Sobre Rojo (Episode 4): Ang Pagkatok ni Ophelia

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

Here is the promised update. I’m so sorry that the gap between this episode and the last was long. 

The episodes are compiled in the Shows tab.

Ilang minutong pinanood ni Sining ang banayad na paggalaw ng mga balikat ng kaniyang amo habang kinukulayan nito ang mga puwang sa kaniyang larawan. Tumila na ang ingay ng sigawan ng mga tao sa palengke sa labas, at ang kulay kahel na sinag nang palubog na araw ay kumumot sa binarnisang tabla ng kahoy na sahig. Hinimas ni Sining ang kaniyang palda sa kawalang magawa at naramdaman niya ang matulis na sulok ng isang sobre na nasa kaniyang bulsa.

Inilabas ni Sining ang sobre na kulay pula; ang liham ni Camilo para kay Ophelia.

“Señorita,” ani Sining. Humawak siya sa isang inukitang poste ng kama ni Ophelia at dahan dahang tumayo. Nagalak ang dalaga nang madiskubreng hindi na gaanong kumikirot ang kaniyang paa.

Nilingon ni Ophelia si Sining nang marinig niya ang mahinang tinig nito sa gitna nang padilim na silid.

“Sining, ilang beses ko bang sasabihin, Ophelia ang aking pangalan,” ani Ophelia na bumuntong hininga. Nilapag niya ang hawak na pinsel sa silya sa tabi ng larawan at lumakad patungo sa kama. Nakita ni Sining na halos tapos na ang larawan. “Ano iyang hawak mo?”

“Liham po ni Senyorito Camilo sa inyo. Para sa mga mata niyo lamang,” sagot ni Sining. Iniabot niya ang pulang sobre sa mapuputing daliring natilamsikan ng pintura. Pinunit ni Ophelia ang gilid ng sobre gamit ang kanyang ipin, walang pagpapahalaga sa maayos na pagtitiklop na ginawa nang nagpadala ng liham.

Lumapit ang dalaga sa bintana upang basahin ang nakasulat sa puting papel. Nakatalikod siya kay Sining kaya’t hindi nito nakita ang kaniyang reaksyon. Maya maya pa’y itiniklop ni Ophelia ang liham ng may ingat, taliwas sa ginawa niyang pagbubukas dito.Isinilid niya ito pabalik sa pulang sobre at lumapit sa kaniyang aparador. Sa pagbukas ng dalaga sa mabigat na pintuan ng aparador ay nakita ni Sining ang ilang patong ng itim at asul na paldang nakatiklop ng maayos, at iba’t ibang kulay ng pang-ibabaw na inadornohan ng kumplikadong burda at isinabit ng maingat. Isinilid ni Ophelia ang liham sa pinakailalim ng bunton ng mga palda. Natawa siyang tumingin muli kay Sining.

“Sino ba si Camilo sa tingin niya? Gagawin kang tulay ng mga liham niyang puno ng pambobola na parang bang siya ay lihim kong nobyo. Akala ba niya’y maeengganyo ako ng isang liham na iniabot nang pasikreto? Anong mapusok sa isang sulat na walang kahirap hirap na ipinuslit?,” ani Ophelia na iniling ang kaniyang ulo. Muli siyang bumalik sa larawan ni Sining upang ipagpatuloy ang pagpipinta.

Nailang si Sining na makita ang kaniyang wangis na unti unting nagkakabuhay sa pamamagitan ng mga galaw ng daliri ng dalagang kinamumuhian. Ngunit hindi pa rin niya maitangging gusto niya ang nagiging kinalabasan ng sa tingin niya’y pagaaksaya ng panahon ng amo upang siya ay iguhit.

“Bakit po hindi ninyo bigyan ng pagkakataon si Señorito Camilo? Siya ay mabuting lalaki. Kung hindi dahil sana sa kaniya ay wala akong trabaho ngayon,” sinimulan nang subukan ni Sining na baguhin ang isip ng dalaga.

“Kung dahil diyan ay mapapasalamatan ko nga si Camilo. Ngunit hindi siya ang tipo ko ng lalaki,” sagot ni Ophelia habang nakatalikod sa dalaga.

“Kung gayon ano ang tipo niyo ng lalaki?,” tanong ni Sining. Nais niyang malaman ang hanap ng isang babaeng katulad ni Ophelia.

“Sa totoo ay hindi ko alam,” nilingon ni Ophelia si Sining. “Malalaman ko kapag nakilala ko na siya.”

Naalala ni Sining ang nobyong iniwan sa Laguna. Napatanong siya sa sarili kung si Lucas nga ba ang tipo niya ng lalaki. Ngunit batid niyang pareho sila ng sagot ng amo. Hindi rin alam ng dalaga kung ano ang uri ng lalaking maituturing niyang perpekto.

“Kung gayon, Ophelia-,” natigilan si Sining nang makitang siya ay hinarap ng amo ng may malaking ngiti sa mapupla nitong labi. Maging ang bilugang abuhing mata ng dalaga ay nakangisi rin.

“Ipagpatuloy mo lamang iyan,” ani Ophelia, pinanturo ang hawak na pinsel sa direksyon ni Sining.

“Ang alin po?,” pagtataka ni Sining.

“Ang tawagin ang aking pangalan,” sagot ni Ophelia. Pinagalitan ni Sining ang kaniyang sarili at iniyuko ang mukha sa hiya.

“Bihira kong marinig iyan sa bahay na ito. Parati na lamang señorita. Minsan nga ay iniisip ko kung bakit pa ako binigyan ng pangalan, o baka hindi lang talaga maganda ang tunog nito,” humalakhak si Ophelia sa sariling biro.

“Maganda ang iyong pangalan,” hindi na napigilan pa ni Sining na sabihin.

Nakipagtalo ang dalaga sa sarili; nagsasabi lamang siya ng totoo. Walang masama sa pagsasabi ng totoo, kahit na sa babaeng kaniyang kinamumuhian.

“Salamat,” tango ni Ophelia, sabay ngiti sa dalaga. Nagtitigan ang dalawa hangga’t sa isang katok ang bumasag sa katahimikan ng kwarto.

“Pasok,” ani Ophelia. Nakita ni Sining nang irapan ng dalaga ang pintuan. Bumukas ang pintuan sa silid ni Ophelia at dumungaw ang kulubot na mukha ng mayor doma ng bahay. Tila nagulat ito ng makita si Sining loob ng silid.

“Paumanhin, Señorita. Pinagsabihan ko po ang bago ninyong yaya na huwag kayong gagambalain hanggang hindi pa kayo nagkakakilala. Paumnhin po at sinuway niya ako,” ani Hermana Amparo.

Kumunot ang noo niya kay Sining na nakaupo sa kama ng kaniyang amo.

“Wala pong problema. Ako po ang naunang pumunta sa kaniyang silid. At magkakilala na po kami, hindi ba, Sining?,” nilingon ni Ophelia ang dalaga na itinango ang kasagutan.

“Mabuti po kung gayon,” ani Hermana Amparo sa amo. Tumuon ang kaniyang pansin sa dalagang nakaupo sa kama.

“Halika na, Sining. Alas sais na at magdadasal na tayo.” Agad na tumayo si Sining at naitukod ang kanang paa, nakalimutan ang pilay na kani-kanina lamang ay naroon. Muntik nang mabuwal ang dalaga kung hindi lamang dahil sa mabibilis na kamay ni Ophelia na agad humawak sa kaniyang mga braso.

“Ay nakong bata ka, nakahihiya kay Señorita Ophelia!,” sigaw ni Hermana Amparo. “Bakit napakalampa mo?.” Nakatalikod si Ophelia sa matanda, at tahimik na natawa sa napabulalas sa kaniyang bibig habang hawak pa rin si Sining.

“Ang sabi ko naman sa iyo, magdahan dahan ka,” bulong ni Ophelia, malayo sa pandinig ng mayor doma.

Nang nakatayo na ng tuwid, marahang binitawan ng amo ang lingkod.

“Hindi ka ba sasama sa amin?,” tanong ni Sining. Hndi niya alam kung bakit niya naitanong ang gayon. Inisip na lamang niyang mas gugustuhin niyang makasama ng isang oras sa pagdarasal ang babaeng kaniyang kinamumuhian kaysa sa isang matandang mayor doma.

“Bata ka, ano ba ang pinagsasasabi mo. At kailan naman sumama ang amo sa pagdarasal ng mga utusan! Aba’y mag-isip ka!,” pagalit ng mayor doma kay Sining. Nakatalikod ito sa amo kaya’t hindi niya nakikita ang mga nakalolokong mukhang ginagawa ni Ophelia sa likod ng kaniyang balikat. Hirap na hirap si Sining sa pagpigil ng kaniyang tawa sa mga biro ng amo. Agad na itinigil ito ni Ophelia ng harapin siya ng mayor doma.

“Paumanhin, Señorita, hindi ko napagsabihan ng mabuti ang inyong lingkod. Ako na po ang umaako ng kasalanan,” ani Hermana Amparo sa amo.

“Walang kasalanang kailangang akuin. Sige na Sining, sumama ka na sa kaniya,” tango ni Ophelia sa mayor doma. Hinawakan ni Hermana Olga si Sining ng mahigpit sa braso, tila balak pigilin ang daloy ng dugo nito, at halos kaladkarin ito palabas ng pintuan.

“Hinihintay po kayo ng inyong ama sa kaniyang silid upang doon naman ay magdasal,” ani Hermana Amparo.

“Susunod ako,” sagot ni Ophelia. Nakita ni Sining na nawala ang ngiti sa abuhing mga mata ng dalaga, bago tuluyang nagsara ang pintuan sa kaniyang mukha.

Sumunod ang dalaga sa matandang mayor doma sa madilim na pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay.

“Napansin kong hindi mo iginagalang si Señorita Ophelia. Ako na lubos ang tanda sa kaniya’y tinatawag siyang señorita,” hinarap ng matanda ang dalaga sa may bukana ng hagdanan.

“Siya po mismo ang may gusto noon. Pinagbibigyan ko lamang po,” sumagot si Sining sabay yuko.

“Tandaan mo, Sining. Hindi ka nandito upang makipagkaibigan, kaya’t huwag kang magambisyon na mas mataas ang iyong posisyon kaysa sa amin,” ani Hermana Amparo.

“Wala po kayong magiging problema sa bagay na iyon, ginagawa ko lamang po ang marapat upang mapalapit kay Senyorita Ophelia,” sagot ni Sining.

“Mabuti kung gayon, magkakasundo tayo,” ani Hermana Amparo. Tumalikod na ang matanda at bumaba ng hagdanan. Nanggigil si Sining sa pagpigil ng inis sa matanda. Di hamak nga na mas gugustuhin pa niyang makasama ang amo kaysa sa mayor doma.

Bumaba ang dalawa sa marmol na hagdan at dumaan sa engrandeng sala, kung saan naroon ang larawan ni Doña Guada. Muli itong sinulyapan ni Sining, at kaniyang napagtanto na may mga pagkakaiba rin sa itsura ang mag-ina. Higit na bata ang mukha ni Ophelia, mas mabait ang kaniyang ngiti, at ang kaniyang titig, higit na malalim ang pinaghuhugutan. Inakala ni Sining na magdarasal sila sa isa sa dalawang malaking altar sa may sala ngunit wala silang nadatnang tao roon. Sa halip, sinundan niya ang mayor doma patungo sa isang maliit na sulok sa malayong bahagi ng sala, kung saan naroon ang isang altar ng mahal na birhen na hindi niya napansin kanina. Nakaluhod na sa harap ang tatlong matatandang lalaki at apat na matandang babae, bawat isa ay may tangan na rosaryo. Dalawang kandila ang nakasindi sa tapat ng poon, at ang leeg nito’y sinabitan ng bagong biling sampagita.

Tumungo sa harapan mismo ng imahen ang mayor doma at doo’y lumuhod, samantalang nanatili sa likuran ang dalaga. Naghawak kamay ang mga utusan ng bahay, samantalang si Sining ay ibinuka na lamang ang kamay patungo sa langit sapagkat wala siyang kahilera.

“Ama namin, sumasalangit ka..,” pinamunuan ng mayor doma ang pagrorosaryo. Sumunod si Sining, kabisado niya ang mga dasal, bata pa lamang siya ay naituro na ng kaniyang ina ang ama namin, ang iba namang mga dasal at awit ay naituro sa kaniya ng mga asawang babae ng mga taga kilusan. Ginaya ni Sining ang bawat pag-awit ng mayor doma, bagaman sa sarili niya ay hinahanap pa niya ang kahulugan ng mga ito.

Dahil laging umaalis para sa misyon ang tiyuhing nagpalaki sa kaniya, natuto si Sining na sa sarili lamang umaasa. Hindi naman siya napababayaan sa Katipunan, ngunit lumaki si Sining na may sariling sikap na makuha ang mga pangangailangan sa pang-araw araw. Ito ang dahilan kung bakit madalang na magdasal si Sining at dumulog sa Diyos. Nanatiling nakadilat ang dalaga sa kahabaan ng Ama Namin, nagmamatyag, pinag-aaralan ang kilos ng mga kasamahan sa bahay. Magkakatabi ng salitan ang mga babae at lalaki, maliban sa kanilang mayor doma at isa pang babaeng utusan na siyang magkahawak sa harap. Hinuha ng dalaga ay mag-asawa ang mga ito, at tumanda na sa pagsisilbi sa bahay ng alcalde mayor. Isang huling sulyap sa mga napapanot at putiang anit, at sa mga bisig nilang magkakakapit, kulubot at nangitim na sa pagtatrabaho sa ilalim ng mainit na sikat ng araw, ang iginawad ng dalaga bago tuluyang pumikit at nakisalo sa pagdarasal.

“Aba ginoong Maria napupuno ka ng grasya, ang panginoong diyos ay sumasaiyo..”

“Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus,” tugon ni Sining. Ibinuka ng dalaga ang bibig upang muling tumugon nang may kamay na humawak sa kaliwa niyang nakabuka sa langit. Nagulat si Sining nang maramdaman ang sa kaniya’y nakipagdaop palad. Hindi na kailangang lumingon pa ang dalaga upang malaman kung sino ito. Sa malambot at makinis nitong palad na mainit sa kaniyang hawak, imposibleng isa siya sa mga utusan ng bahay. Tumingin si Sining sa kaniyang kaliwa at nakita ang kaniyang amo na sa kaniya’y nakangiti. Inilagay ni Ophelia ang isang mahabang daliri sa harap ng mapupula niyang labi upang hindi magsalita si Sining. Kinunot ng dalaga ang kaniyang noo, nalilito sa ginagawa ng amo. Sinuklian lamang siya ni Ophelia ng isang ngiti at kindat, bago humarap sa altar at pumikit. Pinagmasdan ni Sining si Ophelia na nakapikit, nanatiling nakatikom ang kaniyang mga labi, hindi tumutugon sa dasal upang papanatilihin ang lihim ng kaniyang presensya. Halos magpawis ang kamay ng dalaga habang hawak hawak ang kay Ophelia, at hiyang hiya siya sa namumuong pamamasa sa nagdikit nilang palad. Ngunit hindi niya magawang pagkalasin ang mga ito upang punasan; mahigpit ang kapit sa kaniya ng amo. Kaiba sa paghawak sa kaniya ng kanilang mayor doma na halos ipitin ang mga ugat niya sa braso, ang kapit ni Ophelia, ay hindi nakasasakit, bagaman ito’y matikas; nagsilbing kanlungan nang nangangawit na niyang braso. Nanginig ang mga balikat ni Ophelia, naiihi sa ginaw ng gabi, at nangiti si Sining. Gustuhin man niyang itanggi ay natutuwa siya sa itsura ng amo kapag nakapikit, magkahalik ang mga pilik na wala na atang hahaba pa. Mahaba-haba rin ang mga pilik mata ni Lucas, gaya ng isang babae, ngunit walang dadaig sa mga pilik-mata ni Ophelia. Tumuon ng muli si Sining sa altar ng mahal na birhen, at siya na ring pumikit.

Nanatiling magkahawak ang dalawa sa buong pagrorosaryo, magkalapat ang pareho nilang pawisan palad. Hindi makasabay ang dalaga sa dasal, pinakikiramdaman ang bawat pagkamot ng katabi, ang bawat mahinang buntong hininga, ang bawat marahang paghigpit ng hawak ng dalaga sa kaniyang kamay na maaaring nasa imahenasyon lamang niya. Tumagal ang dalawa sa gayong posisyon sa kahabaan ng pagrorosaryo, parehong pinipilit ituwid ang pagkakaluhod sa gitna ng madilim na sulok ng sala.

“Diyos at Panginoon namin, na ang bugtong na Anak Mo ay siyang ipinapagkamit namin ng kagalinga’t kabuhayang walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang pagkakatawang-tao..,” wika ni Hermana Amparo sa harap ng altar, at naramdaman ni Sining ng bahagyang hilahin ni Ophelia ang kaniyang kamay.

Napatingin ang dalaga sa kaniyang amo na binati siya ng isang ngiti. “Hintayin kita sa taas,” bulong ni Ophelia sa tainga ni Sining. Nanginig ang dalaga nang maramdaman ang mainit nitong hininga sa kaniyang balat. Kinindatan ni Ophelia si Sining, kasabay ng banayad nitong pagbitaw sa kamay ng dalaga, at agad naramdaman ng dalaga ang pag-ihip ng malamig na hangin sa inabandona niyang palad. Inilagay ni Ophelia ang hintuturo sa ibabaw ng sariling labi upang patahimikin si Sining na akmang magsasalita.

Hindi na lumingon pang muli ang amo, at dahan-dahan naglakad paalis ng sala, maingat upang hindi lumikha ng ingay ang sariling mga yabag sa bawat baitang ng hagdanan. Sinundan ni Sining ng titig ang imahe ng amo na unti-unting nilamon ng dilim.

“..alang-alang kay Hesukristo Panginoon namin; na kapisan Mo at ng Espiritu Santo nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Siya nawa. Amen.,” narinig ni Sining na namutawi ang mga katagang iyon sa labi ng mayor doma, at siya’y napangiti dahil sa wakas ay tapos na ang dasal. Dali-daling nag-antanda ng krus si Sining at tumayo.

“Dadalhin ko na po kay Señorita Ophelia ang kaniyang hapunan,” ani Sining.

Nagulat sa kaniya si Hermana Amparo na kasalukuyang nakaluhod pa. Tumayo ang matanda at pinagpagan ang kaniyang mga tuhod.

“Sige. Ipaiinit ko lamang kay Barang,” sagot ng mayor doma sa dalaga. Sumunod si Sining sa dalawang matandang utusan ng bahay patungo sa kusina.

Sinindihan ni Hermana Amparo ang isang langis na lamparang nakasabit sa gitna ng kisame habang sinilaban naman ni Hermana Barang ang panggatong sa lutuan kung saan nauna nang nakapatong ang isang malaking kaldero. Ilang minuto pang naghintay ang dalaga nang magsimula nang kumulo ang sabaw na nasa kawa. Pinanood ni Sining na sandukin ng tagaluto ang mainit na sabaw sa nakaambang mangkok sa kaniyang harapan. Umuusok pa ang sabaw na puno ng dahon ng malunggay ng lagyan ito ni Hermana Barang ng apat nanaglalakihang tipak nang pinaghalong hita at petso ng manok, at apat na pirasong sayote. Naamoy ni Sining ang tinolang hapunan ng amo at kaniyang naalala ang iilang paskong mapalad silang nakapagluto ng ganitong putahe sa kampo. Nagsandok ang tagapagluto ng kalahating bandehadong kanin at inilagay niya ito kasama ng mangkok sa isang binarnisang kahoy na bandeha. Isinunod ng matanda ang isang porselanang pinggan at isang pares ng pilak na kutsara’t tinidor. Iniabot niya ang bandeha sa dalaga.

“Paano po kung mabulunan ang señorita?,” tanong ni Sining.

“Baguhan ka pa lamang ay lapastangan ka na magsalita!,” ani Hermana Barang sa dalaga.

“Nag-aalala lamang po ako. Maaari po bang ikuha niyo rin siya ng isang basong tubig?,” paumanhin ng dalaga.

“Sa susunod ay sasabihin mo nang maayos. Palalagpasin ko ito sa ngayon dahil hinihintay na ng señorita ang kaniyang hapunan, ngunit huwag kang umasa na lagi na lamang ganito. Matuto kang umayos sa pagsagot at lumugar sa tama, kung nais mong magtagal rito,” litanya ni Hermana Amparo habang nagsalok ang tagaluto ng tubig sa isang pitsel.

Isinama niya ang pitsel at isang baso sa bandehang nasa kamay ni Sining. “Paumanhin po,” sagot ni Sining. Hindi rin maintindihan ng dalaga kung saan nagmula ang kaniyang pamimilosopo. Batid niyang hindi siya kumportableng kasama ang dalawang matanda. Higit niyang pipiliin na pumaroon na sa kuwarto ng kaniyang among insulares kaysa sa madilim na kusina sa pagitan ng dalawang matandang katiwala ng bahay.

“Hala, dalhin mo na iyan sa silid ni Señorita Ophelia bago pa lumamig,” ani Hermana Amparo. Yumukod si Sining, at nagmadaling lumayo sa madilim na kusina, lagpas sa mga altar at mga larawan sa sala, paakyat sa puting marmol na hagdanan.

Natagpuan niya ang kaniyang sarili sa harapan ng pintuan ng silid ng kaniyang amo at siya’y kumatok. Hindi pa man pumapalo sa pangatlong pagkakataon ang kaniyang kamao sa kahoy na pintuan ay bumungad na sa kaniyang harapan ang nakangiting mapupulang labi ng kaniyang amo.

“Napakatagal mo naman,” bati sa kaniya ni Ophelia. Nilakihan pa ng dalaga ang bukas ng kaniyang pinto at pumasok si Sining.

“Akin na iyan,” kinuha ni Ophelia ang bandeha ng hapunan na nasa kamay ni Sining at hindi na siya napigilan pa ng dalaga.

“Señorita, mabigat-,” ani Sining ngunit natahimik siya nang makitang kumunot ang noo ng amo.

“Ang ibig kong sabihin, Ophelia, mabigat iyang hawak mo,” ani Sining. May tumalon sa tiyan ng dalaga ng makitang ngumiti ang amo sa pagkakabanggit ng pangalan.

Ipinatong ni Ophelia ang bandeha sa kaniyang lamesita sa tabi ng bintana. Marmol ang patungan ng lamesita at yari naman sa bakal ang mga binti, binalubaluktot ng gumawa sa isang kumplikadong disenyo at pinintahan ng ginto. Dalawang upuan ang nasa magkabilang dulo ng parihabang lamesita. Tanaw ang buwan mula sa bintana at pinaliguan ng puting ilaw ang hapunan ni Ophelia, maging ang makukulay na pader ng kaniyang silid. Hindi na kailangan pa ng dalagang magsindi ng lampara.

“Bakit ito lamang ang dala mo, Sining?” ani Ophelia. Naglakad siya patungo sa tukador at sinundan siya ni Sining ng tingin.

“Kulang pa po ba ang iyong hapunan?” tanong ni Sining, naghahanda nang bumaba upang kunin ang anumang ihiling ng amo.

“Hindi. Labis pa nga ang iyong dinala, ngunit nasaan ang iyong hapunan?” tanong ni Ophelia.

“Nasa baba pa po, kakain po ako pagkatapos ninyong kumain, kasabay sina Hermana Amparo at ang iba pa,” sagot ni Sining.

“Gusto mo ba na sila ang kasabay mo sa pagkain, Sining? Iyong totoo,” tanong ni Ophelia. Patuloy ang mapuputi niyang daliri sa paghahanap ng kung ano man ang kinukuha sa kaniyang tukador.

“Hindi po,” sagot ni Sining.

Bumuntong hininga si Ophelia bago humarap sa dalaga. “Alam ko kung sino ang gusto kong kasabay kumain. Ikaw, Sining,” ani Ophelia.

Nakita ni Sining na kumislap ang abuhing mga mata ng amo, at di na nagdalawang isip pa. Hahakbang na sana si Sining palabas ng silid upang kunin ang kaniyang hapunan nang maramdaman niya ang isang maputing kamay ni Ophelia na ipinatong nito sa kaniyang balikat.

“Hindi na kailangan pa,” ani Ophelia. “Maupo ka na lamang.” Dahan dahang itinulak paupo ni Ophelia si Sining sa isa sa mga silya sa tabi ng lamesita. Hindi inalis ng dalaga ang kaliwang kamay sa balikat ng kaniyang lingkod habang ang kanan ay may tangan na  maliit na kampana na nakuha niya mula sa kaniyang tukador. Inalog niya ito upang lumikha ng tunog.

Ilang sandali lamang ay dumating si Hermana Amparo, hihingal hingal at halatang tumakbo.

“May kailangan po kayo, Senyorita?,” ani Hermana Amparo na kinakapos sa hininga.

“Pasensya na po kayo, maaari po bang dalhin ninyo ang hapunan ni Sining dito sa aking silid?,” pakiusap ni Ophelia sa mayor doma. Tiningnan ng masama ni Hermana Amparo si Sining bago ito sumagot.

“Wala pong problema,” sagot ng mayor doma at dali daling umalis ng silid.

Naupo si Ophelia sa harap ni Sining ng hindi tumitingin sa dalaga. “Batid kong hindi mo nagustuhan,” panimula ng amo.

“Ang alin po?,” tanong ni Sining.

“Ang tawagin ko si Hermana Amparo gamit ang kampana na parang isang aso,” pinanood ni Sining ang isang daliri ng kaniyang amo na kasalukuyan hinahaplos ang hawak na kampana. “Ngayon ko lamang ito ginamit, tingnan mo, inalikabok na,” itinaas ni Ophelia ang nasabing daliri upang ipakita kay Sining ang nadampot nitong alikabok.

“Naisip ko kasing mas mabilis kung siya na lamang ang aakyat upang dalhin ang iyong hapunan. Sigurado akong pagagalitan ka niya kung ikaw ang bababa, at gutom na rin ako,” paliwanag ni Ophelia.

Hindi matiis ng dalagang makitang mamarkahan ng itim na abo ang malasutlang kamay ng kaniyang amo. Nabigla si Ophelia nang dagliang tumayo si Sining at siya’y nilapitan. Marahang kinuha ni Sining ang kamay ni Ophelia sa sarili niyang mga daliring kayumanggi. Napansin niyang bahagyang nanginginig ito, hindi tulad ng matikas na palad na kaniyang ginawang sandigan kaninang oras ng dasal. Tiningnan ni Sining ang abuhing mga mata ng kaniyang amo, at nakita niya ang bakas ng alinlangan sa likod ng mga ito. Hinimas muna ni Sining gamit ang kaniyang hinlalaki ang palad ni Ophelia bago pinunasan ang maruming daliri gamit ang laylayan ng kaniyang puting blusa.

Nakaramdam si Sining ng kakaibang kapangyarihan sa ganoong posisyon. Nakaupo si Ophelia, at ang kaniyang kamay ay tangan ng mga kamay ng dalagang nakatayo sa kaniyang harapan. Pakiramdam ni Sining ay hawak niya ang kapalaran ng kaniyang amo, ang kamay ng isang insulares na produkto ng ilang henerasyon ng mga banyagang ginamit ang sariling mga kamay upang ilugmok ang kaniyang mga kalahi sa kahirapan. Sa mga sandaling iyon, hawak niya ang kamay ng isang taong magpapatuloy sa pasakit na dinaranas ng mga indio, na kanina lamang ay tinawag ang kaniyang utusan gamit ang isang kampana na parang aso. Nasa kamay ni Sining ang pagkakataong saktan ang babaeng iyon, kapalit ng mga kalupitang nagawa at gagawin pa ng mga kalahi niyang banyaga.

Tinitigan ni Sining ang maputing daliri na nasa pagitan ng kaniyang hintuturo at hinlalaki, at ang dumi na lumipat na sa laylayan ng kaniyang blusa. Hawak rin niya sa mga sandaling iyon ang kamay ng isang insulares na nagpakita ng paggalang maging sa kaniyang mga utusan; and dumi sa kaniyang blusa ay nagsilbing patunay na hindi pa niya nagawang tratuhin ang mga lingkod sa bahay na mas mababa sa isang tao. Hawak ni Sining ang kamay ng isang amo na pinipiling tawagin sa sarili nitong pangalan, na di nag-alinlangang hawakan ang paa ng kaniyang lingkod ng ito’y mangailangan ng tulong.

“Ehem,” naputol ang pag-iisip ni Sining ng kumatok si Hermana Amparo sa nakabukas na pintuan ng silid ni Ophelia. Dahan dahan niyang ibinaba ang kamay ng amo sa kanlungan nito at hinarap ang mayor doma.

“Narito na po ang hapunan ni Sining, Señorita,” ani Hermana Amparo na nanatiling nakasimangot.

Iniabot niya ang hawak na bandeha kay Sining.

“Maraming salamat po at pasensya na ulit sa paggamit ko ng kampana,” sagot ni Ophelia na tumayo.

Inilapag ni Sining sa lamesita ang bandehang naglalaman ng isang tasang kanin, isang pirasong inihaw na tawilis at dalawang pirasong kamatis.

“Maaari niyo pong gamitin ang kampana niyo kahit kailan niyo gustuhin kapag kailangan ninyo ang isa sa amin. Sige po, kung wala na kayong kailangan pa ay magpapaalam na ako,” sambit ng mayor doma.

“Magandang gabi, Hermana Amparo,” ani Ophelia. Tumango ang matanda at tumalikod, kinabig ang kahoy na pintuan ng silid sa kaniyang pag-alis.

“Maupo ka na, Sining,” hinarap ni Ophelia ang dalaga. Paupo na sana ito sa silyang katapat ng inihaw na tawilis, ngunit inunahan siya ng amo sa nasabing pwesto.

“Gusto kong tikman ang ulam mo, maaari ba?,” paliwanag ni Ophelia. “Diyan ka maupo, at iyan ang kakainin mo.”

“Ang tinola po?,” pagtataka ni Sining na hindi pa nauupo.

“Oo,” sagot ni Ophelia na itinaas ang kaliwang paa sa silya. Nanlaki ang mata ni Sining sa nakita.

“Ano pa ang hinihintay mo? Nagugutom na ako.”

Naupo na nga si Sining ngunit ang kaniyang mukha ay balot pa rin ng pagtataka. “Hindi po masarap ang iyang ulam ko, hindi tulad ng sa inyo,” ani Sining.

“Paano ko malalaman kung hindi nga masarap, kung hindi ko titikman?,” sagot ni Ophelia sabay ngiti.

“Wala kang kubyertos?,” tanong ng amo.

“Hindi po kami gumagamit niyan madalas, lalo na kung walang sabaw ang uulamin,” sagot ni Sining. Kinuha niya ang kutsara’t tinidor sa bandeha sa kaniyang harapan at iniabot ito sa amo.

“Kung gayon nais kong matutong magkamay, at hindi ba’t mas kakailanganin mo iyan dahil may sabaw ang iyong ulam?,” ngiti ni Ophelia kay Sining. “Maaari mo ba akong turuan?”

“Wala pong problema. Maaari ba akong magtanong, Ophelia?,” ani Sining. Muling may tumalon sa loob ng tiyan ni Sining nang makitang lumawak ang ngiti sa mukha ng amo sa pagkakarinig ng kaniyang pangalan.

“Hindi lahat ng kaalaman na ibinibigay sa iyo ay dapat lamang tanggapin. Madalas, mas makabubuti kung ikaw mismo ang magtatanong,” sagot ni Ophelia.

“Bakit mo ito ginagawa? Hindi mo ako kailangang pakitaan ng kabutihan,” ani Sining.

“Dahil nais kong lumawak ang aking mundo, at hindi man ako madalas nakalalabas ng aking silid, gusto kong makarating sa bawat lugar na iyong narating, ang malaman ang bawat mong alam, at magagawa ko yun kung uupo ako sa kinauupuan mo, at kakatok sa pintuan ng iyong mundo,” sagot ni Ophelia.

Natawa si Sining.

“Bakit?,” tanong ni Ophelia na nakakunot ang noo.

“Wala po. Natatawa lang ako sa aking sarili. Maaari bang magpakatotoo? Akala ko’y ginagawa mo ito dahil sa akin,” umiling-iling si Sining, bahagyang nalungkot. “Ngunit ano nga ba ang karapatan kong isipin ang gayon?”

“Sining,” panimula ni Ophelia. Pinanood ni Sining nang maglakbay ang mapuputing kamay ni Ophelia patungo sa kaniyang kinalulugaran, mga mapuputing kamay na nabahiran ng iba’t ibang kulay ng pintura, ngunit hindi niya matiis makitang marumihan ng kahit kakarampot na alikabok. Inayos ni Ophelia ang pagkakahawak ni Sining sa kutsara’t tinidor. Hawak pa rin ang kamay ng lingkod, sinabawan ni Ophelia ang kanin sa pinggan ni Sining.

“Hindi ko masasabi kung gagawin ko rin ito kung iba ang tao sa aking harapan ngayon, at hindi ko na malalaman iyon, sapagkat ikaw ang siyang dumating. Sa dinami-rami ng maaaring matagpuan ko sa kabilang silid, ikaw ang aking nakita, nakasalampak sa sahig, namamaga ang paa,” ani Ophelia na nangiti nang mapatawa niya ang kaharap. Nagkatinginan ang dalawa, ang mga matang kayumanggi ay nakangiti sa kaharap nitong abuhin.

“Ikaw ang nandito, Sining, at sa iyo ko ginagawa ang kung ano mang sa tingin mo’y ginagawa ko. Maraming tao ang maaari sanang nandito sa ating kinalulugaran, ngunit sa pagkakataong ito, tayo dalawa ang magkaharap. Ang tanging mahihiling ko ay balang araw, nawa’y hindi natin pagsisihan na tayo ang magkasalo sa pagkain sa ating hapag ngayong gabi,” sagot ni Ophelia.

“At lalamig na ang pagkain kung ganiyan ka ka-palabok magsalita,” ani Sining. Pinagsaluhan ng dalawa ang matamis na halakhakan, ngunit sa likod ng isip ni Sining, batid niyang hindi siya makatutulog ngayong gabi.

One response »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s