng tampiping kanilang bitbit, habang siya naman ay naglakad patungo sa pinamalapit na kalsada at naghanap ng kutserong maghahatid sa kanila pabalik ng Malolos.

Sinipa sipa ni Sining ang tampipi na ngayon ay nasa kaniyang paanan sa loob ng karwahe sa kawalan ng magagawa. Hindi niya alam kung bakit nasaktan siya sa mga sinabi ni Ophelia. Sa katotohanan, ganitong pag-uugali naman talaga ang kaniyang inasahan mula sa isang kastilang amo. Napagdesisyunan niyang pakitang tao lamang ang kabutihan ipinamalas ni Ophelia noong mga nakaraang araw.

Nanatiling tahimik ang dalawa habang binabaybay ng kutsero ang daan patungong Malolos. Ang mga payat na puno sa gilid ng kalsada ay unti-unting napalitan ng mga bahay bahay at gusali. Unti-unting naging matao ang dinaraanan ng kalesa at bumagal ang pagtakbo nito. Dumaan ang kalesa sa tapat ng katedral ng Malolos, paakyat sa tulay at sa tapat ng bahay ng alcalde mayor, kung saan ito ipinahinto ni Sining.

“Dito na lamang po,” ani Sining. Bumaba ang kutsero upang pagbuksan ng pinto. Naunang bumaba si Sining kasama ang tampipi, samantalang nanatili sa loob si Ophelia. Lumakad siya patungo sa bakal na tarangkahan at ginalaw ang pangkatok. Ilang sandali pa’y lumabas ang mayor doma.

“Saan kayo nanggaling? Akala ko ba’y si Señorito Camilo ang kasama ninyong mamamasyal, kanina pa siya naghihintay sa loob kasama si Don Arturo,” ani Hermana Amparo na may galit na tono. Narinig ni Ophelia ang usapan ng dalawa mula sa loob ng kalesa at dumagundong ang kaba sa kaniyang dibdib.

“Hermana Amparo, susunod na ako sa sala, mangyaring makipag-usap po kayo sa kutsero at pakibayaran pa ang pagkakautang namin,” ani Ophelia. Bumaba ang dalaga mula sa kalesa at naunang pumasok sa tarangkahan matapos pagbuksan ng mayor doma. Sinundan siya ni Sining nang pumasok sa harap na pintuan ng mansion. Natigil si Ophelia sa likuran ng pinto bago dumiretso sa sala.

“Kinakabahan ako, Sining,” ani Ophelia. Inilabas niya ang isang maputing kamay, naghahangad na kunin ito ng lingkod, bagay na hindi ginawa ng dalaga.

“Hindi kasama sa trabaho ko ang mag-alala para sa iyo,” tanging sagot ni Sining. Ibinaba ni Ophelia ang kamay ng marinig ito, at tiningnan si Sining nang may hindi maitagong kalungkutan sa kaniyang abuhing mga mata. Kumurap ng ilang beses si Ophelia, bago inalis ang paningin kay Sining at huminga ng malalim. Lumakad siya patungo sa sala, kung saan siya sinundan ni Sining.

Sa sala, sa ilalim nang ipinintang larawan ni Don Arturo at ng kaniyang asawa, nakaupo sa pulang sopa ang tunay na Don Arturo, nakasuot lamang ng isang puting kamisa at asul na pantalon, at humihithit ng tabako. Kausap niya ang isang unipormadong lalaki na matikas ang tindig. Sabay na lumingon ang dalawa nang tumambad si Ophelia sa kanilang harapan, gusot gusot ang damit ay magulo ang mahabang buhok na hindi naitali.

“Saan kayo nanggaling? Akala ko ba’y si Camilo ang iyong kasama ayon sa iyong paalam sa akin kanina?,” ani Don Arturo. Idiniin niya ang tabako sa lalagyan ng upos dahil sa namumuong galit. Ginawaran ng abuhing mga mata ni Camilo de Guzman si Ophelia ng isang maalam na titig, habang kumulot ang mapupula niyang labi sa isang mapanuyang ngiti.

“Don Arturo..,” panimula ni Camilo de Guzman na humawak sa nanginginig na kamay ng alcalde mayor. “Patawarin po ninyo ako, ako po ang may sala. Tunay nga pong inaya ko ang inyong anak na mananghalian sa aming bayan at mamasyal, ngunit kinailangan ko po siyang iwan kaagad dahil may naganap na aberya sa aking sinasakupan na kinakailangang agad mabigyan ng atensyon. Iniutos ko po sa aking kutsero na ipasyal na lamang siya at ang kaniyang lingkod. Marahil ay nagustuhan niya ang aming lugar kaya’t ngayon lamang siya nakauwi,” pagsisinungaling ni Camilo. Nakahinga nang maluwag si Ophelia sa narinig.

“Huwag ka nang humingi ng paumanhin, hijo, dapat pa nga akong magpasalamat at inihabilin mo ang aking anak sa iyong kutsero,” sagot ni Don Arturo, na muling inilagay ang umuusok na tabako sa kaniyang mga labi. Humithit ang alcalde mayor ng usok, bago tumingin sa isang takot na takot na Ophelia.

“Ngunit bakit ganiyan ang iyong itsura? Nakakahiya sa iyong manliligaw. Aber, umakyat ka at magpalit ngayon din, at estimahin mong mabuti itong si Camilo,” utos ni Don Arturo. Yumukod si Ophelia at umakyat na sa puting marmol na hagdanan. Sinundan siya ng tingin ng binata.

“Don Arturo, kung iyong mamarapatin, maaari ba akong makigamit ng inyong kasilyas?” ani Camilo na hindi inalis ang tingin kay Ophelia.

“Gamitin mo na lamang ang nasa aking kuwarto, iyon ang pinakamaganda sa buong bahay,” ani Don Arturo. Yumukod si Camilo at tumayo upang umakyat sa marmol na hagdan patungo sa ikalawang palapag ng mansion. Nagkunwari siyang lumiko patungo sa silid ni Don Arturo nang makitang nakatingin sa kaniya ang alcalde mayor. Dahan dahan siyang bumalik patungo sa direksyon ng silid ni Ophelia nang makitang humithit ng tabako si Don Arturo. Naglakad ang binata ng tahimik sa madilim na pasilyo hanggang sa marating ang silid sa dulo, kung saan siya kumatok.

“Sining, mabuti’t nariyan ka na, kailangan kong magpalit..,” panimula ni Ophelia na tanging isang mahabang kamisa lamang ang suot. Natigilan siya nang maramdaman ang malakas na kapit ni Camilo de Guzman sa kaniyang braso. Itinulak ng binata papasok ng silid ang gulat na gulat na dalaga, at mabilis niyang isinara ang pinto sa kaniyang likuran.

Inihagis ni Camilo ang katawan ni Ophelia sa isang bahagi ng pader sa tabi ng pintuan hanggang sa lumapat ang likuran ng dalaga sa malamig na dingding, at dinaganan niya ito ng sariling katawan.

“Ano ba, Camilo, nasasaktan ako!,” ani Ophelia ng pabulong. Pinandilatan siya ng binata ngunit hindi natinag ang dalaga. Mahigpit pa rin ang pagkakahawak sa kaniya ng binata, at natakot siyang magmamarka ang mga daliri nito sa maputi niyang balat.

“Tonta! Saan mo dinala si Zenaida?, at ginamit mo pa akong dahilan, talaga bang hindi ka nag-iisip?,” bulong ni Camilo, gamit ang isang boses na nilalaan niya para sa mga kriminal na pilit pinaaamin sa madidilim at malalamig na bilangguan.

“Namasyal lamang kami, naghanap ako ng ibong maiguguhit. Ginawa ko iyon upang lumapit ang loob niya sa akin,” sagot ni Ophelia. “At wala akong kailangang ipaliwanag sa iyo, alam ko ang aking ginagawa.”

“Talaga lang ha, tonta!,” ani Camilo. Akmang sasampalin sana niya ang dalaga ngunit mabilis na napigilan ni Ophelia ang kaniyang kamay.

“Subukan mo akong saktan, Camilo, subukan mo at puputulin ko ang ating ugnayan,” banta ni Ophelia. Dahan-dahang ibinaba ng binata ang kaniyang kamay at muling kumulot ang kaniyang mga labi sa isang mapanuyang ngiti.

“Gusto mo pala ang nasasaktan, Ophelia, bakit hindi ka manatili na lamang sa bahay na ito?,” ani Camilo, sabay halakhak. “Huwag ka nang humingi pa ng tulong ko.”

“Huwag kang umasta na parang wala ka ring kailangan mula sa akin,” sagot ni Ophelia. Tinikasan niya ang tindig at nakipagtitigan ng mata sa mata sa binata.

Lalong natawa si Camilo. Sa wakas ay binitawan niya si Ophelia at inayos ang bahagi ng kamisang kaniyang suot sa may kwelyo.

“Magaling kang sumagot. Tingin mo ba’y magugustuhan ng iyong ama ang aking dalang regalo ngayon para sa kaniya?,” tanong ng binata. Kumunot ang noo ni Ophelia sa kalituhan. “Isang malaking bote ng lambanog na galing pang Laguna.”

Tumango si Camilo ng makita ang pag-aalala at pagmamakaawa sa mga mata ng dalaga. “Tama iyan. Mas kailangan mo ako kaysa sa kailangan kita. Siguro dapat lang ay turuan kita ng leksyon upang ipaalala iyan sayo.”

Tinalikuran ni Camilo ang dalaga at binuksan ang pinto ng kaniyang silid. Nangiti siya ng makitang nasa kabila at nakatayo si Sining.

“Sining, nandiyan ka na pala. Kailangan ng amo mo ng kasuotan, tulungan mo siyang magbihis,” ani Camilo, sabay ngiti. Hindi na niya nakita pa ng manlaki ang mga mata ni Sining sapagkat tumalikod na ang binata upang maglakad sa madilim na pasilyo at bumaba ng hagdan.

Hindi alam ni Sining kung bakit siya nasaktan sa nais iparating ni Camilo. Dali-dali siyang pumasok upang tingnan ang kalagayan ng amo.

“Ano ang ginawa ninyo?,” tanong ni Sining ng makita si Opheliang nanginginig sa may pader.

“Wala kaming ginawang imoral,” ang tanging sagot ni Ophelia na patuloy pa rin sa panginginig. Naalala ni Sining ang eksena kanina sa kagubatan, nang hindi niya mapigilang yakapin ang amo nang makitang nanginginig ito; gaya ng hindi niya mapigilang yakapin ito ngayon. Ngunit naalala rin niya ang mga katagang binitawan kanina ni Ophelia, kung saan siya’y lubusang nasaktan, at agad niyang inalis ang kahit anong pag-aalalang nasa kaniyang mga mata. Iniwan niya si Ophelia sa may pader at tumungo sa aparador kung saan siya kumuha ng isang puting blusa at isang itim na palda. Nilatag niya ang mga ito sa kama at naramdamang lumapit sa kaniya si Ophelia.

Hindi napigilan ng mga mata ni Sining ang mapatingin sa mapuputing mga kamay ni Ophelia na ngayon ay humihimas himas sa sarili niyang mga braso. Nakita niya roon ang mahahabang pulang marka na ang hinala niya ay nagmula sa mga daliri. Inalis niya ang pagkakatitig at pinigilan ang pag-aalala.

“Pakitaas ang iyong mga kamay,” ani Sining. Itinaas nga ni Ophelia ang mga braso. Isinuot ni Sining ang puting blusa sa ulo ng amo, at di niya mapigilang kabisaduhin ang maputing balat na unti unting natatago ng tela ng blusa, mula sa mapupulang mga labi nito hanggang sa hubog ng katawang tanging isang manipis na kamisa lamang ang nagtatago mula sa kaniyang mga paningin. Naalala ni Sining kung paanong kanina’y malayang nakatambad lamang sa kaniyang harapan ang katawang ito, walang saplot, may pagtitiwala sa kaniyang mga bisig ng ikulong niya ito sa isang mainit na pagyapos.

Ito ang unang beses na binihisan ni Sining si Ophelia, at tanaw na tanaw niya ang bakas ng mga latay at pasa sa katawan nito. Pinigilan ng dalaga ang muling magtanong kay Ophelia kung saan niya nakuha ang mga ito. Inayos ni Sining ang blusa at isinuot naman ang palda sa kaniyang amo.

Sabay na bumaba ang mag-amo matapos ayusin ni Sining sa isang pusod ang buhok ni Ophelia at lagyan ito ng isang magarang payneta. Naghihintay na sa ulo ng mahabang hapag-kainan si Don Arturo, at nakaupo naman si Camilo de Guzman sa kaniyang kanan. Tumayo ang binata nang makita si Ophelia upang ipaghila ito ng silya sa tabi ng kaniyang ama.

“Salamat,” mahinang bati ng dalaga, at tuluyan ng umupo. Nakahain sa kanilang harapan ang dalawang malaking mangkok ng tinola at isang bandehado ng kanin. Mayroon ring inihaw na baboy at manok at ilang hiniwang hinog na papaya. Tanging ang tatlo na nasa hapag at si Sining na nakaantabay sa kaniyang amo ang nasa silid.

“Ophelia, simulan mo na ang dasal,” ani Don Arturo. Agad na yumukod at nagdaop palad ang dalawang lalaki, at bagama’t sinimulan nga ni Ophelia ang dasal, nanatiling dilat ang kaniyang mga mata at ang kamay sa kaniyang kanlungan.

Matapos magdasal ni Ophelia ay naghapunan na ang tatlo. Pinanood ni Sining habang nagkwentuhan si Don Arturo at Camilo tungkol sa politika, sa mga balita galing sa Mehiko at Espanya, at maraming bagay na hindi naiintindihan ng dalaga. Nanatiling tahimik lamang si Ophelia habang kumakain, nakikitawa at ngiti, ngunit hindi nagsasalita maliban kapag kausapin.

Pinuno ni Sining ng kulay kahel na inumin ang baso ni Camilo habang pinupunasan ng binata ang kaniyang mga labi.

“Don Arturo, handa na ba kayo sa dala kong regalo para sa inyo,” ani Camilo habang nakatingin at nakangiti kay Ophelia. Napansin ni Sining ang takot sa mga mata ng amo.

“Ikaw naman, hijo, nag-abala ka pa, parati ka na lamang may dalang sorpresa,” sagot ni Don Arturo habang pinagkikiskis ang kaniyang mga kamay.

“Tunying,” tawag ni Camilo sa kaniyang alalay. Lumabas sa may silid ng mga tagalingkod ang isang matanda halos kuba na, nakadilaw na kamisa de chino at tangan tangan ang isang malaking kristal na bote. Inilapag niya ang bote sa mesa sa pagitan ni Don Arturo at ng kaniyang amo. Binuksan ng alcalde mayor ang takip ng bote at inamoy ang laman nitong likido.

“Hmmm, lambanog,” ani Don Arturo.

“Galing pa mismo sa Laguna,” pagyayabang ni Camilo. Pinitik ni Don Arturo ang kaniyang mga daliri at lumabas mula sa silid ng mga lingkod ang mayor doma.

“Maglabas ka pa ng dalawang basong pang-alak,” utos ng alcalde mayor. “Ophelia, umakyat ka na sa iyong silid.”

“Magandang gabi, Ophelia,” ngiti ni Camilo sa dalaga ng ito’y tumayo mula sa kinauupuan. “Sa iyo na rin, Zenaida.”

“Magandang gabi rin, Camilo, Papa,” sagot ni Ophelia. Tumango lamang si Sining at yumukod bago sinundan ang amo paakyat ng marmol na hagdan.

Sumunod si Sining sa silid ng amo bitbit ang isang palangganang may mainit na tubig. Natagpuan niya si Ophelia na nakaupo sa may gilid ng kama, suot na lamang ang manipis niyang kamison at nakalugay ang mahabang buhok, nakatanaw sa bintanang nakabukas. Inilapag ni Sining ang palanggana ng tubig sa paanan ng amo at piniga ang puting bimpong naroon.

Napapikit si Ophelia nang maramdaman ang mainit na bimpong ipinunas sa kaniyang mga pisngi. Banayad na pinunasan ni Sining ang noo ng amo, pababasa matangos na ilong, at matatambok na mga pisngi. Bahagyang bumuka ang malilintog na labi ni Ophelia ng dumaan ang mainit na bimpo pababa ng kaniyang maputi at mahabang leeg, dahan dahan hanggang sa makarating sa nakasilip na guhit sa gitna ng kaniyang mayayamang dibdib, sa ibabaw ng kaniyang manipis na kamison. Pinagtagal ni Sining ang bimpo sa lugar na iyon, bago tuluyang tinanggal.

Pinunasan ni Sining ang magkabilang braso ni Ophelia, habang nilalagyan ng dagdag na kalinga ang mga kamay at mapuputing daliri ng dalaga. Inilubog ni Sining ang mga paa ng amo sa palangganang may tubig, at doon ito hinugasan. Matapos tuyuin ang balat ng dalaga, tumayo na si Sining upang itapon ang tubig sa bintana.

Naglabas ang dalaga ng isang puting mahabang pantulog na gawa sa madulas na tela. Nakatayo na si Ophelia sa paanan ng kama ng balikan siya ni Sining. Agad na itinaas ng dalaga ang dalawang braso upang maisilid ng kaniyang lingkod ang pantulog. Hinimas ni Sining ng mga kamay ang mga gusot sa damit ni Ophelia.

Wala ng isang salita pa ay tinalikuran ni Sining ang amo, ngunit di pa man din ito nakahahakbang, isang malambot na kamay ang pumigil sa kaniyang braso.

“Sining,” panimula ni Ophelia. Nilingon siya ni Sining, ang kawalang ekspresyon sa mukha ng dalaga ay salungat sa pag-mamakaawa sa mga mata ng kaniyang amo.

“Sining, dito ka matulog ngayong gabi, sa tabi ko,” ikinagulat ni Sining ang mga salita ng kaniyang amo.

“Hindi ata tama iyon, Ophelia. Hindi dapat nagtatabi ang lingkod at ang kaniyang amo,” sagot ni Sining. Tatalikuran na sana siya ng dalaga ngunit hindi binitawan ni Ophelia ang kamay ng lingkod.

“Sining, parang awa mo na, kahit ngayong gabi lamang,” pagmamakaawa ni Ophelia. Nakita ni Sining ang takot sa mga mata ng amo na dati rati’y hindi nagpapakita ng kahinaan. Ng panahong iyon ay batid ni Sining na hawak niya ang kapangyarihan upang palaganapin ang takot na nakikita niya sa mga mata ni Ophelia, o iligtas siya mula dito.

“Hindi ko trabaho ang mag-alala para sa iyo, ni maawa sa iyo. Ang trabaho ko lamang ay ihanda ang iyong makakain at ang damit na iyong isusuot. Iyon lamang, magandang gabi, Señorita Ophelia,” sagot ni Sining. Tinalikuran niya si Ophelia at pumasok na sa kaniyang silid.

7 responses »

  1. oh god!!! ouch…i know sining was hurt and all but cmon? who wouldn’t sleep with ophelia? XXDDD. Just kidding (no, not really)…keep writing geraldine…you and youre writing is frickin awesome!!!cant wait for the next one!!! i want some action already XDD

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s