Sobre Rojo (Episode 2): Si Camilo de Guzman

Standard

Again, I apologize that this update was delayed. I also realized that it’s more feasible for me to air the episodes on Sundays so Sundays it is. I hope you enjoy this episode and please don’t forget to leave your comments and other violent reactions.

Episodes are compiled in the Shows tab.

Tumulak na ang kalesa palabas ng malinis na bahagi ng gubat na kinatitirikan ng bahay ng intsik na si Lim Ho. Tinahak nito ang makipot at maalikabok na daan na matagal ng walang halamang tumutubo dahil sa dalas rin ng paglabas masok ng mga kabayo at mga gulong ng sasakyan. Umuga ng bahagya ang karitela habang tumatakbo ang kabayo, at ikinahilo ito ni Tiya Olga.

“Ay, manong, maari ba kayong magdahan-dahan?,” ani Tiya Olga sa kutsero. Sapo sapo ng matanda ang noo ng kaniyang kaliwang kamay, ang kanan naman ay may tangang rosaryo.

“Kapag ginawa ko ang gayon ay hapon pa tayo makararating ng Malolos. Hindi bale po sana kung ako’y pinagbaon niyo rin ng pananghalian,” sagot ng kutsero na nilatigo pa ang kabayo upang pabilisin.

“Aba’y sa iyo na ang aking pritong galunggong, ay huwag mo lamang pabayaan magsuka ako dito sa iyong karitela!,” ani Tiya Olga na akmang naduduwal.

“Huwag na po, hindi ko naman ikatataba ang kapirasong pritong galunggong ninyo, huwag lamang kayong magsuka sa loob ng kalesa,” sagot ng kutsero at pinagalan ng kaunti ang patakbo sa kaniyang kabayo.

Nakatanaw sa mga dahon ng mga punong-kahoy at sa mga ibong nagpapalipat lipat ng sanga, tahimik lamang si Sining habang nagaganap ang iringan ng dalawang kasama sa kalesa. Ilang minuto pa’y nakalabas na sila ng manipis na gubat na iyon. Umandar ang kalesa sa mas patag na daan, kasabay ang ibang sasakyang iba-iba ang direksyong tinutungo. Dalawang linggo na ring hindi nakakakita ng sibilisasyon si Sining, at bahagya siyang nalula sa dami ng taong lumalabas sa kapilyang kanilang nadaanan, at sa dami ng mamimili sa kalapit nitong palengke na bahagyang umantala sa andar ng kalesa.

Sa bangketa, naroon ang samut-saring paninda: mga binilad na pusit na isinampay ng mangangalakal sa alambre, mga makukulay na pipit na nasa hawla at mga bakya at tsinelas na gawa sa abaka na inilatag sa pulang banig. Sa isang bahagi ng bangketa ay may isang matandang lalaking pulubi na nakasandal sa pader, nakabuka ang maruming palad at nakapikit ang mga matang nahimbing. Nakita ni Sining nang kalugin ng isang uhuging bata ang lata na naglalaman ng kaunting baryang napaglimusan ng pulubi, at ito ay nagising. Nagsisigaw na hinabol ng matandang iika-ika ang batang may tangan ng latang naglalaman ng munti niyang kayamanan, at napansin ni Sining na wala na itong ipin.

Sa dami ng makikita ay hindi na alam ng dalaga kung saan lilingon. Nariyan ang makukulay na pamaypay na tila pangsayaw, may magagarang payong na hindi alam ni Sining kung ano ang gamit dahil tila wala itong masasanggang sinag ng araw ni patak ng ulan, mayroon ring mga pluma na naghahabaan ang pakpak, at tinta sa kristal na bote sa tabi nito.

“Tiya Olga, anong klaseng bayan ang Malolos?,” tanong ni Sining sa tiyahin, napaisip kung ganitong eksena rin ang kaniyang dadatnan.

“Ay, ikaw na babaeng sanay magkuta sa gubat, malulula ka pagdating ng Malolos. Kung dito pa nga lang sa palengke ng San Pedro na nadaanan mo lamang ay manghang-mangha ka na, paano pa kaya kapag natira ka na?,” sagot ni Tiya Olga na padamping pinalo sa hita ang pamangkin.

“Ay, maraming tao sa Malolos, di hamak ang dami sa nakasanayan mo, at napakaraming makikita, sigurado akong magugustuhan mo rin doon,” dugtong ng tiyahin.

“Si Ophelia, anong klase siyang babae?,” tanong ni Sining.

“Hindi ko siya gaanong kakilala, hindi kami madalas magkita dahil madalang siyang lumabas ng kaniyang silid. Ang kakilala ko lamang sa kaniya ay ang mga palda at blusa niya! Ay!,” sagot ng tiyahin.

“Sigurado akong napakaraming damit ni Ophelia, at kayo’y nahihirapang maglaba,” ani Sining.

“Nahihirapan nga akong labhan ang mga gamit ni Ophelia, ngunit ito’y dahil pagdating sa labada, ay!, punong puno ng pintura. Iisipin mong tatatlo lamang ata ang blusa niyang nalalabhan ko ngunit hirap na hirap akong tanggalin ang mga mantsa nito! Ngunit tunay namang napakaganda niya, kamukhang kamukha niya ang kaniyang ina, ang nasirang si Donya Guada,” sagot ni Tiya Olga.

“Marahil ay maghapon siyang nagkukulong, nagpipinta ng magagandang tanawing nakita niya sa Europa, tunay ngang napakasayang buhay ang mayroon siya,” ani Sining.

“Ay, alam kong ang pinupunto mo. Kahit na di mo pa siya nakikilala, alam kong may hinanakit ka kay Ophelia dahil isa siyang kastila. Hindi ko mahihiling sa iyo na magustuhan siya dahil alam nating pareho na isa rin siyang kaaway, ngunit dapat kang maging mabait sa kaniya at magpanggap na isang kaibigan upang gustuhin niyang manatili ka sa tabi niya. Ay!, baka pag sinupladahan mo siya ay pareho tayong pulutin sa kangkungan kinabukasan,” ani Tiya Olga.

Tumingin si Sining sa tanawin sa labas ng kalesa. Kanila nang tinatahak ngayon ng kalsada ang pagitan ng dalawang malaawak na taniman ng mga puno ng buko at niyog. Tila panahon nang anihan, sapagkat salimbayan ng salimbayan ang mga manggagawang umaakyat sa puno at pumupitas ng mabibilog na bunga.

“Ang magpanggap na kaibigan ay kakayanin ko. Ngunit wala akong alam sa mga dapat iasal ng isang binibini. Ano ang maaari kong ituro sa kaniya?,” tanong ni Sining sa tiyahin. “Ako’y lumaki sa kilusan na napaliligiran ng mga lalaki.”

“Ay, sinabi ko na kasi kay Gani na ako ang magpapalaki sa iyo ngunit gustong gusto kang kuhanin ng tiyuhin mong iyon, aywan ko ba!,” ani Tiya Olga na nagkamot ng ilong. “Madali lamang iyan, dapat ka lang namang manatiling mahinhin at masunurin. Dalangan mo rin ang iyong pagsasalita at umimik lamang kapag ikaw ay tinatanong. Iyan ang gustong mangyari ni Don Arturo at Camilo at iyan lang ang dapat mong alalahanin,” sagot ni Tiya Olga.

“Gaano po ang itatagal ng aking pagpapanggap?,” tanong ni Sining. Hindi pa man din siya nakapagsisimula ay gigil na siyang tapusin ang misyon upang sumama sa magaganap na himagsikan.

“Ay, hindi ko alam. Depende rin iyan sa napagplanuhan kung kailan dadakpin si Don Arturo at Camilo. Magpakanatural ka lang, Sining. Malay mo ay marami ring maituro si Ophelia sa iyo,” sagot ni Tiya Olga.

“Ano po, ang gaya ng walang kakwenta-kwentang pampalipas oras na pagpipinta?,” panunuya ni Sining. “Isang malaking kasayangan sa pera at oras, mga bagay na sana’y nailaan na lamang para sa mahihirap, pwe!”
Dumura si Sining sa sahig ng kalesa. Pinalo ni Tiya Olga ang kanyang kamay upang pagalitan.

“Ay, dapat ngayon pa lamang ay masanay ka nang maging mabait kay Ophelia. Hindi mo na maaaring ipakita ang mga paniniwalang ganiyan, hindi ito makatutulong sa iyong pagpapanggap. At huwag ka ring dumudura kung saan saan. Ay, hindi gawain iyan ng isang mahinhing dalaga,” sagot ni Tiya Olga.

“Paumanhin po,” ani Sining, na hindi na muling nagsalita.

Ilang minuto pa ang lumipas ay nahimbing na si Tiya Olga sa tabi ni Sining. Pinagmasdan ng dalaga ang mga tanawing nadaanan. Ilang hindi kataasang bundok din ang natanaw ng dalaga, pawang hindi niya batid ang mga pangalan, kaya’t itinanong niya ang mga ito sa kutsero. Pinaunlakan naman ng matanda ang kaniyang mga katanungan at sinagot ito. Tila hinele si Sining ng mga ilog, bukid at bundok na naraanan at nagsimula nang bumigat ang mga talukap ng kaniyang mata.

Malapit na sanang mahimbing ang dalaga, tulad ng kaniyang tiyahin, ng biglang umawit ang kutsero ng isang kundimang pangharana. Inialay ng matanda ang bawat awitin kay Sining, at minarapat ng dalaga na makinig na lamang at huwag nang pansinin ang tila panliligaw ng kutsero.

Ilang minuto at awit pa’y tumirik na ang sikat ng araw direkta sa ibabaw ng kalesa. Nasikatan ng mainit na sinag ang mukha ni Tiya Olga at siya’y naalimpungatan habang patuloy ang pag-awit ng kutsero.

“Oooh magandang dalagaaaa

Isang ngiti mo lamang

Iiwan ko’ng aking asawaaaa..,” awit ng kutsero.

“Hoy matandang hukluban ka! Ay tigilan mo ang pamangkin ko! Makatitikim ka kay Kapitan Gani!,” ani Tiya Olga na hinampas sa braso ang matandang kutsero gamit ang tangang pamaypay.

“Huminahon kayo, Tiya Olga, nagbibiro lamang po si Manong,” hinawakan niya sa balikat ang tiyahin upang kalmahin.

“Ay masamang biro! May asawa kang tao, Usurpo! Ay talagang makatitikim ka kay Gani!,” bulahaw ni Tiya Olga. Patuloy niyang pinagpapalo sa braso ang kutsero.

“Ay tumigil na ho kayo, ako’y naglilibang lamang. Kung hindi sana kayo natulog sa biyahe ay nakapagkwentuhan pa tayo,” sagot ng kutsero kay Tiya Olga.

“Aba’y sumasagot ka pa, Usurpo!,” pagtatalak ni Tiya Olga.
Biglang bumagal ang patakpo ng kutsero sa kalesa hanggang sa inihinto niya ito sa silong ng isang puno ng kamatsile sa tabi ng daan.

“Ay bakit mo hininto? Dito mo ba kami gagahasain?!,” bulalas ni Tiya Olga.

“Baka nais niyo pong mananghalian. Ay tanghaling tapat na sa pakiwari ko at ako’y gutom na maging si Rustico,” sagot ng kutsero sabay tapik sa alagang kabayo.

Bumaba si Sining ng kalesa tangang ang isang maliit na banig at ang lalagyan ng baon nilang pananghalian. Inilatag ng dalaga ang banig sa silong ng kamatsile at naglapag ng kubyertos at pinggan para sa dalawang tao. Nagbuhos rin siya ng tubig sa dalawang baso at inihain ang tatlong pritong galunggong, isang pinggang kanin at isang mangkok ng kamatis.
Lumapit sa kaniya ang kaniyang tiyahin tangan ang pamaypay at umupo sa tabi niya sa banig.

“Manong, tara po’t saluhan niyo na kami. Pasensya na po’t pang-dalawang tao lang ang dala kong pinggan,” alok ni Sining sa kutsero.

“Ay ayos na ako iha, pinagbaon ako ng aking asawa,” sagot ng kutsero sabay turo sa baon niyang kamatis at itlog na maalat na nakabalot sa papel. “Kung maaari lang ay hihingi sana ako ng kanin.”

“Aba’y makikihati pa ito sa kanin, nakita na ngang ang konti lang ng baon namin..,” bulong ni Tiya Olga.

“Wala pong problema, kumuha lang po kayo,” sagot ni Sining sa kutsero sabay iling ng ulo ng pabiro sa tiyahin.

Matapos kumuha ng kanin ang kutsero ay nagdasal ng sabay-sabay ang tatlo; ang tiyahin ay magkahawak kamay at nakapikit.

“Basbasan mo kami Panginoon at itong iyong mga handogmula sa iyong pagpapala sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”

“Amen!,” dugtong ng kutsero ng malakas. Inirapan ni Tiya Olga ito at nagsimula nang kumain. Sampung minutong hindi nag-imikan ang tatlo habang nagsasalo sa payak na piging. Matapos mananghali, pinakain naman ng kutsero ang alagang kabayo ng baong dayami at pinainom ng tubig habang nag-iinat inat ang magtiya.

“Nasaan na po tayo?,” tanong ni Sining sa kutsero.

“Sa Balagtas, iha. Walang isang oras ay makararating na tayo sa Malolos,” sagot ng kutsero habang hinihimas-himas ang alagang kabayo.

“Huwag mong kalimutan, Usurpo, na dadaan muna tayo sa bahay ni Doña Isabel kung saan nagbabakasyon si Camilo. Siya ang gagawa ng liham ng rekomendasyon para kay Sining upang ibigay kay Don Arturo,” ani Tiya Olga.

“Tila napakabait naman ni Camilo, tiya, upang gawan pa ako ng gayong liham,” pagtataka ni Sining.

“Ay talagang gustong gusto niyang mapangasawa si Ophelia, at dahil sinigurado ko sa kanya na tutulungan mo siyang baguhin ang isip ni Ophelia, tutulungan ka rin niyang matanggap na yaya ng anak ni Don Arturo,” sagot ni Tiya Olga.

“Halina’t lumarga na tayo kung dadaan pa tayo sa bahay ni Doña Isabel,” ani ng kutsero. Sumakay na ang tatlo sa kalesa at muli na itong umandar.

Tumulak ang kalesa sa maalikabok na patag na daan. Sa loob ng tatlumpung minuto ay paisa isa lamang ang nasasalubong nilang sasakyan pabalik. Nadaanan nila Sining ang malalapad na bukirin ng Bulakan. Sa malayong-malayo ay tanaw ang imahe ng bulubundikin ng Sierra Madre. Panahon ng ani, at sa labas ng bawat madaanang bahay na gawa sa sawali ay nakabilad ang inaning palay na nakapatong sa banig na nakalatag. Nahirapan ang kutserong baybayin ang kalsada sa kaiiwas sa mga ito.

Ilang sandali pa’y umusad na ang kalesa sa mas patag na daan. Dumami na rin ng dumami ang kasabay at nasasalubong nilang sasakyan, mga tao at mga mangangalakal na may kani-kaniyang dalang kariton. Ang mga bahay na pawid at sawali ay napalitan ng mga tahanang gawa sa kahoy at bato. Ang naglalakihang bintana sa ikalawang palapag ng bawat bahay ay gawa sa capiz, at ikinamangha ito ni Sining. Patuloy ang andar ng kalesa hanggang sa tumawid sila sa isang tulay na nagdudugtong sa kalsadang hinati ng rumaragasang ilog. Sa kabilang dulo ng tulay ay naroon ang isang malaking simabahang gawa sa bato.

“Ay, iyan ang katedral ng Malolos,” turo ni Tiya Olga sa malaking simbahan. Nakita ni Sining na kasalukuyang nagmimisa dahil sa dami ng tao na umapaw na hanggang sa patio ng bisita. Nag antanda ng krus ang magtiya.

“Nakikita mo ba iyang gusali sa tapat ng simbahan? Ay, iyan ang munisipyo ng Malolos. At yung nadaanan natin na malaking bahay bago ang tulay, doon nakatira ang alcalde mayor ng Bulakan, doon nakatira si Ophelia,” lahad ni Tiya Olga.

Binalik-tanawan ni Sining ang malaking bahay bago magtulay. Nakita niyang may dalawa itong palapag at siyang pinakamalawak sa lahat ng bahay na nakikita niya ngayon. Malinis na malinis at bagong pintura ng puti ang bahay na bato, at sa paligid ng ikalawang palapag,naroroon ang naglalakihang bintanang gawa sa capiz.

Bahagyang naantala ang takbo ng kalesa dahil na rin sa dami ng tao sa palengke sa labas ng simbahan. Doble ng dami ng tao sa palengke ng San Pedro ang nakikita ni Sining na nagsasalimbayan na mga mangangalakal sa pamilihan ng Malolos. Sa bangketa, hindi lamang mga makukulay na pipit, kundi mga tuta at kuting ang nakakulong sa hawla ang ibinibenta. Sa isang banda, may isang kalabaw na hila hila ang kalakal ng among intsik; mga duyan, lambat, upuan at kung anu-ano pang produkto na gawa sa yantok. Sa isang estante, may aleng nagtitinda ng palamig na inumin na sari-saring kulay at pinipilahan naman ng mga namimiling naiinitan sa sikat ng araw. Sa kabilang bangketa, naroon ang isang itinayong mesa at mga upuan. Ang negosyanteng intsik ay nagsasandok ng panindang mami sa mga mangkok ng mga kumakain. Punong-puno na ang mesa; ang iba ay naupo na lamang sa bangketa habang binabalanse ang mangkok sa kanilang tuhod, ang iba naman ay tuluyan nang tumayo habang lumalagok ng mainit na sabaw.

Umusad na rin sa wakas ang kalesa at natanaw ni Sining sa malayo ang naging aberya; may isang kabayo ang nagalburoto at binangga ang isang estante ng tilapia sa bangketa. Kasalukuyan pa ring nagtatalo ang may-ari ng estante at ang kutsero nang nag-alburotong kabayo ng muling tumulak ang kalesa.

“Mamaya na tayo babalik riyan,” nguso ni Tiya Olga sa bahay ng alcalde mayor. “Dadaan muna tayo sa bahay ng tiyahin ni Camilo de Guzman kung saan siya nagbabakasyon. Sa likod ng palengke ang bahay ni Doña Isabela,” ani Tiya Olga.

Tumango si Sining at muling tiningnan ang bahay ng alcalde mayor na unti-unting lumalayo. Nakita niya na ang nag-iisang bukas na bintana sa ikalawang palapag ay nasa bandang likuran ng bahay. Isang babae ang kasalukuyang nakadungaw sa bintanang iyon, nakalugay ang mahabang buhok na halos ginintuan ang kulay sa ilalim ng sikat ng araw. Nakita ni Sining na tumatawa ito, at sa kilos niya at itsura, ang pakiwari ni Sining ay halos magka-edad lamang silang dalawa.

‘Si Ophelia,’ naisip ni Sining. Pinagmasdan niyang mabuti ang palayong pigura ng babae sa bintana. Patuloy ang pag-alog ng mga balikat nito, siyang siya sa tanawing pinagtatawanan. Pumunta paakyat ang mapuputi niyang braso, upang takpan ng mahahabang daliri ang bibig. Pinagmasdan ni Sining ang sariling braso na kayumanggi ang kulay, at siya’y nakaramdam ng galit sa babaeng iba ang lahi.

Ilang sandali pa niyang tinitigan ito, kinabisa ang itsurang naaaninag ng biglang tinaggal ng babae sa bintana ang mata sa kung anong pinagtatawanan at itinuon ang mga ito kay Sining. Agad inalis ni Sining ang tingin sa babae at umupo ng maayos; ayaw magpahuli na siya ay nakatitig.

Kumabog ang puso ni Sining sa di malamang dahilan; hindi rin siya sigurado kung nakita nga siya ng babae dahil na rin sa layo ng kanilang pagitan, ngunit hindi na niya nilabas pang muli ang ulo sa bintana ng kalesa upang lingunin ang bahay ng alcalde mayor.
Lumiko ang kalesa sa isang kalsada at huminto sa tapat ng bahay na bato na maliit ng kaunti sa bahay ni Don Arturo. May malawak na bakuran sa gilid ng bahay kung saan nakatanim ang ilang rosas at sampaguitang nagpahalimuyak sa paligid. Bumaba si Tiya Olga sa kalesa at sumunod si Sining.

Si Doña Isabel Bautista ang pinakamayamang babae sa buong bayan ng Malolos, isang biyuda. Paborito niyang pamangkin si Camilo de Guzman kaya’t madalas na maimbitahan niyang magbakasyon ito sa Malolos. Siya rin ang nagpakilala sa binata kay Don Arturo at sa anak nitong dalaga.

Lumapit ang magtiya sa itim na bakal na tarangkahan na naghiwalay sa bahay na bato at kalsada. Nakasulat sa bandang itaas ang pangalang Bautista, na binaybay ng bakal na pinulupot at inihugis sa mabibilog na titik.

“Tao po! tao po!,” sigaw ni Tiya Olga sabay katok sa tarangkahan gamit ang dulo ng kaniyang pamaypay. Nakailang tawag ang matanda bago sumulpot mula sa likuran ng bahay ang isang matandang lalaking nagmamadali.

Napakamot ang matanda sa napapanot na ulo gamit ang inugat na mga daliri. Tila hiram lamang ang suot niyang puting kamisetang maluwag na maluwag sa kaniya. Pinangsangga niya ng mainit na sikat ng araw ang isa pang kamay habang lumalapit sa tarangkahan.

“Sino po sila?,” silip ng matandang katiwala sa mga bagong dating. Nanlaki ang mga nanlalabong mata nito ng makilala ang tiyahin ni Sining.

“Olga, aba’y bakit ngayon ka lang? Kaninang tanghalian ka pa hinihintay ni Señorito Camilo!,” bati ng matanda habang binubuksan ang kandado ng tarangkahan. Lumikha ng maingay na tunog ng kalawang ang bakal nang uguyin ito ng katiwala upang pagbuksan ang dalawang bisita.

“Ay pasensya na, Herman, ay napakabagal ng kabayo niyang si Usurpo! Kung hindi lang talaga napakamura niya kung maningil, ay sabagay matanda pa sa kanya ang kabayo niya!,” reklamo ni Tiya Olga habang humahakbang sa abuhing batong patio sa tapat ng harapang pintuan ng bahay. Sumunod sa tiyahin si Sining, na halos nakapikit na sa pagkasilaw sa sikat ng araw.

“Eto ba ang pamangking ibinibida mo kay Camilo? Matibay ba iyan, aba’y napakatigas ng ulo ni Señorita Ophelia sa dinig ko ah,” kwento ng matandang katiwala. Hindi niya binuksan ang makintab na  harapang pintuan at bagkus ay dinala ang magtiya sa likuran ng bahay kung saan pumapasok ang mga tagaluto, yaya, katiwala, hardinero at iba pang manggagawa sa bahay na iyon.

Napaangat ang ulo ni Sining nang marinig ang pangalan ni Ophelia. Nagbalik ang kaniyang ala-ala sa babaeng nakadungaw sa bintana. Naglakbay ang mata ng kaniyang isipan sa mapuputi nitong mga bisig, at sa payat at mahahabang daliring tumakip sa mapupulang labing humahagikgik. Hindi napansin ni Sining na may ilang saglit siyang natulala hanggang sa marinig niya ang kaniyang pangalan.

“Zenaida! Psst! Ay Zenaida!,” ani Tiya Olga na tinatawag ang pamangkin. Siya at ang katiwala ay nasa ikatlong baitang na ng marmol na hagdan samantalang si Sining ay naiwan sa may pintuang pinasukan sa di kalayuan.

“Sshhh! Huwag kang magsisigaw Olga at nagsisiyesta si Doña Isabel,” pagsaway ng katiwala.

“Pasensya na po,” ani Sining na nagmamadaling umakyat ng hagdan. Sinundan ng magtiya ang katiwala sa ikalawang palapag ng bahay, maingat upang walang matabig na kahit anong babasagin na sagana sa bahay na iyon. Sa isang sulok ay naroon ang tatlong pirasong banga na magkakaiba ng sukat, kulay berde at may lamang halaman na hindi alam ni Sining kung paano pangalanan. Sa tapat nito ay mayroong altar kung saan nasadlak ang poon ng Mahal na Birhen, suot ang kulay asul na bestidang inadornohan ng ginintuang burdang kakulay ng kaniyang korona. Maputing maputi ang mukha nitong nililok at ang mga mata’y tila sumusunod sa bawat galaw ng makakakita. Patuloy na naglakad ang tatlo hanggang sa marating nila ang dulo ng madilim na bulwagan. Kinatok ng katiwala ang puting pintuan.

“Pasok,” narinig nila ang malalim na boses mula sa kabilang gilid ng pader. Pinihit ng katiwala ang kandado at sinilip ang loob ng silid.

“Señorito Camilo, narito na po si Hermana Olga at ang kaniyang pamangkin,” banggit ng matandang katiwala.

“Sige, papasukin mo. Iwanan mo na kami’t pakikandado ang pintuan pag-alis mo,” sagot ng tinig sa loob ng silid.

Binuksan ng katiwala ng mas malaki ang pintuan at pumasok si Tiya Olga kasunod ang kaniyang pamangkin. Nakita ni Sining na ang silid ay isang opisina. Isang mesang pang-isang tao ang nasa harap ng matangkad na bintana, gawa sa kahoy at nabarnisan kaya’t makintab. Nakaupo sa likod nito ang isang mestisong lalaki, nakayuko sa mga titik na isinusulat sa papel. Banayad ang paggalaw ng itim na pluma sa gitna ng makakapal niyang daliri. Hindi umimik si Tiya Olga kaya’t ginaya siya ni Sining. Ilang sandali pa’y ibinaba na ng lalaki ang pluma sa tabi ng puting papel, at siya’y tumingala sa mga bagong dating.

“Nahuli kayo,” panimula ng lalaki.

“Mabagal po ang kaba-”

“Hindi kita tinatanong,” sasagot sana si Tiya Olga ngunit sumabat ang lalaki. Nakita ni Sining na hindi masama ang itsura nito; sa husga pa nga ng dalaga ay maaaring magandang lalaki si Camilo de Guzman. Ang diretso niyang buhok ay nakapomada at sinuklay patalikod, ngunit may ilang hiblang nakatakas at ngayo’y nahuhulog sa ibabaw ng mga matang abuhin na may ilang bakas ng pagkaberde. Matangos ang ilong ni Camilo, tulad ng iba niyang nakikitang mestiso, may matataas na buto sa pisngi at malakas na panga. Ang tanging nagpaamo ng mabangis niyang dating ay ang manipis na kulay rosas na labi na hindi nag-alay ng ngiti para sa kanilang mag-tiya.

“Paumanhin po,” hindi inasahan ni Sining na siya’y magsasalita, at napatingin sa kaniya ng bahagya ang tiyahin.

“Eto ba ang sinasabi mong pamangkin, Olga?,” tanong ni Camilo. Gumapang ang makakapal niyang daliri patungo sa pluma at hinimas himas ang itim na pakpak na nakadugtong dito.

“Opo,” maikling sagot ni Tiya Olga.

“Kung gayo’y dapat tinuruan mo siyang magsalita lamang kapag kinakausap,” ani Camilo. Napayukod si Sining sa hiya. Kailanma’y wala pang nagsabi sa kaniya kung kailan dapat o hindi dapat magsalita.

“Hindi bale, ano ang pangalan mo?” ani Camilo de Guzman.

“Ze-Zenaida Abad po,” halos mabulol pa si Sining sa pagsagot. Laking pasalamat niya ng muling yumukod si Camilo sa papel at nagsulat ng ilang titik. Hindi niya magawang makipagtitigan sa mga abuhing mata ng lalaki.

“At ilang taon ka na?,” dugtong ng lalaki.

“Labing-anim,” sagot ni Sining.

Ilang tahimik na sandali ang lumipas habang patuloy sa pagsusulat si Camilo. Matapos iyon at itiniklop niya ang papel, isinilid sa isang puting sobre at pinirmahan sa likod.

“Iyan ang liham ng rekomendasyon na ibibigay mo kay Don Arturo,” pahayag ni Camilo. Inabot ni Sining ang sobre mula sa kamay ni Camilo. Ipapasok na sana niya ito sa bulsa ng palda ng muling magsalita ang lalaki.

“Hindi mo ba babasahin man lamang? Ayaw mong tiyakin na wala akong isinulat riyan na makasisira ng iyong reputasyon?,” tanong ni Camilo de Guzman.

“Ano po?,” sagot ni Sining. Nanginig ang kaniyang mga daliri at ang mga mata’y napatingin sa liham na tangan.

“Buksan mo. Basahin mo, Zenaida,” ani Camilo. Nakita ni Sining na kumulot sa isang ngiti ang mala-rosas niyang mga labi. “Hindi mo ba nakikita, ang pangalan mo ang nakasulat sa pinakaitaas?”

“Opo, Zenaida Abad..,” bulong ni Sining na nakatingin sa itim na tintang bumubuo ng mga salita sa liham na hawak, wari’y binabasa ito.

“Sinungaling!,” bulalas ni Camilo na hinampas kaniyang mesa. Napatalon ang magtiya sa gulat at halos malukot ni Sining ang liham ng siya’y mapakapit sa dibdib.

“Isang mangmang! Isang mangmang ang nais mong mag-yaya kay Ophelia?!,” sigaw ni Camilo kay Tiya Olga. Namuti ang matanda, ang mga tuyong labi’y nangatal sa mga salitang ayaw lumabas.

“Anong klaseng tao ito’t ni sariling pangalan ay di alam basahin? Ophelia, pangalan ni Ophelia ang nakasulat sa itaas!,” inagaw ni Camilo ang liham mula sa kamay ni Sining at tinuro ang bawat linya at hugis na bumuo ng pangalan nang nasabing dalaga.

“Pa-pasensya na po, wala pong nagturo sa kaniya, maging mga magulang niya’y wala ring napag-aralan,” pagpapaumanhin ni Tiya Olga na humawak sa mga balikat ng pamangkin.

“Hindi bale. Iyan ang idadahilan natin kay Don Arturo,” muling dinampot ni Camilo de Guzman ang pluma at dinagdagan ang nakasulat sa puting papel. “Masyado ng matalino si Ophelia, at iyan ang naging problema ni Don Arturo. Tamang tama lang na ang indyong tulad mo ang gumabay sa kaniya.”

Napayuko si Sining sa hiyang nadama. Tumiklop ang kaniyang mga kamay sa mga kamao at nangatal ang kaniyang labi. Higit ang galit na kaniyang nadama, ngunit hindi para sa lalaki sa kaniyang harapan, kung hindi kay Ophelia. Ilang pangungutya kaya ang kaniyang daranasin sa araw-araw na makakapiling ang dalaga?

“Heto. Ibigay mo ito kay Don Arturo,” muling inabot ni Camilo ang puting sobre kay Sining. Sa pagkakataong ito, nagmadali ang dalaga na ipasok ito sa kaniyang bulsa.

“May isa pa,” ani Camilo. Hinila niya ang tukador ng kaniyang mesa at inilabas ang isang pulang sobre. “Ito ang iaabot mo kay Ophelia. Sisiguraduhin mong mababasa niya iyan at wala ng iba pang makakikita.”

“Opo,” tumango si Sining at kinuha ang pulang sobre mula sa kamay ng lalaki.

“Magkalinawan tayo, Zenaida. Maaaring naipaliwanag na sa iyo ng iyong tiyahin, ngunit uulitin ko lamang. Tinutulungan kitang matanggap ni Don Arturo dahil tutulungan mo akong makuha si Ophelia. Aaminin ko, ayaw sa akin ng hitad,” kumuha ng tabako si Camilo mula sa tokador at sinindihan ito ng posporo. Napatingala si Sining ng marinig ang salitang ginamit ng lalaki upang ilarawan si Ophelia.

“Masyadong mapagmalaki ang haliparot; ngunit bata pa siya at hindi pa niya alam ang nakabubuti para sa kaniya. Maaaring inaakala niyang siya’y matalino ngunit tulad lamang siya ng ibang babae riyan,” ikinilos ni Camilo ang isang kamay na tila nambubugaw ng langaw. “Hindi niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Kailangan mong kumbinsihin na siya’y mahina, at kailangan niya ng isang tulad ko,” sumandal si Camilo sa likuran ng upuan at bumuga ng usok.

“Sa tulong mo, Zenaida, malulupig ko ang kayabangan ni Ophelia, at wala na siyang magagawa kung hindi mapasa akin,” patuloy ni Camilo.

“Gagawin ko po ang lahat,” sagot ni Sining. Napangiti ang dalaga nang marinig na laitin ng lalaki si Ophelia. Nagbigay ang mga salita ni Camilo ng lakas ng loob kay Sining, ng kapangyarihan laban sa babaeng kay rami na ang nagsabing matigas ang loob. Patutunayan niya kay Ophelia kung sino ang mas magaling sa kanila.

“Dudurugin ko si Ophelia, dudurugin ko ang kaniyang pagkatao hangga’t sa wala nang matira sa kaniya kundi ang awa ninyo,” dugtong ni Sining. Napangiti si Camilo sa narinig.

“Kung gayon ay magkakasundo tayo,” ani Camilo de Guzman. Dinurog niya ang tabako sa isang kristal na lalagyan ng abo sa tabi ng kaniyang mesa. Pinanood ni Sining habang unti-unting namatay ang baga nito.

3 responses »

  1. Ok.nabasa ko ‘to like few hours after you posted it. But I felt the urge to post a comment here before posting sa episode 3;]. You’re doing a good job, naalala ko hs days and Filipino subject for the places and tagalong terms na hindi ko maintindihan ang iba.lmao.

  2. Parang alam ko yung tinutukoy mong bahay nina ophelia, pati yung catheral at munisipyo ng malolos naiimagine ko. Lage kasi ko npapadaan dun pag dumadalaw ako kina lola. Hehe

  3. grbe.. im a bulakenya now residing here at manila.. nkakaaliw basahin.. nbasa q ung episode 14 first by accident.. fingersmith is definitely my fave bbc shows of all time.. epic!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s