Sobre Rojo (Episode 5): Ang mga Kamay ni Ophelia

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

This chapter is boring, I see it as a bridge to the next one, which will be more exciting.

The episodes are compiled in the Shows tab.

Nanatiling dilat ang mga mata ni Sining sa gitna ng madilim niyang silid. Itinaas niya ang isang daliri upang abutin ang saraduhan ng bintana sa tabi ng kaniyang kama at silipin ang posisyon ng buwan sa itim na kumot ng langit. Batid niyang halos tatlong oras na siyang paikot ikot ng posisyon sa kutson, ang kobre kama nito’y tila binagyo na sa patuloy na paggalaw ng may-ari, at ang mga punda’y nabasa na nang malamig niyang pawis.

Pinunasan ni Sining ng isang kamay ang kaniyang noo at nagpaypay sa sarili. Sa hindi na mabilang na pagkakataon, inulit niya sa kaniyang isip ang plano ng kilusan na iniatas sa kaniya. Maliwanag ang sinabi ng kaniyang tiyuhin. Bibigyan si Sining ng hudyat tatlong araw bago pumutok ang himagsikan, at lilinlangin niya ang kaniyang alaga upang dalhin ito sa isa sa mga bahay na pinagkukutaan ng Katipunan sa Bulakan at doon ito dadakpin. Gagamitin nila si Ophelia upang makipagnegosasyon sa ama nito para sa ikabubuti ng kilusan.

Bago pa man niya magampanan ang yaong tungkulin, batid niyang marapat muna niyang kaibiganin ang amo at kunin ang tiwala nito. Mukhang hindi naman mahihirapan ang dalaga, sapagkat si Ophelia na mismong ang kusang lumalapit sa kaniya. Nakita ng mata sa isip ni Sining ang wangis ng dalaga. Ang mga abuhing mata nito ay halos kapareho ng sa larawan ng kaniyang ina, bagama’t tila mas marami nang narating at nakita, at naliligiran ng kay habang mga pilik na wala ng mas kakapal pa. Ang maputi at malarosas nitong pisngi, samahan pa ng mapupulang labi at nang matangos na ilong ay lumikha ng itsurang kaiba sa nakasanayan ni Sining sa pang-araw araw niyang buhay. Sa labing-anim na taon na kaniyang inilagi sa mundo, batid niyang si Ophelia na ang pinakamagandang babae na kaniyang nakita.

Tumayo si Sining sa pawisan na niyang kutson at tumungo sa lamesita sa tabi nito. Nagsindi siya ng isang puting kandila at tumanaw sa maliit na pabilog na salamin na nakapatong sa doon. Pinagmasdan niya ang sariling mga mata; bilugan, kayumanggi, at halos walang pilik na naliligid. Maitim at magaspang ang kaniyang mga pisngi, at ang mga labi’y namumutla. Pilit na hinanap ng dalaga ang gandang maaaring nakikita ni Lucas, at sa mga kaunting sandaling halos nakikita na niya ito, agad itong maglalahong parang bula sa likod ng imahe ni Ophelia sa kaniyang isip.

Magkagayunpaman, hindi sa ganda ni Ophelia nagmumula ang pagkamangha ng dalaga sa among dapat kinamumuhian. Hinipan ni Sining ang kandila at tumungo sa pintuang nagdudugtong sa kaniyang silid at sa silid ni Ophelia, at ito’y binuksan ng dahan dahan. Sinilip ni Sining ang imahe ng babaeng nakahimbing sa kama. Ang kulay pulang kulambo ay nakaligid sa katawang taas baba ang galaw sa paghinga. Bagama’t malaki ang kama ni Ophelia, nanatili itong nakahiga sa kaliwang bahagi, at halos mahulog na sa gilid. Ipininid ni Sining ang pinto at marahang naglakad patungo sa amo.

Pinagmasdan ni Sining si Ophelia na natutulog. Nakatagilid ito, at matigas ang pagkakakapit sa puting unan na niyayakap. Sa kaniyang posisyon sa harap ng nahihimbing na amo, muling nakadama si Sining ng kakaibang kapangyarihan. Gaya ng kanina, pakiramdam ng dalaga ay hawak niya sa kaniyang kamay ang kapalaran ng insulares sa kaniyang harapan; habang natutulog ito, magagawa niya ang lahat ng uri ng paghihiganti na kaniyang maisip. Muling napuno ang puso ni Sining ng galit at poot sa mga kakulay ng amo na nagpahirap sa kaniyang mga kalahi. Nang hindi napapansin, ipinorma ni Sining ang kamay sa mga kamao. Tinitigan niya ang amo mula paa hanggang ulo, at natigilan nang makita ang kamay ni Ophelia na mahigpit ang pagkakakapit sa kumot na lukot na lukot na. Agad napaluhod si Sining nang makita ang kamay ni Ophelia na nanginginig.

Sa wakas ay naisip na ni Sining kung bakit siya namamangha sa amo; ang mga kamay nito. Una pa lamang niyang makita ang dalaga, ang mga mapuputing kamay na ni Ophelia ang bumati sa kaniya. Ginulat siya ng mga ito ng hilutin ng mga ito ang kaniyang pilay, nahiwagaan siya sa paggalaw ng mapuputing daliring natalamsikan ng pintura sa ibabaw nang kayumanggi niyang balat. Ang mahihiwagang mga daliri rin ni Ophelia ang nagawang makabuo ng isang matapat na larawan ni Sining, isang larawang ang ganda ay kailanman hindi nakita ng dalaga sa kaniyang sarili. Kanina lamang, hindi siya iniwan ng kamay ni Ophelia habang tinitiis ang lamig at dilim nang mahabang pagdarasal.

Hindi natiis ng dalaga na nakikitang nanginginig kamay ng kaniyang amo, gaya ng kaninang hindi niya natiis na makitang narumihan ito ng alikabok. Hinawi ni Sining ang kulay pulang kulambo at pinagmasdan nang mabuti ang dalaga. Nakakunot ang noo nito kung saan namumuo na ang gamunggong pawis. Napansin din niyang hindi pantay ang paghinga ng dalaga. Iniangat ni Sining ang isang hintuturo at dahan-dahang hinimas ang likod ng kamay ni Ophelia na matigas ang pagkakakapit sa kumot at nanginginig, bago niya tuluyang ipinatong ang kamay sa ibabaw nito. Tila baga kanina pa ito hinihintay ni Ophelia, sapagkat sa oras na dumampi ang palad ni Sining sa likod ng kaniyang kamay, agad na lumuwag ang pagkakakapit niya sa kaniyang kumot, at tumigil ang panginginig nito. Kinuha ni Sining ang pagkakataong iyon upang isilid ang sariling mga daliri sa pagitan ng mga daliri ng amo. Gamit ang himlayan ng manggas sa isang kamay, pinunasan niya ang mga butil ng pawis na nunukal sa noo ni Ophelia at hinimas ito ng hinlalaki hanggang sa mawala ang kunot na naroroon. Hindi nagtagal, naging pantay na rin ang paghinga ni Ophelia.

Sinamahan ni Sining si Ophelia ng ilang sandali, patuloy na hinihimas ng isang kayumanging hinlalaki ang balat ng kamay na kaniyang hawak hawak. Nang marinig ang unang pagtilaok ng manok, malungkot na binitawan ng dalaga ang kamay na nagpamangha sa kaniya, at dahan dahang bumalik ng kaniyang silid.
____________________________________________

Maya maya pa, nagising si Sining sa kirot na nadama sa kaniyang hita. Naalimpungatan ang dalaga, at tuluyan ng namulat ang kaniyang diwa sa paghihiyaw ng isang matanda sa kaniyang silid. Agad bumangon ang dalaga at nakita ang mayor doma sa harap ng kaniyang kama, nakapamewang, may hawak na walis tambo sa isang kamay, at galit na galit.

“Ano ka ba naman, Sining?! Aba’y hindi ka na nahiya! Alas otso na’y hindi ka pa bumabangon! Nauna pang nagising kaysa sa iyo ang Senyorita at natapos na rin siyang mag-almusal ay hindi ka pa bumabangon! Aba’y sa tingin mo ba’y ipag-iinit pa kita ng tubig na pantimpla sa iyong kape? Aba Sining, namumuro ka na sa akin!,” bulyaw ni Hermana Amparo.

Biglang bumukas ang pintuan sa paanan ng kama ni Sining at dumungaw si Ophelia.

“May problema po ba dito?,” ang mahinhing sambit ng dalaga. Nakita ni Sining na bagong paligo si Ophelia, basang basa ang kayumangging buhok na umabot sa kaniyang likuran. Agad hinanap ng mata ng dalaga ang mga kamay ng amo at nakita niyang nabura na rin ang pintura sa mga daliri nito.

“Ginigising ko lamang po ang inyong lingkod. Nakahihiya pong kayo pa ang naunang gumising sa kaniya,” ani Hermana Amparo.

“Pasensiya na po kayo, Hermana Amparo, ako po ang may kasalanan. Inabot po kami ni Sining ng alas tres ng umaga kalalaro ng baraha kaya po tinanghali na siya ng gising,” sagot ni Ophelia.

“Hindi po iyon dahilan upang gumising ng tanghali si Sining. Hindi na po niya nagampanan ang mga tungkulin niyang magdala ng inyong almusal, mag-init ng inyong pampaligo at ang bihisan kayo. Sayang naman po ang ibinabayad sa kaniya,” sagot ni Hermana Amparo.

“Huwag po kayong mag-alala, sa susunod ay alam na ni Sining na dapat ay dumidiretso na siya sa pagtulog at hindi ang kung ano ano pa ang ginagawa,” ani Ophelia. Kinindatan niya si Sining ng makitang hindi nakatingin ang mayor doma.

“O siya, Sining, palalampasin ko ang pangyayaring ito dahil kay Senyorita Ophelia, ngunit sa susunod na pumalpak ka ay irerekomenda ko kay Don Arturo na palayasin ka na dito. At dahil nahuli ka nang gising, wala ng almusal para sa iyo,” ani Hermana Amparo kay Sining. Humarap ang matanda kay Ophelia at yumukod bago nilisan ang silid.

Tumayo si Sining sa kaniyang kama at lumapit kay Ophelia. “Pasensiya ka na, hindi ako madalas na ganito, sadiyang hindi ako nakatulog kagabi dahil siguro sa hindi pa ako sanay sa bago kong silid.”

“Walang problema sa akin, Sining, dapat pa nga akong magpasalamat sa iyo. Ngunit kapag si Hermana Amparo ang iyong nakanti, hindi ko alam ang maaaring gawin ng aking ama, at hindi ko na iyon mapipigilan pa kahit gaano ko kagusto na ikaw ay narito, kaya mag-iingat ka,” sagot ni Ophelia.

“Dapat ipagpasalamat sa akin? Ano ang iyong dapat ipagpasalamat? Ako nga itong kay rami ng utang na loob sa iyo,” tanong ni Sining.

“Kagabi. Salamat at hindi mo ako iniwan at hinawakan mo ang aking kamay. Hindi ko na maalala pa ang aking panaginip ngunit batid kong isa itong bangungot,” ani Ophelia na nakangiti.

“Hindi ko maintindihan, Ophelia. Magdamag lamang ako sa aking silid at paikot-ikot sa aking kutson. Wala akong maalalang sinamahan kita, pasensya na. Maaaring bahagi ito ng iyong panaginip?,” pagsisinungaling ni Sining. Agad itong pinagsisihan ng dalaga nang makita niyang nabura ang ngiti sa mukha ng amo.

“Ganoon ba? Maaari ngang panaginip lamang. Sige, Sining, iligpit mo na ang iyong kama at pumunta ka sa aking silid, tinirhan kita ng almusal,” ani Ophelia. Kinabig niya ang pintuan sa pagitan ng dalawang kuwarto ng walang isa pang salita mula sa nakasimangot niyang mga labi at naiwan si Sining sa kabila na may pagsisisi.
___________________________________________

Nakaupo si Sining sa may lamesita sa tabi ng bintana ng silid ni Ophelia habang pinanonood ng amo. Katatapos lamang niyang kainin ang kakaibang tinapay sa pinggan sa kaniyang harap at may dalawa pang natira. Ang isa sa mga tinapay na natira ay hugis parisukat at mayroong kulay asul na maliliit na prutas sa ibabaw, at ang isa naman ay ganoon din ang itsura ngunit kulay pula na mga prutas naman ang mayroon. Ang tinapay na kakaubos lamang niya ay hugis pamaypay, at may palamang karne sa loob.

“Nagustuhan mo ba?,” tanong ni Ophelia. Nakahalukipkip ang amo at nakatayo sa kaniyang harapan, may kunot sa noo. “Pasensiya ka na, iyan ang ibinigay na almusal sa akin, galing pa yan sa isang bapor mula sa Espanya. Kung may kanin lamang sana ay ipagtitira kita. Hindi rin naman ako marunong magluto.”

“Huwag kang mag-alala, Ophelia. Nagustuhan ko. Kakaiba ang kaniyang lasa, sapagkat pandesal lang naman ang tanging tinapay na nakakakain ko. Ano ang tawag dito?,” tanong ni Sining.

“Iyong huli mong kinain ay tinatawag na empanada. Sa tingin ko ay manok ang palaman sa loob. Iyang natitirang dalawa ay pawang prutas ang nasa ibabaw, hindi ko alam ang tawag diyan sa tagalog, ngunit ito,” ani Ophelia, sabay turo sa tinapay na may kulay pulang prutas sa ibabaw, “ito ang paborito ko.”

“Kung gayon ay maghati tayo?,” alok ni Sining. Napangiti si Ophelia, kinuha ang nasabing tinapay sa sarili niyang mga kamay at hinati iyon, ibinigay ang mas malaking bahagi kay Sining. Kinuha ito ng dalaga sa mga kamay ng amo, di sinasadyang nasagi ng kaniyang daliri ang mapuputing daliri ni Ophelia, at kamuntik pa niyang mahulog ang piraso ng tinapay. Mabuti na lamang at agad niya itong nasalo. Natawa si Ophelia sa nakita, at hindi na natanggal pa ang ngiti sa kaniyang mga labi.

Isinubo ni Sining ang tinapay at agad niyang naintindihan kung bakit paborito ito ni Ophelia. Malambot ang loob ng tinapay ngunit malutong ang labas nito. Sa pagkagat ni Sining sa pulang prutas sa ibabaw, nalasahan niya ang saktong paghahalo ng tamis at asim. Hindi napigilan ni Sining na mapangiti sa amo.

“Nagustuhan mo?,” muling tanong ni Ophelia. Itinango na lamang ni Sining ang sagot sapagkat ninanamnam pa niya ang tinapay na kasalukuyang nginunguya. Isinubo ni Ophelia ang bahagi niya ng paboritong tinapay at naglakad patungo sa kaniyang kama. Pinagmasdan siya ni Sining ng siya ay yumuko at may kinuha sa ilalim ng kama. Inilabas ni Ophelia ang isang larawan at ipinakita ito kay Sining.

“Kung gayon, sana ay magustuhan mo rin ito,” ani Ophelia, hawak hawak ang larawan ni Sining na kaniyang ipininta. Halos mabulunan si Sining nang makita kung gaano kaganda ang likha ng amo. Nang sandaling iyon naintindihan na niya kung bakit nag-aaksaya ng panahon si Ophelia sa pagpipinta. Ang haba ng oras na inaksaya sa isang bagay ang siyang nagbibigay halaga rito. Tila may lumipad sa loob ng dibdib ni Sining nang makitang pinag-aksayahan siya ng panahon ng kaniyang amo, at na naging maganda ang bunga nito.

“Napakaganda, Ophelia. Ngunit hindi na ako iyan,” sagot ni Sining nang buong mangha.

“Ano, hindi mo ba kawangis? Nagkamali ba ako saan man?,” tanong ni Ophelia na nag-alala.

“Hindi, hindi ka nagkamali, ngunit masyadong maganda ang babaeng iyan upang maging ako,” sagot ni Sining. Tumayo siya mula sa lamesita upang makita nang malapitan ang larawan.

“Sining, ipininta ko lamang kung ano ang aking nakikita, walang labis, walang kulang,” ani Ophelia na iniabot ang larawan kay Sining.

“Ngunit, hindi maaari na ito ang iyong nakikita,” bulong ni Sining na nakatingin pa rin sa kaniyang larawan.

“Anong magagawa ko, malinaw ang aking mga mata, Sining,” ani Ophelia na nagkibit-balikat. Kinuha niya ang larawan mula kay Sining at ibinalik sa ilalim ng kaniyang kama.

“Magpapalagay ako ng pako kay Manong Pedro sa pader ng iyong silid upang maisabit natin ang iyong larawan,” ani Ophelia. “Sa ngayon, itago muna natin.”

Tumango na lamang si Sining. Tumayo si Ophelia sa kaniyang harapan at tinitigan ang kaniyang mga matang hindi niya namamalayan na namumugto na. Napapikit si Sining ng dumampi ang kaliwang hinalalaki ng amo sa kaniyang pisngi at pinunasan ang luhang tumulo roon.

“Sining, tumingin ka sa akin,” ani Ophelia na nakayuko ng bahagya sa dalagang mas maliit sa kaniya. Binuksan ni Sining ang mga mata at nakita ang repleksyon sa abuhing mga mata ng amo. Bumaba ang kamay ni Ophelia na nasa pisngi ni Sining, patungo sa kamay ng utusan. “Subukan mong tumingin sa salamin na sarili mo lang ang iyong nakikita, baka makita mo rin ang nakikita ko ngayon.”

Binigyan ni Ophelia ng isang ngiti si Sining, piniga ang kamay nito bago bumitaw at nagtungo sa kaniyang aparador. Pinunasan ni Sining ang sariling mga mata habang nakatalikod ang amo.

“Maghanda ka ng sombrero, Sining, lalakad tayo,” ani Ophelia. Naglabas ang dalaga ng isang puting sombrero na may adornong pekeng rosas. Ang gilid ng sombrero ay binurdahan ng imahe ng mga nagliliitang dahon at bulaklak sa pulang sinulid.

“Ngunit wala akong sombrerong baon, Ophelia. Halos katawan ko lang ang bitbit ko nang magpunta ako dito,” sagot ni Sining.

“Walang problema,” sagot ni Ophelia sabay tingin sa sombrerong hawak. “Ito ang isuot mo.”

“Ngunit Ophelia, masyadong magara ang sombrerong ito,” pagtanggi ni Sining.

“Kaya nga alam kong babagay sa iyo,” ani Ophelia, sabay kindat. Kinuha ni Sining ang sombrero mula sa mga kamay ng amo at pinagmasdan ito. Muli siyang tinalikuran ni Ophelia at naghalungkat sa aparador. Ilang sandali pa ay naglabas ang dalaga ng isang sombrerong kulay berde. Payak lamang ito at hindi naadornohan ng kahit anong burda ni bulaklak.

“Iyan ang isusuot mo?” tanong ni Sining.

“Oo,” ani Ophelia. Isinarado ng dalaga ang aparador at humarap kay Sining.

“Tulungan mo naman ako, pakilagay naman iyang blankong kuwadro,” ani Ophelia, sabay turo sa isang kuwadrong puti sa paanan ng kaniyang kama. “Pati na ang ilang lapis na nakapatong sa aking lamesita sa maliit na tampipi. Kunin mo ang tampipi sa ilalim ng aking kama.”

“Walang problema, Ophelia,” ani Sining. Ipinatong muna ng dalaga ang hawak na sombrero at ginawa na ang ipinag-uutos ng amo.

“Sabagay,” bulong ni Sining na nakayuho sa may paanan ng kama at inaabot ang tampipi.

“Ano iyon, Sining?,” tanong ni Ophelia. Isinilid ng dalaga ang tinapay na natira mula sa almusal ni Sining sa isang papel na supot.

“Hindi mo na kailangan pang magsuot ng magarang sombrero. Sapat na–mali, lubos na ang ganda ng iyong mukha,” sagot ni Sining. Nangiti ang dalaga nang makitang namula ang pisngi ng kaniyang amo.

“Kung gayon, Sining, kakailanganin mo nga ng magarang sombrero,” sagot ni Ophelia. Yumuko si Sining, sinubukang itago ang sakit na nadama sa sinabi ng amo. Narinig niya ang mala-anghel na halakhak ni Ophelia at ang mga yabag nito na palapit sa kaniya. Isang maputing hintuturo ang nag-angat sa mukha ni Sining.

“Dahil mahihiya ang anumang payak na sombrero na pumatong sa ganiyan kagandang mukha,” ani Ophelia na nagkibit-balikat. Hindi na napigilan pa ni Sining ang ngiti sa kaniyang mga labi.

“Saan ba ang punta natin?,” ani Sining nang makita na ang tampipi.

“Sa gubat ng San Matias,” ani Ophelia na nag-ayos ng buhok sa harap ng kaniyang mahabang salamin. Itinali ng dalaga ang mahaba niyang kayumangging buhok at ipinusod sa likuran ng kaniyang ulo. “May hinahabol akong ibon, ang bispon. Nakakita na ako sa mga aklat ngunit nais ko sanang makita nang harapan upang aking maiguhit.”

“Ngunit hindi ba napakailap ng bispon, at sa gabi lamang ito lumalabas?,” tanong ni Sining.

“Alam ko, ngunit subukan pa rin natin. Masyado ng delikado kung papasok tayo sa gubat ng gabi, at hindi ko na rin makikita ang tunay na kulay ng bispon,” sagot ni Ophelia.

“Kung gayon ay paano tayo pupunta, nagpaalam ka na ba kay Don Arturo na tayo’y aalis?,” tanong ni Sining. Isinilid niya ang blankong kuwadro at ilang lapis sa tampipi.

“Susunduin tayo ng kutsero at magpapahatid tayo hanggang sa San Matias. Doon na tayo bababa at maglalakad na lamang patungo sa gubat. Naipaalam ko na rin to sa aking ama. Ang sabi ko ay inaya ako ni Camilo de Guzman na makita ang mga bukirin ng kaniyang pamilya sa San Matias at na isasama kita bilang bantay,” sagot ni Ophelia. Iniabot niya ang supot ng tinapay kay Sining upang maisama sa tampipi.

“Hindi ka ba mabubuko niyan ng iyong ama?,” pag-aalala ni Sining.

“Hindi. Sinabi sa akin ni Camilo sa liham niya na iyong hinatid na siya’y aalis muna at sa isang linggo pa babalik. Walang nakaaalam kung saan siya nagpunta kaya hindi na malalaman pa ng aking ama kung siya nga ang kasama ko o hindi,” sagot ni Ophelia.

Inipit ni Sining ang tampipi sa ilalim ng kaniyang braso at humarap sa amo.

“Handa ka na ba?,” tanong ni Ophelia.

“Sandali lamang,sagot ni Sining. Nilisan niya ang kuwarto ni Ophelia upang pumunta sa sarili niyang silid. Kinuha ni Sining mula sa sarili niyang tampipi ang isang maliit na balisong na iniregalo sa kaniya ni Lucas at ipinakita ito sa amo na nakatayo sa may pintuan.

“Baka kailanganin natin,” ani Sining, at isinilid ito sa bulsa ng palda. Tumango si Ophelia at iniabot ang isang kamay sa utusan. Tinitigan ito ng dalaga bago bumuntong hininga at kinuha sa isa pa niyang kamay na hindi hawak ang tampipi. Lumabas ang dalawa sa silid ni Sining na magkadaop palad, palabas sa kuwarto ni Ophelia, at sa madilim na bulwagan. Huminto ang dalawa sa taas ng puting marmol na hagdanan. Nakita ni Sining na naghihintay sa ibaba nito ang mayor doma ng bahay at agad niyang binitawan ang kamay ni Ophelia.

“Ito na po ang baon ninyong pananghalian at ang tubig,” bati ng mayor doma nang makababa na ang dalawa sa hagdanan. Iniabot niya ang isang papel na supot kay Sining at isang malaking lalagyan ng tubig.

“Nandoon na po ang kutsero sa may labasan. Ang hindi ko lamang po maintindihan ay kung bakit hindi pa si Senyorito Camilo ang susundo sa inyo,” sambit ng mayor doma.

“Hermana Amparo, itanong niyo na lamang po iyan sa susunod na makita ninyo si Camilo de Guzman,” ngiti ni Ophelia sa matanda. “Kailangan na po naming umalis ni Sining sapagkat hinihintay na kami ni Camilo sa San Matias.”

“Sigurado po ba kayo na si Sining ang nais ninyong maging tagabantay ninyo sa pakikipag-ulayaw kay Senyorito Camilo?,” ani Hermana Amparo na tumingin ng masama kay Sining.

“Huwag kayong mag-alala, maginoo si Camilo at kaibigan siya ng aking ama kaya’t sigurado akong wala siyang gagawing masama sa akin. Ligtas ako kay Sining,” ani Ophelia. Hinawakan niya ang braso ng matanda bago tuluyang bumaba ng sahig.

Sinundan siya ni Sining hanggang sa harapang pintuan ng bahay na nakabukas na. Sa labas ng itim na tarangkahan ay naghihintay ang isang magarang karwahe na nakakabit sa isang itim na kabayo. Ipinagbukas ng matandang kutsero ng pintuan si Ophelia at iniabot niya ang kulubot niyang kamay sa dalaga upang tulungan itong sumampa sa karwahe, ngunit hindi ito kinuha ng senyorita na piniling humawak na lamang sa may bintana ng sasakyan. Sunod na sumakay si Sining. Inilapag niya ang tampipi at ang kanilang mga baon sa paanan ng karwahe habang siya ay tumabi sa amo.

Walang imik si Ophelia nang magsimulang tumulak ang karwahe pababa ng tulay sa tapat ng bahay ng alcalde mayor. Nadaanan nila ang palengke at ang katedral na hindi gaanong matao sapagkat hindi naman araw ng Linggo. Naging mabilis rin ang takbo ng karwahe sapagkat walang gaanong sasakyan sa maalikabok na daan.

Ilang maliliit na bahay at dalawang baranggay ang kanilang nadaanan nang magsalita si Ophelia.

“Sa susunod ay huwag mong kukunin ang aking kamay kung kaya mo lamang din bitawan ng ganoon na lang,” ani Ophelia na nakatingin sa labas ng bintana ng karwahe. Pinagmasdan ni Sining ang mukha ng among nakatalikod sa kaniya at naalala ang eksena sa ibabaw ng hagdanan.

“Pasensya ka na, ayaw ko lamang na makita ni Hermana Amparo na masyado tayong nagiging malapit. Baka kung ano na naman ang isipin niya,” sagot ni Sining. Nilingon siya ni Ophelia na may malungkot na ngiti sa kaniyang malarosas na mga labi.

“Naiintindihan ko, patawarin mo ako, Sining. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang aking pagtatampo. Malaya ka namang gawin kung ano ang gusto mong gawin, maaari mong bitawan ang kamay ko kahit kailan,” sagot ni Ophelia. Batid ni Sining na marami pang nais sabihin ang dalaga ngunit hindi na niya ito hinalungkat pa at piniling manahimik na lamang.

Malapit ang San Matias sa Malolos at inabot lamang ng kalahating oras ang kanilang biyahe. Matapos madaanan ang ilang mahahabang bukirin ng palay, unti-unting bumagal ang takbo ng karwaheng kanilang sinasakyan hanggang sa ito ay tuluyang huminto.

Pinulot ni Sining ang tampipi at ang supot ng kanilang pananghalian habang kinuha naman nang hindi pa umiimik na si Ophelia ang lalagyan ng kanilang tubig. Binuksan ni Sining ang pintuan ng karwahe at naunang bumaba sa amo. Lumipat ang ilang alikabok ng daan sa suot niyang tsinelas.

Nakakapit na si Ophelia sa may bintana ng karwahe at handa nang bumaba mag-isa namg makita ang kamay ni Sining na nakaabang sa may pintuan.

“Halika na, Ophelia,” alok ni Sining nang nakangiti. Ibinaling ng amo ang kaniyang ulo sa kaliwa at itinaas ang isang kilay. “Huwag kang mag-alala, hindi kita bibitawan.”

Ngumiti si Ophelia, kinuha ang kamay ni Sining, at bumaba sa tapat ng gubat ng San Matias.

4 responses »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s