Sobre Rojo (Episode 6): Sa Loob ng Gubat

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

I apologize that this episode was a week later than promised. I would offer the UP Enrollment Week as an excuse, but the truth is, this episode was hard to write, particularly because I began writing it more than a month ago and I forgot where it was supposed to head. In other news, I am no longer single (Yipee!). I dedicate this episode to that perfect woman with whom I would spend the next 40++ years of my life. I also thank her for proof-reading this episode.

From now on, the episodes would be aired on Sundays, every two weeks. This system would give me more time to write to produce better works. Thank you and I hope you like this episode.

The episodes are compiled in the Shows tab.


Pinasok ni Sining at Ophelia ang gubat na magkahawak kamay. Alas diyes pa lamang noon at nakadungaw ang sinag ng araw sa pagitan ng mga dahon ng mga puno na nagsilbing bubungan nang masukal na kagubatan. Nabali ang ilang maliliit na sanga at nagsisarahan ang bawat makahiyang madaanan ng kanilang mga panyapak. Binitiwan muna ni Sining ang tampiping kaniyang bitbit sa malambot na damuhan sa kanilang mga paanan. Kinuha ng dalaga ang binaong balisong mula sa kaniyang bulsa at iniabot ito sa amo.

“Ophelia, bibitbitin ko itong tampipi, mangyaring markahan mo ng ekis bawat punong ating madaanan ng hindi tayo maligaw sa paglabas natin mamaya,” ani Sining. Kinuha ni Ophelia ang patalim sa kaniyang mga kamay at itinaas ito sa ilalim ng sikat ng araw. Kumislap ang matalim na dulo nito.

“Ngayon lamang ako nakahawak ng ganito, ano ang tawag dito?,” sagot ng amo. Pinaikot ikot niya ang patalim sa kaniyang mapuputing daliri na kusang nagbukas at nagsara.

“Ingat ka,” pag-aalala ni Sining sa amo. “Balisong ang tawag diyan. Maraming ganiyang sa amin sa Laguna ngunit sa Batangas talaga ang pagawaan niyan.”

“Kung mayroon lamang sana ako nito parati sa ilalim ng aking unan..,” bulong ni Ophelia.

“Ano iyon?,” tanong ni Sining na muli nang pinulot ang tampipi sa damuhan.

“Wala, namamangha lamang ako sa iyong patalim,” sagot ni Ophelia. Ikinunot ni Sining. Ang noo ngunit hindi na siya pinansin pa ng amo na tumungo sa pinakamalapit na punong-kahoy at inekisan ito.

Nagkapit kamay muli ang dalawa at naglakad na paloob ng gubat. Huminto si Ophelia sa tapat ng bawat makalawang punong madaanan at minarkahan ito.

“Sining, alam mo ba kung saan namumugad ang mga bispon?,” muling nagsalita si Ophelia. Napaisip ang dalaga at pinagmasdan ang mga punong-kahoy sa kanilang paligid.

“Kadalasan ay sa mga kawayanan. Mayroon bang gayon sa gubat na ito?” tanong ni Sining.

“Hindi ko alam, ngayon lamang ako nakapasok sa isang gubat,” sagot ni Ophelia, sabay tawa. Binitawan niya ang kamay ni Sining at nagtatatalon patungo sa isang puno ng Mabolo at minarkahan ito.

“Papaano kung wala, masasayang lang ang lakad natin dahil wala tayong makikitang bispon,” ani Sining na hindi makapaniwala sa amo.

“Bakit naman masasayang? Nakahawak ako ng balisong, nakakita ng kay raming mga puno, at iyang bulaklak na iyan na napakaganda at wala sa ating hardin,” sagot ni Ophelia sabay turo sa isang puting bulaklak na may malalapad na talulot. Ang kahabaan ng mga talulot nito natadtad ng kulay ubeng batik. Ang tangkay nito’y hindi matinik at mababa lamang ang halaman. Kung hindi pa nga yumukod si Ophelia ay hindi niya ito makikita. Nilapitan ito ng dalaga at akmang pipitasin ang nag-iisang bulaklak.

“Huwag!,’ babala ni Sining. Agad na binawi ni Ophelia ang kaniyang mga daliri.

“Bakit, nakalalason ba ito?,” tanong ni Ophelia. Lumapit si Sining sa dalaga at lumuhod sa tabi nito.

“Hindi. Ito ang tinatawag ng mga taga Laguna na Kasmir. Mabisang lunas ang mga talulot nito sa pagdurugo dala ng sugat. Naisip ko lamang, nag-iisa na lamang ang bulaklak na iyan at wala ni isa sa atin ang nangangailangan sapagkat wala naman sa ating sugatan. Maaaring may dumaan dito na tunay na mangangailangan ng lunas na dulot ng mga talulot niyan kaya’t huwag nating pitasin,” sagot ni Sining. Dahan-dahang ipinatong ni Ophelia ang isang kamay sa braso ng dalaga.

“Kung gayon, lubhang napaka-espesyal pala ng bulaklak na iyan. Pakikuha naman ang kuwadro at ng isang lapis, at ito’y aking iguguhit,” ani Ophelia. Inilapag ni Sining ang tampipi sa kaniyang harapan at ito’y binuksan. Kinuha ng dalaga ang blankong kuwadro na kanilang baon at iniabot ito sa amo kasama ng isang lapis.

“Ngunit hindi ba’t isang bispon ang ipinunta natin dito upang iyong maguhit? Tila masasayang ang lakad natin kung ang bulaklak na iyan ang iyong iguguhit,” ani Sining. Naupo si Ophelia sa ugat ng isang punong-kahoy na lumabas na sa lupa at ipinatong ang kuwadro sa kanyang mga hita.

“Paano mo masasabing nasayang ang aking paglabas, kung ikaw naman ang kasama ko, Sining?,” sagot ni Ophelia, na yumuko na upang simulan ang pagguhit.

Hindi na napigilan pa ni Sining ang ngiti sa kaniyang mga labi habang pinanonood ang amo na nakayukod sa kuwadrong unti-unting napupuno ng mga linya at hugis. Ang banayad na paggalaw ng mga balikat ni Ophelia ay tila sayaw sa mga mata ni Sining. Nahulog ang ilang hibla ng kayumangging buhok doon at nilabanan ni Sining ang bawat pagnanais na ayusin ang mga ito sa likuran ng tainga ng amo. Halos isang oras rin ang lumipas na tanging ang paghuni nang hindi makitang mga ibon at ang kaluskos nang hinangin na mga dahon ang narining na ingay sa gitna ng gubat. Sumipol si Sining upang magpalipas ng panahon.

“Anong kanta iyan?,” tanong ni Ophelia na hindi tumitingala mula sa ginagawa.

“Patawarin mo ako’t hindi ko alam ang pamagat. Ito’y isang tula na ginawan ng aking ama ng tunog at parati niyang inaawit sa aking ina tuwing umuuwi siya galing sa sakahan,” sagot ni Sining.

“Kung gayon ay isulat mo sa ang mga linya sa isang papel sa ating pag-uwi, at bibigyan natin ng pamagat,” sagot ni Ophelia na tuloy pa rin sa pagguhit.

“Ididikta ko na lamang sa iyo, kung maaari? Hindi ako marunong sumulat ni magbasa,” sagot ni Sining. Agad napatingala si Ophelia sa narinig.

“Ang hindi marunong sumulat ni magbasa, tama ba ang aking narinig?” pagtataka ni Ophelia.

“Oo, tama ang iyong narinig. Hindi lahat ng tao’y katulad mong nabibiyayaan sa buhay at nakapag-aaral,” sagot ni Sining ns ipinagtanggol ang sarili. Hindi namalayan ng dalaga na naitikom niya ang kaniyang mga kamay sa mga kamao.

“Hindi iyan ang nais kong palabasin. Ngunit, Sining, hindi ka man lamang ba gumawa ng paraan upang matuto?,” pagtataka ni Ophelia.

“Nabuhay ako ng labing anim na taon na hindi naisusulat ni nababasa ang aking pangalan,” sagot ni Sining.

“Nabuhay? Oo, ngunit sa sarili mong mundo lamang. Kapag natuto kang magsulat at bumasa, kay raming mundo ang mabubuksan para sa iyo, ayaw mo ba ng gayon?,” tanong ni Ophelia.

“Hindi ko alam kung marapat ba ang maghanap ng ibang mundo kung itong mundong aking ginagalawan ay hindi pa maayos,” sagot ng dalaga.

Hindi na muling umimik pa si Ophelia. Yumukod ang dalaga upang ipagpatuloy ang iginuguhit na larawan. Ilang minuto pang nabalot ang dalawa ng katahimikan ng kagubatan.

“Tapos na, sa bahay ko na lamang kukulayan. Nais mo bang makita, Sining?,” alok ni Ophelia. Iniharap ng dalaga ang kuwadro kay Sining. Nakaguhit sa gitna niyon ang isang matapat na larawan ng bulaklak na may malalapad na talulot. Kahit na wala pang kulay, tila nababagay nang isabit sa pader ang gawa ni Ophelia. Sa bandang kaliwa ng larawan, napansin ni Sining na nakaguhit ang imahe ng isang babaeng nakaupo sa batuhan. Magulong nakalatag ang itim na palda ng babae sa paligid nito dahil sa pabukaka niyang pag-upo.

“Maganda na sana, ngunit bakit naman isinama niyo pa ako sa larawan?,” pagtataka ni Sining.

“Bulaklak ang aking iginuhit, natural lamang na kasama ka, Sining,” sagot ni Ophelia sabay ngiti. Muling tinitigan ng lingkod ang larawan sa kaniyang mga kamay bago itinago sa tampiping baon.

“Halika, Sining,” muling kinuha ni Ophelia ang kamay ng dalaga. “Humanap pa tayo ng maaari kong iguhit.”

Sinundan ni Sining ang mabagal na pagyabag ng mga paa ni Ophelia sa malambot na sahig ng kagubatan. Ilang minutong nanatiling tahimik ang dalawa, at tanging paghuni lamang ng mga ibon ang narinig habang pinagpatuloy ni Ophelia ang pagmarka ng ekis sa bawat punong kanilang madaanan.

Ang ilang minutong katahimikan sa kagubatan ay nabasag ng kanilang marinig mula sa itaas ang matinis na paghuni ng isang hayop. Tumingala si Sining at agad na nakita ang pinanggalingan nito. Sa pinakamataas na sanga ng isang puno ng akasya, nakapuwesto ang isang lalaking bispon, nagtatawag ng kaulayaw.

“Ayon, Ophelia, isang bispon,” bulong ni Sining sa dalaga upang hindi matakot ang hayop, sabay turo sa kulay asul na ibon na may mahabang puting buntot. Alam ni Sining na ito’y isang lalaki dahil sa makulay nitong marka sa dibdib.

“Kay palad naman natin, Sining, ang sabi mo’y sa kawayanan lamang madalas ang bispon,” ngiti ni Ophelia. Pumalakpak ang dalaga at sinubukang kuhanin ang atensyon ng ibon.

“Huwag,” hinawakan ni Sining ang kamay ni Ophelia upang ito’y pigilan. “Lubhang mailap ang bispon at baka umalis lamang iyan.”

“Ngunit hindi ko iyan maguguhit ng ganiyan kataas,” reklamo ni Ophelia na patuloy sa pagpalakpak. Hindi siya pinansin ng ibon at nagpatuloy sa paghuni.

“Ophelia, gusto mo ba talagang maiguhit ang ibon na iyan? Hindi mangyayari ang binabalak mo dahil sa ginagawa mo,” inis ni Sining.

“Kaya ko nga tinatawag dahil nais kong maiguhit ng malapitan,” sagot ni Ophelia na hindi tumigil sa pagtawag ng atensyon ng ibon.

“Kaysa naman wala kang maiguhit, makuntento ka nang gumuhit mula sa malayuan. Palibhasa’y ganid kayong mga Kastila, nananahimik ang bispon na naghahanap nang makauulayaw, hindi ba maaaring tahimik mo na lamang din siyang obserbahan?,” pangangatwiran ni Sining. Tumigil si Ophelia sa pagpalakpak at napatitig sa dalaga. Nanlaki ang mga mata ni Sining ng maisip ang mga katagang kasasabi lamang.

“Patawarin mo ako, Ophelia, hindi ako nag-iisip, hindi ko ginustong sabihin na ika’y ganid,” ani Sining na iniyukod ang ulo. Hindi na sumagot pa si Ophelia na ibinaba na lamang ang mga kamay sa gilid ng kaniyang balakang. Napatingala ang dalawa ng muling marinig ang isang huni ng bispon, isang mahaba at matinis na awitin. Nakita nilang hindi mula sa ibong nasa puno ng akasya ang himig na ito, bagkus ay galing sa malayo. Laking gulat ni Ophelia nang makita niyang niladlad ng bispon ang malalaki nitong pakpak at lumipad palayo.

“Hindi maaari,” sambit ni Ophelia, at agad kumaripas ng takbo sa direksyon nang paglipad ng ibon.

“Ophelia! Bumalik ka rito ngayon din! Kahibangan, isang malaking kahibangan!,” sigaw ni Sining. Ngunit hindi siya pinakinggan pa ng dalaga na patuloy ang pagtakbo, sinusundan ang lumilipad na bispon hagang sinusundan nito ang tinig ng isa pang bispon sa malayo. Dali daling binitbit ni Sining ang tampipi at hinabol ang amo.

“Ophelia, tumigil ka, maliligaw tayo, Ophelia!,” hinabol ng sigaw ni Sining ang amo. Palibhasa’y bihasa sa bundok, walang hirap na nasundan ng dalaga ang amo, ngunit ang patigilin ito sa pagtakbo ay naging mahirap na tungkulin.

“Ophelia! Ano ka ba? Hindi na natin namarkahan ang mga nadaanan natin, maliligaw tayo!,” kumaripas nang yabag ang dalawang pares ng paa, isang maputi at isang kayumanggi, sa malambot na sahig ng kagubatan. Nakangiting pinanood ni Ophelia habang namamayagpag sa kalangitan ang ang kulay asul na ibon, pinatingkad ng sikat ng araw ang mga balahibo nitong pumapagaspas sa hangin. Tumakbo ang dalawa hanggang sa marinig nila ang malakas na pag-agos ng tubig sa hindi kalayuan.

Unang huminto si Ophelia, kamuntik na nga siyang mabangga ni Sining na humahabol sa kaniyang likuran. Dinala sila ng bispon sa isang bahagi ng kagubatan na walang puno, nasa harapan nila ang isang batis, kung saan nahuhulog ang rumaragasang tubig mula sa isang talon.

Sa ibabaw ng talon, nakapuwesto sa batuhan ang isang babaeng bispon. Kulay asul din ang balahibo nito, ngunit mas malamlam kaysa sa lalaki, at kulay puti ang marka nito sa dibdib. Pinagmasdan ni Sining ng buong mangha ng lumipad patungo sa batuhan sa talon ang lalaking bispon upang tabihan ang babae. Humuni ang lalaki ng isang awitin, na sinagot naman ng matinis na pag-awit ng babae.

“Pagmasdan mo, Ophelia, makahanap na siya ng makauulayaw,” turo ni Sining sa dalawang ibon na magkatabi. Maya-maya pa’y iniladlad na nila ang kanilang mga pakpak, mas maliit ang mga pakpak ng babae kaysa sa lalaki, at lumipad patungo sa kakahuyan sa paligid ng talon.

Ngunit wala sa mga bughaw na ibon ang atensyon ni Ophelia, nakita ni Sining na buong manghang pinagmamasdan ng amo ang talon sa kaniyang harapan. Katamtaman lamang ang taas ng talon, at hindi rin kasing ganda ng mga talon na nakikita ni Sining sa mga pinagkukutaang bundok, lalo na sa Laguna, kaya’t nabatid niyang ito ang unang pagkakataong nakakita ng talon ang amo.

“Sining, isa itong talon, isang totoong talon!,” napalundag si Ophelia sa tuwa at hindi napigilan ni Sining na matawa. Agad na tumakbo ang dalaga sa gilid ng batis at pinansandok ng tubig ang kaniyang mapuputing kamay.

“Nako, sandali lamang, Ophelia, hindi mo sigurado kung malinis iyan!,” babala ni Sining, ngunit huli na ang lahat, inilapit na ng dalaga sa bibig ang mga kamay at ininom ang malinaw na tubig.

“Napakalamig, Sining, at kay tamis ng tubig! Halika dito!,” pag-anyaya ni Ophelia sa dalaga. Ibinaba ni Sining ang bitbit na tampipi sa lupa at nilapitan ang amo.

“Halika na, Ophelia, hahanapin pa natin ang daan palabas, tingnan mo’t basa na ang laylayan ng iyong blusa,” naghalukipkip si Sining ng braso at pinagsabihan ang amo.

“Tingnan mo, Sining, kay linaw ng tubig, kitang kita ko ang aking imahe,” itinukod ni Ophelia ang kaliwang kamay sa isang bato at inabot ang pinamalalim na parte ng batis na kaya niyang abutin habang nakaluhod sa lupa sa paligid nito. Nakita ni Sining na halos basa na ang laylayan ng palda ng amo, at na malumot ang bato na pinili nitong pagtukuran ng kamay.

“Ingat ka, Ophelia, baka madulas-,” ngunit hindi na natapos pa ni Sining ang sasabihin nang matilamsikan ng malamig na tubig ang kaniyang mukha. Pinunasan ng dalaga ang mga mata, at nang ito’y matuyo, tumambad sa kaniyang harapan ang amo na nakasalampak ang harapan ng katawan sa mababaw na tubig.

Hindi na naisip pang itaas ni Sining ang mahabang palda nang lumusong sa malamig na tubig na hanggang hita upang saklolohan ang amo.

“Ophelia! Ayos ka lamang ba, nasaktan ka ba?,” pag-aalala ni Sining. Sumubsob sa ilalim ng batis ang mukha ng amo, at hinawakan ni Sining ang mga balikat nito upang tulungang makatayo. Namumula ang mukha ni Ophelia ng ito’y humarap kay Sining, at sa kaunting sandali, inakala ni Sining na iiyak ang amo, ikinagulat niya ng magbukas ang mapupulang labi ni Ophelia sa isang ngiti, na nagtuloy sa malakas na paghalakhak. Hinawakan ng dalaga ang kayumangging mga braso ni Sining, at hinila ito patungo sa tubig.

Muling tumilamsik ang malamig na tubig sa paligid ni Sining at natagpuan niya ang sariling mga mata na may ilang pulgada na lamang ang layo sa abuhing mga mata ng amo. Huminto na lamang sa lalamunan ni Sining ang hiningang dapat sana’y ibubuga. Sa malapitan, tila lalong tumingkad ang bawat sulok ng imahe ni Ophelia. Lalong humaba ang mga pilik na dati’y akala niya’y wala nang mas hahaba pa. Tila ba lalong pumula ang mga labi ng dalaga, lalong lumintog, ang kaniyang malarosas na ngiti’y mamasa masa pa sa tilamsik ng batis. Kuminang ang kutis na akala niya dati’y malasutla lamang. Bumaba ang tingin ni Sining, patungo sa mapuputing daliring nakahawak sa kaniyang mga braso. Kahit gaano pa gumanda lalo ang mukha ng amo, wala ng dadaig pa sa mga daliri nitong kay haba at kay lambot. Banayad na kinalas ni Ophelia ang pagkakahawak sa kaniyang lingkod, at lumangoy patungo sa gitna ng batis.

“Ophelia, bumalik ka na dito, ngayon din!,” ani Sining, na tumayo sa may gilid ng batis.

“Ano pa ba ang humahadlang sa iyo, Sining? Basa ka na rin lang, halika na rito. Malamig ang tubig at mainit sa bahay pagbalik natin,” sagot ni Ophelia na humalakhak. Tila tumunog ang mga kampana sa tainga ni Sining nang marinig ang pagtawa ng amo.

“Malamig nga po, at magkakasakit, kayo, halika na rito,” pakiusap ni Sining. Nagpaikot ikot ang dalaga sa gitna ng batis kung saan hanggang bewang ang tubig.

“Señorita, malalagot ako sa inyong ama kapag-,” ngunit hindi na natapos pa ni Sining ang sasabihin dahil sa tubig na sumaboy sa kaniyang mukha.

“Subukan mo pang muling tawagin akong señorita at hindi lamang iyan ang matitikman mo,” seryosong sinabi ni Ophelia. Ngunit ilang segundo lamang niyang napigilan ang halakhak na nagbabanta sa kaniyang mukha.

“A ganon, hinahamon mo ba ako, Ophelia?,” pabirong pagbabanta ni Sining. May ngiti sa labi, lumusong si Sining sa gitna ng batis kung saan naroon ang amo. Inilubog niya ang mga kamay sa tubig, at sinabuyan ang mukha ni Ophelia.

Napapikit si Ophelia sa dami ng tubig na tumilamsik sa kaniyang mukha. Kumapit ang dalaga sa dibdib at umubo.

“Ophelia, Ophelia, ayos ka lamang ba?,” tanong ni Sining. Hinawakan niya ang basang likuran ng amo at hinagod ito. “Patawad, hindi ko sinasadya, nakikipaglaro lamang ako.”

Tumingala si Ophelia, may ngiting naglalaro sa mga labi.

“Marunong ka naman palang makipaglaro, Sining,” ani Ophelia, sabay saboy ng tubig sa mukha ng lingkod. Natawa si Sining.

“Umaarte ka lamang pala, dinadaya mo ako,” sagot ni Sining, na gumanti ng pagsaboy ng tubig. Ilang sandali pa, nagtilamsikan nang malamig na tubig ang dalawa sa gitna ng batis. Kung may mangangaso lamang na nagkukubli sa kakahuyan sa tabi ng talon, dinig na dinig nito ang halakhakan ng dalawang dalaga, at ang palitan ng mga pabirong banta.

Nagpatuloy ang ganito ng ilang minuto, hanggang sa madulas ang kanang paa ni Ophelia sa malumot na sahig ng batis. Napakapit ang mapuputi niyang kamay sa mga balikat ni Sining, na agad namang humawak sa kaniyang bewang.

“Sining..,” sambit ni Ophelia, na napatitig sa kayumangging mga mata ng lingkod.

“Ophelia..,” sagot ni Sining, na muling natagpuan ang sariling nakatitig sa abuhing mga mata ng amo. Lumunok ng laway ang dalaga at kumurap. “Ophelia, halika na, kailangan pa nating patuyuin ang ating mga damit at hanapin ang daan palabas ng gubat. Hindi tayo maaaring abutin ng dilim, at magtatanghali na.”

“Tama ka, halika na nga,” sagot ni Ophelia. Kumawala siya mula sa mga bisig ni Sining at muling nadama ng dalaga ang lamig ng tubig ng batis.

Muling nilusong ni Ophelia ang tubig patungo sa pampang ng batis kung saan siya ay naupo. Sumunod si Sining sa amo, at tumayo sa tabi nito.

“Pahiram ako ng balisong, gagawa ako ng apoy upang mapatuyo natin ang ating mga damit,” ani Sining. Dumukot si Ophelia sa bulsa ng palda at kinapa ang patalim.

“Heto, mabuti na lamang at hindi nahulog sa batis, kung hindi’y mangangapa pa tayo sa tubig,” ngiti ni Ophelia sa lingkod habang iniaabot ang balisong. Sandaling nagtama ang kanilang mga daliri at tila nakuryente si Sining.

“Dito ka na lamang, mangunguha lamang ako ng mga tuyong sanga at dahon,” ani Sining.

“Hindi mo ba kailangan ng tulong?,” tanong ni Ophelia.

“Hindi na, maupo ka na lamang, sanay ako rito,” sagot ni Sining na may ngiti sa labi. Tinalikuran ng dalaga ang amo at pumasok sa kakahuyan.

Nanatili si Ophelia sa kinauupuan at naghalukipkip ng braso, nanginginig, pilit iniinda ang lamig ng basang damit. May kalahating oras pa ay lumabas si Sining mula sa kakahuyan, buhat ang isang bulto ng tuyong kahoy sa kaniyang mga balikat. Nakita niya ang amo na nanginginig ang katawan, at agad niya itong nilapitan.

Ibinagsak ni Sining ang bulto ng kahoy.

“Sandali lamang ito, Ophelia, huwag kang mag-alala,” ani Sining. Pinili niya ang mga kahoy na gagamitin upang magsimula ng apoy. Pinanood siya ng amo habang ginagawa niya ang pinakamabilis na paraan upang magpabaga ng kahoy, ang paraang itinuro mismo sa kaniya ng amain. Tumulo ang pawis mula sa kaniyang noo patungo sa basang damit habang nagkikiskis ng mga sanga. Sa gilid ng kaniyang paningin, palihim niyang tinanaw ang imahe ng among nakahalukipkip, nanginginig sa lamig. Lalong pinagbuti ni Ophelia ang ginagawa, at may tatlong minuto pa, umusok ang bahagi ng kahoy na pinagkikiskis.

Yumuko si Sining sa lupa upang hipan at pabagain ang umuusok na bahagi ng kahoy. Nanlaki ang mata ni Ophelia nang makita niyang sumiklab ang isang maliit na apoy.

“Magaling, Sining, saan mo natutunan ang ganiyan?,” tanong ni Ophelia.

“Itinuro ito ng aking ama. Dati kasi kaming naninirahan sa bundok kaya’t marapat na alam namin ang mga ganitong bagay,” sagot ni Sining. Inilapag niya sa lupa ang kahoy at dinagdagan ng mga tuyong dahon at sanga upang lumago ang apoy. Nang lumaki na ito na sapat sa kanilang pangangailangan, kumuha si Sining ng dalawang mahahabang sanga ng kahoy at itinusok ito sa magkabilang bahagi ng apoy.

“Hubarin mo ang iyong kamiseta, Ophelia, magkakasakit ka, gagawa ako ng sampayan upang mapatuyo natin ang ating mga damit,” ani Sining. Gamit ang balisong, binalatan niya ang isang mahabang sanga at ginamit na panali ang mga hibla nito sa sanga na nilagay niya sa pagitan ng dalawang kahoy na nakatusok sa lupa.

“Ibilad na muna natin ang ating mga damit,” ani Sining, matapos higpitan ang pagkakatali ng ginawang sampayan. Nilingon niya ang amo upang tulungan itong maghubad, ngunit tumambad sa harapan niya ang hubad nang katawan ni Ophelia.

Malamlam ang tingin sa kaniya ng kaniyang amo. Napansin niyang nangangatal at maputla ang dati’y kay pulang labi ni Ophelia. Malaman ang hubog ng katawan ng kaniyang amo. Kahit saang banda siya tumingin, tila hindi matapos tapos ang natatanaw na maputi at makinis na balat.

Napalunok si Sining sa nakatambad sa kaniyang harapan. Inisa isa ng kaniyang mata ang bawat bahagi ng katawan ni Ophelia, mula sa mamasa masang buhong pababa sa nakakulot at nangangatog na mga paa. Napakagat sa labi si Sining nang makita ang bawat liko ng balakang at hita ng amo. Muling umakyat ang kaniyang tingin patungo sa bahagi ng katawan ng amo na parating hinahanap-hanap ng kaniyang mga mata. Nakita ni Sining na nanginginig ang mapuputing daliri ng kaniyang amo, tangan tangan ang basang kamiseta, palda, at puting panloob na iniaabot sa kaniya. Tila hinatak si Sining mula pagdidiwara nang makitang nangangatog ang mapuputing mga kamay ni Ophelia.

“Ophelia! Sandali lamang,” ani Sining, na dali daling kinuha mula sa amo ang mga damit at isinampay sa ginawang sampayan. Agad hinubad ni Sining ang sariling kamiseta, maging ang salawal at kamison, at isinama ito sa mga damit ni Ophelia. Nilatag ni Sining ang sariling palda, na manuyo-nuyo na, sa tabi nang nilikhang apoy. Niyakap ni Ophelia ang sarili at naupo sa tabi ng apoy sa ibabaw ng palda ni Sining, samantalang tumakbo naman ang dalaga patungo sa tampiping kanilang baon. Kinuha niya roon ang isang kumot na kulay asul.

Niyakap ni Ophelia ang sarili nang mahigpit at inilapit ang katawan sa apoy. Patuloy na nangatal ang kaniyang mga ngipin at siya’y napapikit nang maramdaman ang mainit na kumot na inilatag ni Sining sa kaniyang harapan. Tinanggal ng dalaga ang pagkakayakap sa sarili at kumapit sa asul na kumot. Dalawang maiinit na bisig ang kumulong sa kaniyang katawan, at naramdaman niya ang katawan ni Sining sa kaniyang likuran.

“Patawarin mo ako’t natagalan ako sa paghahanap ng tuyong kahoy. Nagtagal ka rin tuloy sa mga basa mong damit,” ani Sining. Mula sa likuran, niyakap niyang lalong mahigpit ang kaniyang amo at hinimas himas ang nangingilabot na mga braso nito.

“Gagamitin ko ang init ng aking katawan upang painitan ka. Lumapit ka pa sa apoy,” utos ni Sining. Inilapit nilang dalawa ang kanilang mga katawan sa apoy. Kinuha ni Sining ang mapuputing daliri ni Ophelia na patuloy na nanginginig, at ipinagdaop ang mga ito sa sariling mga kamay. Naramdaman ni Sining na dahan-dahang humulma sa hubog ng sarili niyang katawan ang katawan ni Ophelia na kanina’y naninigas. Ilang butil ng pawis ang namuo sa noo ng dalaga nang maalalang hubad na katawan ng kaniyang amo ang nakakulong sa kaniyang mga bisig. Ilang minutong nanatili sa ganitong posisyon ang dalawa hangga’t sa tumigil ang panginginig ng katawan ni Ophelia.

“Sining,” mahinang panimula ni Ophelia.

“Ayos ka na ba?,” tanong ni Sining, hawak pa rin ang mga kamay ng amo.

“Napakakinis pala ng iyong kutis,” sagot ni Ophelia. Nilingon niya mula sa kaniyang likuran si Sining at ginawaran ng isang matamis na ngiti.

“Mukhang maayos na nga ang iyong kalagayan. Nagbibiro ka na naman,” sagot ni Sining. Sinuklian din ng dalaga ng isang ngiti ang kaniyang amo. Muling nakita ni Sining ang kaniyang sarili sa napakalapit na posisyon sa mukha ng amo, at tulad kanina, higit na tumingkad ang bawat liko ng mukha ni Ophelia. Nakangiti niyang pinagmasdan ang abuhing mga mata ni Ophelia, ang mga labing nanunumbalik na ang pagkapula, pababa sa maputing leeg at hubad na likuran. Nabura ang ngiti sa mukha ni Sining.

Ang kanina’y akala ni Sining na hindi matapos tapos na maputi at makinis na kutis ay tila dinumihan ng mga pasa at marka ng kalmot. Isang malaking pahabang peklat ang nakita ni Sining sa kaliwang balikat ng amo, at kaniya itong hinawakan, hinimas niya ang balat ni Ophelia pababa hanggang sa isang malaking asul na pasa sa taas ng kaliwang balakang.

“Aray!,” napahiyaw si Ophelia nang tamaan ng daliri ni Sining ang pasa.

“Bago lamang ito, Ophelia. Bakit napakarami mong latay at pasa?” tanong ni Sining. Biglang nanigas si Ophelia sa kaniyang mga bisig.

“Wala iyan, Sining, huwag mong alalahanin, nahulog lamang ako sa hagdan isang araw bago ka dumating sa bahay,” sagot ni Ophelia, sabay tayo mula sa kinauupuan. Agad nadama ni Sining ang lamig ng simoy ng hangin sa gitna ng kagubatan ng tumayo si Ophelia. Tumambad kay Sining ang hubad na likuran ng amo, ang kanina’y perpektong balat ay tila namantsahan ng pasa, latay at kalmot sa bawat sulok.

“Ophelia, may mga kalmot ka, hindi iyan mukhang galing sa pagkakahulog,” ani Sining. Kinunot ng dalaga ang noo ng hindi siya hinarap ng amo. Pinanood niya si Ophelia habang sinasalat nito ang kanilang damit na pinatutuyo sa ibabaw ng apoy.

“Halos tuyo na ang iyong kamiseta, Sining,” sagot ni Ophelia.

“Ophelia, tinatanong ko kung saan nanggaling ang iyong mga pasa at sugat,” iginiit ni Sining. Mula sa kinauupuan, narinig niyang bumuntong hininga ang kaniyang amo. Nilingon siya ni Ophelia na may ngiti sa kaniyang mga labi.

“Sining, mukhang tuyo na nga ang iyong kamison,” ani Ophelia, sabay tanggal sa kamiseta ng lingkod mula sa sampayan. “Magbihis ka na at baka mabusog pa ako katititig sa iyo. Nagugutom pa naman na ako.”

Bumuntong hininga rin si Sining at kinuha ang kamison mula sa kamay ng amo na kaniyang isinuot. Tumayo siya at ipinagpag ang palda na kanilang inupuan, at siya namang ibinilad sa sampayan.

“Kung gayon ay ihahanda ko na ang ating pananghalian. Isuot mo na ang iyong damit pagkatuyong pagkatuyo nito,” sagot ni Sining. Inilatag niya ang asul na kumot sa tabi ng apoy. Matapos nito’y naglakad siya patungo sa kinaroroonan ng nakabukas na tampipi.

Isang malungkot na tingin ang iginawad ni Sining kay Ophelia, bago ito yumuko at naghanda ng makakain.

8 responses »

  1. salamat sa tiyaga sa pagsusulat🙂 inaabangan ko talaga ito! At congrats sa iyong buhay pag-ibig, yihee!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s