Sobre Rojo (Episode 1): Ang Balita ni Tiya Olga

Standard

Disclaimer: I apologize for any mistakes regarding the history. I will try my best to remember my History of the Philippines classes and be accurate.  I’m writing this story with the thought that my twelve-year old self would delight at finding something like this on the internet. Having said that, I write what I want to read. I hope you would love to read this story as well. Admittedly, there are not much lesbian-themed stories written in Filipino, at least from my internet searches. I offer this so that the search for such stories would not be as frustrating as before, especially for young Filipina lesbians and bisexuals, or those just starting to discover themselves.

I apologize for the grammatical errors as well. I have a particular difficulty with ‘ng’ and ‘nang’ , I promise to improve in time. I hope you enjoy the story and I would love to read your comments.

Again, this is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

The episodes would be compiled in the Shows tab.


Banayad na itiniklop ng dalaga ang puting kamisetang nasa kamay at ibinaba ito sa sulok ng papag kasama ng iba pa niyang damit na una na niyang nailigpit. Nasa gilid ng maliit na silid ang papag na iyon, itinulak sa pader kung saan naroon ang tanging bintana sa kwarto. Tanaw ngayon ng dalaga mula sa bintana ang bilog na buwan na bahagyang natatakpan ng maninipis na ulap. Sa gitna ng kutson, nakabukas ang isang malaking tampipi kung saan nauna ng nakalagay ang kakaunting damit panloob, ang kahoy niyang suklay, at ang mamahaling porselanang payneta na iniregalo sa kaniya ng kaniyang Tiyo Gani noong maiputok niya ang kaniyang unang rebolber. Ipinatong ng dalaga sa ibabaw ng mga ito ang dalawang kupas na itim na palda. Isusunod na sana niya ang mga naitiklop na kamiseta ng marinig ang katok sa pinto ng kwarto.

“Pasok,” ani ng dalaga na nakatalikod sa pinto. Itinulak ng tao sa kabila ang mabigat na Narrang pintuan at dahan-dahang pumasok.

“Sining,” ani ng bagong dating. Napangiti si Sining sa pagkakabanggit ng kaniyang pangalan at daglian nilingon ang bisita.

“Lucas, kailan ka pa dumating?,” bati ni Sining sa kababata. Sinuklian siya ng lalaki ng isang matamis na ngiti.

“Kani-kanina lamang, ikaw ang una kong pinuntahan pagbalik ko dito, Sining,” sagot ng binata at naglakad sa makintab na kahoy na sahig patungo kung saan naroon si Sining at kinuha ang kaniyang mga kamay. Kabubunot lamang ni Sining ang sahig na iyon bago siya nagsimulang mag-ayos ng gamit at bahagyang kumunot ang kaniyang ilong nang makitang tapakan ito ng kababata gamit ang putikang tsinelas. “Tagumpay ang lakad namin nila Kapitan Binong sa Kabite, hindi magwawakas ang taong ito at sigurado akong sisiklab na ang rebolusyon.”

Bakas ang tuwa sa mukha ni Lucas at tumango si Sining. Tinanggal niya ang mga kamay mula sa pagkakahawak ng lalaki at ipinagpatuloy ang pag-iimpake ng damit. Mamaya na lamang niya lalampasuhing muli ang sahig ng silid.

“Aalis ka, Sining? Kadarating ko lamang..,” tanong ng binata na sumimangot ang mukha. Natawa ang dalaga sa nakita at sinuntok ito ng pabiro sa bisig.

“Disi sais na ako, Lucas. Ang pangako ni Tiyo Gani, kapag umabot ako ng ganitong edad, pormal na akong magiging kasapi ng Katipunan. Kanina lamang ay sinabihan ako ng iyong ama na magbalot ng gamit dahil may ipagagawa sila sa akin,” sagot ni Sining.

“Nagpupulong na ang mga pinuno sa baba. Kasabay ko ring dumating ang kapatid ni Kapitan Gani na nagtatrabaho sa Bulakan. Pinaakyat nila ako dito upang ipatawag ka,” ani Lucas.

“Mabuti pa’t tulungan mo ako dito ng madali at makasama na tayo sa pulong,” sabi ni Sining. Tinulungan nga siya ng binata at sabay nilang inayos ang kakaunting pag-aaring damit ng dalaga.

Bata pa lamang si Sining ay hindi na siya nahilig sa damit. Bukod sa laki sa hirap, sanay na sanay ang dalaga sa palipat lipat ng tirahan kasama ng kaniyang Tiyo Gani na sa kaniya’y nagpalaki. Dahil sa dalas nang pagbabalot na kailangan nilang gawin, minabuti na ni Sining na mabuhay sa kakaunting personal na gamit. Dalawang linggo na siyang nakatira sa San Pedro, sa bahay ng intsik na si Lim Ho na ipinahiram ang kaniyang tirahan upang gawing pansamantalang kuta ng Katipunan sa Laguna, at ngayo’y naghahanda siya upang muling umalis.

Pitong taong gulang si Sining ng unang mapaligiran ng mga miyembro ng kilusan. Kamamatay lamang noon ng kaniyang mga magulang nang dumating ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ama, upang siya ay kunin. Lingid sa kaniyang kaalaman, ang tiyuhin ay isang katipunerong may mataas na ranggo sa Bikol. Madalas siya kung sumama sa tiyuhin sa tuwing may pagsasanay ang mga miyembro ukol sa pakikibaka at paghawak ng armas. Nang humantong sa edad na labing-dalawa, asintado na si Sining kung magpaputok ng rebolber. Sa ganoong edad rin nang aminin ng kaniyang tiyuhin na isang kastila ang pumatay sa kaniyang mga magulang. Mula noon, wala ng ibang naging pangarap ang dalaga kundi pormal na makasapi sa kilusan.

Dahan-dahang bumaba ang dalaga sapagkat maingay ang nililikhang tunog ng kaniyang bakya sa kahoy na hagdan. Itinaas ni Sining ng bahagya ang itim na palda upang hindi ito matapakan, sapat lamang upang hindi makita ni Lucas, na naghihintay na sa baba, ang kaniyang mga binti. Sa Katipunan nagkakilala ang dalawa at naging magkababata. Dalawang taon ang tanda ni Lucas kay Sining at noong una ay nagsilbing kuya sa ulilang bata. Di malaunan, niligawan ni Lucas ang dalaga sa pagpayag na rin ng tiyuhin ni Sining na tunay namang bumilib sa tapang na ipinapakita ng binata sa kilusan.

Dahil madalas ay napapalibutan ng mga lalaki sa Katipunan, marami na rin ang nagtangkang lumigaw sa dalaga. Hindi angat ang kagandahan ni Sining sa unang tingin, ngunit kung pagmamasdang mabuti, ang may pagkasingkit niyang mga mata at malambot na labi ang nagpapaamo sa dapat sana’y ordinaryong mukha. Sa kabataan ni Sining nagbubuhat ang paghanga ng mga lalaki. Dahil lumaki sa kilusan, malakas at maliksi ang dalaga; ang kaniyang kayumangging balat ay sanay sa pawis na dulot ng mainit na sikat ng araw at sa putik ng bundok na hatid ng madalas na pagkukuta roon. Parati nang nakapusod ang itim niyang buhok na kaniyang itinuturing na sagabal sa pagkilos. Tahimik si Sining at bihirang ngumiti, kaya para sa mga binata sa kilusan, siya ay isang mailap na bulaklak na marapat paghirapan bago mapitas.

Sabay na dumating ang magkababata sa hapag kainan ng bahay kung saan nagaganap ang pagpupulong. Madilim ang silid, at ang tanging liwanag ay handog ng nag-iisang lamparang gasera na nakasabit sa kisame. Napansin niyang walang kasalukuyang nakaupo sa ulo ng mahabang mesa na laging kinalulugaran ng kaniyang Tiyo Gani. Madalas kasi ay mag-isa lamang kung lumakad ang kaniyang tiyuhin sa mga misyon nito para sa kilusan. Marami-rami na ring pinaslang na kastila si Kapitan Gani gamit ang sarili nitong paraan. Para sa mga katipunero, isa siyang matapang na pinuno; para naman sa kinauukulan, siya ay mailap na rebeldeng kilala lamang nila sa alyas na Sobre Rojo. Sa tabi upuan ng tiyuhin, naroon ang isang matandang babaeng kilala niya sa tawag na Tiya Olga, ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ama at tiyuhin. Ang kaniyang tiyahin ay nagtatrabaho bilang labandera ng alcalde mayor ng Bulakan. Puti ang buhok at pandak, nangitim na ang labi ng matanda mula sa madalas na pagnganganga. Matagal na panahon na siyang hindi nakikita ni Sining, at halos hindi niya nakilala noong umpisa sa dami ng kulubot na nagsisulputan sa mukha.

“Zenaida,” bati ng matanda na agad tumayo sa kinauupuan. Inalok niya ng yakap si Sining na pinaunlakan naman ng dalaga.

“Ikaw na pala iyan! Ay kay laki mo na a! Kailan ba tayo huling nagkita, noong libing pa ng mga magulang mo!”

Nawala ang ngiti sa labi ni Sining sa pagkakabanggit ng mga magulang ngunit sinimulan na ni Tiya Olga ang pag inspeksyon sa dalaga.

“Ay! Bakit ganiyan ang iyong braso, ang daming pasa! At ang iyong kamay, apatnapung taon na ako naglalaba ngunit hindi naging ganiyan kagaspang ang mga kamay ko. Ay Zenaida, saan ka ba nagsususuot!,” bulalas ng matanda. Hindi pa sana tapos ang kaniyang tiyahin ngunit may pumigil sa kaniyang tinig.

“Mamaya na kayo magkwentuhan, ate. Marami tayong mahalagang pag-uusapan,” sabi ng isang boses na nagmula sa pintuan. Nagtayuan ang lahat ng miyembro ng kilusan na nasa silid ng makitang dumating ang kanilang kapitan.

“Ay! Isagani, bakit ka nanggugulat, kailan ka pa dumating?” ika ni Olga kay Kapitan Gani. Marumi ang damit at putikan ang mukha ng kapitan na nakatayo sa may pintuan ng madilim na silid. Kung hindi pa nagsalita ay di siya mapapansin sa sobrang itim ng kaniyang kamiseta. Napansin ni Sining na tila namayat ang tiyuhin sa dalawang linggong hindi pagkikita. May bahagyang pagtubo rin ng balbas na nagsisimula nang pumuti sa kaniyang baba. Ang buhok ng kapitan na hanggang balikat ay tila di pa nakatikim ng suklay. Tulad ng buhok sa kaniyang mukha, halata na rin ang pagputi ng ilang hibla ng buhok na matatagpuan malapit sa parati niyang nakakunot na noo. Tila paika-ika rin ang lakad ng kapitan.

“Magsiupo na kayong lahat,” hindi pinansin ni Kapitan Gani ang pabati ng kapatid at tumungo sa ulo ng mesa upang doon ay maupo. Kukuha na sana ng silya si Sining ngunit inunahan siya ni Lucas na humila ng isang upuan para sa dalaga.

“Sining, alam kong matagal mo ng hinihintay ang pagdating ng araw na mabibigyan ka ng kilusan ng sarili mong misyon,” panimula ni Kapitan Gani. Napangiti si Sining sa narinig at tumango. “Matagal na naming hinahanap ang tumpak na tiyempo upang maisagawa ang matagal ng plano ng kilusan. Ikaw lamang ang makagagawa ipagagawa namin. Nagpadala ng liham ang iyong Tiya Olga na siya’y may magandang balita kaya’t umuwi ako kahit hindi pa tapos ang aking misyon upang makasabay sa kaniyang pagdating galing Bulakan. Ikaw lamang ang makagagawa ng ipagagawa namin.”
Nasa gilid na ng kaniyang upuan si Sining, inaabangan ang balitang dulot ng kaniyang Tiya Olga. Napansin niyang gayon din si Lucas.

“Dalawang linggo na ang nakararaan, bumalik sa Pilipinas ang nag-iisang anak ni Don Arturo Buenaventura, ang alcalde mayor na lingguhan kong pinaglalaba ng damit. Isang taon sa Espanya ang kaniyang anak, tumira sa mga magulang ng kaniyang ama upang doo’y mag-aral ng pagpipinta..,” panimula ni Olga ngunit nahinto ng marinig ang pagtawa ni Sining.

“Paumanhin, natawa lamang ako na itinuturing niyang mahalaga ang pagpipinta upang ito’y pag-aralan pa sa Europa, ako ngang hindi marunong magbasa ni sumulat..,” ani Sining. Tinanguan ni Kapitan Gani ang kapatid na nagsasabing maari na itong magpatuloy.

“Maria Rosario Ophelia ang pangalan niya, Ophelia para sa nakararami. Doon na siya ipinanganak sa Malolos at matanda ka lamang sa kaniya ng ilang buwan,” pagpapatuloy ni Olga. Hindi makita ni Sining ang kuneksyon ni Ophelia sa ipagagawa sa kaniya ng Katipunan ngunit pinili na lamang nitong patapusin ang tiyahin.

“Nang dumating si Ophelia ay agad siyang pinakilala ng kaniyang ama kay Camilo de Guzman, isang mayamang insulares na nais na ipakasal ng kaniyang ama sa kaniya. Ngunit napansin ni Don Arturo na naging matigas ang ulo ni Ophelia dahil ayaw nitong harapin ni isa sa mga manliligaw. Sinisisi ni Arturo ang pag-aaral ni Ophelia sa Europa sa ginagawa ngayong pagsuway sa kaniya. Dahil wala ng ina si Ophelia, iminungkahi ni Camilo kay Don Arturo na ikuha ang anak ng isang yaya na kaniyang ka-edad, isang dalagang Pilipinang magtuturo at magpapakita kay Ophelia ng mga dapat iasal ng isang babae. Isang kaibigan na maaaring tumulong mapalapit ang loob ni Ophelia kay Camilo. Naroon ako habang sila’y nag-uusap at tinanong ako ni Camilo kung mayroon akong kilalang ganoong babae. Nabanggit ko sa kaniya na mayroon akong pamangkin sa Laguna na labing-anim na taong gulang at naging maayos ang pagpapalaki. Pumunta ako dito upang sunduin ka dahil nais kang makilala ni Don Arturo at Camilo de Guzman,” kuwento ni Olga.

Naintindihan na ni Sining sa wakas ang misyong ipagagawa at siya ay nadismaya.

“Hindi! Hindi ako nagpakadalubhasa sa pagbaril at pangangabayo ng maraming taon upang mag-alaga lamang ng isang insulares na walang alam sa buhay!,” reklamo ni Sining.

“Tumahimik ka,” sagot ng tiyuhin.

“Ay, Zenaida! Patapusin mo muna ako. Hindi mo ba nakikita kung gaano kahalaga na makuha mo ang loob ni Ophelia? Magagamit natin siyang armas laban sa kaniyang ama pagputok ng rebolusyon. Matagal ko na ring pinagmamanmanan si Don Arturo sa aking paglalaba para sa kaniyang pamilya. Paborito siya ng Gobernador-general sa lahat ng alcalde mayor at mahalaga ang kaniyang posisyon sa gobyernong nais niyong pabagsakin!,” sagot ni Olga.

“Isa pa, si Camilo de Guzman ay isang bata ngunit ambisyosong kapitan ng mga gwardya sibil. Alam kong matagal na niya akong tinutugis simula noong pumaslang ako ng mag-asawang kastila sa nasasakupan niya sa Nueva Ecija. Kahapon ay nakaenkwentro ko ang kaniyang grupo at muntik na niya akong mahuli. Hindi nagtagumpay ang aking misyon,” ani Kapitan Gani. Dinukot niya mula sa bulsa ng pantalon ang isang puting sobre at initsa ito sa mesa.

Nakuha ng Kapitan ang alyas na Sobre Rojo sa paraan niya ng pagbabalita sa mga magiging biktima ang nakaririmarim nilang kapalaran. Isang puting sobre na may patak ng dugo ang ipadadala niya sa bahay nang pinagbabantaan. Kinabukasan, sisiguraduhin ni Sobre Rojo na mabababad sa dugo ng biktima ang sobre na iyon, dahilan upang ito’y magkulay pula; babala sa kinauukulan na naghasik siya ng lagim sa bahay na iyon.

“Sining, kapag nakuha mo ang loob ni Ophelia, at nagtagumpay kang ilapit ang loob niya kay Camilo, hindi lamang isang alcalde mayor kundi isang kapitan din ng gwardya sibil ang mapapaikot natin sa ating mga kamay!,” paliwanag ni Kapitan Gani sa pamangkin.

“Huwag niyo akong maliitin. Kaya ko ring makipagbarilan sa mga gwardya sibil, iyon ang gusto kong misyon,” sagot ni Sining.

“Alam namin kung ano ang kaya mong gawin, ngunit kung iyon lamang ang maibabahagi mo sa kilusan, wala kang gamit sa amin, Zenaida,” ani Kapitan Gani. Napansin ni Sining ang hindi pagtawag ng tiyuhin sa kaniyang palayaw na naging hudyat na tapos na ang usapan.

Bumuntong hininga si Sining at inisip ang malaking papel na gagampanan sa kilusan. Hinanap niya ang mukha ni Lucas sa kaniyang tabi. Tumango lamang ang binata.

“Gagawin ko,” sagot ni Sining na wala nang nagawa pa.

“Ay! Mabuti kung gayon. Nakapag-impake ka na ba? Pagputok na pagputok ng araw kinabukasan, tutulak na tayo patungong Bulakan,” sabi ni Olga.

“Sasama ako,” unang beses na narinig ang tinig ni Lucas sa pagpupulong.                                                                                 “Ay!, eto ba ang kinukwento mong manliligaw ni Zenaida, ha Isagani?,” tanong ni Olga sa kapatid. “Huwag kang mag-alala, binata, linggu-linggo akong pumupunta sa bahay ni Don Arturo. Hindi ko pababayaan ang aking pamangkin.”

“Maski na po. Mapanganib kung walang kasamang lalaki si Sining pagdating niya sa Bulakan, baka kung ano pa ang mangyari, hindi tayo nakasisiguro,” sagot ni Lucas.

“Walang mapanganib sa misyon ko, Lucas. Ni wala akong hahawakang bolo!  Ang tanging matalim na bagay na maaari kong hawakan ay karayom habang sabay kaming nagbuburda ni Ophelia, nakatanaw sa ilog at bumubuntong hininga; nagpapasalamat sa isang buhay na walang kahirap hirap,” sagot ni Sining, nanunuya. Bagama’t pangalan pa lamang ang kaniyang nalalaman, napupuno na ang kaniyang damdamin ng poot para sa babaeng kailangang kaibiganin.

“Tama na ‘yan, Zenaida! Mula ngayon ayoko ng makarinig ng reklamo mula sa iyong bibig,” ani Kapitan Gani na napahampas sa mesa. “Patawarin mo ako, Lucas, ngunit di ka pa maaaring sumama. Hindi pa tapos ang pinagagawa ko sa iyo sa Kabite. Pasusunurin na lamang kita. Tapos na ang pulong na ito.”

Tumayo na si Kapitan Gani sa kinauupuan at lumabas ng silid kasama ang iba pang mga pinuno ng kilusan; naiwan na lamang si Lucas, si Sining at ang kaniyang tiyahin.

“Ay! Tabi raw tayong matutulog ayon sa tiyuhin mo. Patawarin mo ako, iha, at naninipa ako pag nahimbing!,” ani Olga kay Sining. “Hala, at samahan mo ako sa silid, nais kong makapagpalit ng damit bago tayo maghapunan.”
Sumunod si Sining sa tiyahin palabas ng silid hanggang ngunit hinawakan siya ni Lucas sa braso upang pigilan.

“Sining, sandali lamang. Mamaya, matapos nating maghapunan at bago ka matulog, maaari ba kitang makausap, kahit kaunting sandali?,” tanong ni Lucas.

“Oo naman, Lucas. Kailan mo pa kinailangang magpaalam upang ako’y makausap?,” sagot ni Sining, at sinundan ang tiyahin paakyat ng hagdanan.
——————————————

Matapos ang payak na hapunan ng tortang talong, kamatis at kanin, nagpunta na sa kani-kaniyang mga silid ang mga miyembro ng Katipunang nagkukuta noon sa bahay ni Lim Ho. Iniwan ni Sining ang kaniyang tiyahing nagrorosaryo at sumunod sa harding nakapaligid sa bahay kung saan naghihintay si Lucas.

Nakasuot na ang binata ng berdeng pantulog na pantalon at isang lumang-lumang kamiseta nang datnan ni Sining. Magulo ang dating nilangisang maikling buhok ni Lucas. Sa ilalim ng liwanag ng bilugang buwan, kumikinang ang makakapal niyang bisig na pinagtibay na ng pakikibaka para sa kilusan. Disi-otso pa lamang si Lucas, ngunit ang dami ng kaniyang napagdaanan ay nababakas sa ilang maliliit na kulubot na nagsisimula nang lumabas sa gilid ng bilugan niyang mga mata.

Kagaya ni Sining, sa mga mata ni Lucas nababanaag ang tunay niyang edad. Hindi gaanong matangkad si Lucas ngunit matikas. Isa siyang manginigsda sa bayan nila sa Bikol, bago sumapi ng tuluyan sa kilusan. Ang ama ni Lucas ay isa ring katipunero at matalik pang kaibigan ng kaniyang tiyuhin, kaya’t naging malapit na kaibigan siya ni Sining magbuhat noong sila’y bata pa. Sa katotohanan, si Lucas ang nag-iisang tinuring ni Sining na kaibigan, ang tanging taong kaniyang pinagkakatiwalaan.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                    “Lucas?,” tawag ni Sining sa gitna ng dilim. Lumapit ang dalaga sa lalaki, natapakan na ang maliliit na damong ligaw na nagsisitubo sa napabayaang hardin.

“Mabuti naman at nakarating ka, Sining,” sagot ni Lucas sa bagong dating. Ikinunot niya ang noo, waring iniisip ang susunod na sasabihin.

“Anong bumabagabag sa iyong kaisipan?,” tanong ni Sining. Ngayon, higi’t kailanman, tumanda ang mukha ng matalik niyang kaibigang kinagigiliwan ng maraming babae sa Bikol.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mahigit isang taon na rin akong nanliligaw sa iyo,” sagot ni Lucas. Napayuko si Sining, nag-aalinlangan.

“Lucas, alam mo namang kung may lalaki na gugustuhin kong maging kasintahan, ikaw lamang iyon at wala ng iba pa, ngunit sadyang hindi ang bagay na iyan ang iniisip ko sa ngayon,” sagot ni Sining.

“Alam ko, at iginagalang ko iyon,ngunit hindi mawaglit sa aking isipan na tila hinahabol tayo ng oras, Sining. Ayaw ko mang isipin ngunit baka hindi na tayo abutin ng panahon na maging malaya upang isipin naman ang kaligayahan ng sarili. Heto nga’t aalis ka na bukas at pupunta sa malayo at gayon din ako,” sabi ni Lucas na kinuha ang mga kamay ni Sining. “Aking kaibigan, sana ako’y iyong pagbigyan. Kung totoo man ang sinabi mo na ako lamang ang lalaking gusto mong maging kasintahan, hayaan mo sanang ako’y maging kasintahan nga sa iyo. Gusto kong lumaban sa himagsikan na may insipirasyon na manatili pang buhay.”

“Lucas..,” pag-aalinlangan ni Sining.

“Huwag ka munang humindi. Nawa’y pag-isipan mo, Sining. Magpaturo ka kay Ophelia kung paano sumulat at sulatan mo ako ng iyong sagot,” ani Lucas. Nanigas ang tindig ni Sining sa pagbanggit ng pangalan ni Ophelia.

“Hindi ko na kailangan ng isang anak mayaman upang masabi ang aking nararamdaman,”  ani Sining na may halong inis.

“Pumapayag na ako,” sagot ni Sining.

Napahiyaw si Lucas sa tuwa sa narinig na balita. Agad na nilagay ni Sining ang hintuturo sa sariling bibig upang patahimikin ang nobyo.

“Ano ka ba naman, Lucas? Natutulog na ang lahat,” ani Sining na nakangiti.

“Patawarin mo ako, mahal ko, masyado mo akong pinaligaya sa sagot mo,” ani Lucas. “Sana lamang ay nakikita nilang lahat kung gaano ako kasaya ngayon.”

“Masaya rin naman ako, Lucas, alam kong ikaw lang ang taong nagtitiwala sa akin at sa aking mga kakayahan,” sagot ni Sining.

“Tungkol ba iyan sa misyong ipinagagawa sa iyo?,” tanong ni Lucas. Pinagmasdan ng binata ang mata ng dalaga at ito ay tumango.

“Kay tagal kong nagpakahirap upang mapansin ng kilusan dahil nais kong ipaghiganti ang pagkamatay ng aking mga magulang. Doble pa ang aking isinakripisyo kaysa sa inyong lahat, dahil ako ay isang babae. Nagtagumpay ako, Lucas, alam kong ako’y magaling, kailangan ko lamang itong patunayan sa digmaan. Ngunit ayaw ibigay sa akin ni Tiyo Gani ang pagkakataon na iyon. Gagawin akong yaya ng isang anak mayaman!,” ani Sining.

“Makinig ka sa akin, Sining. Nagsasabi lamang ako ng totoo; sa isang himagsikan, walang saysay ang pansariling pagpupunyagi. Kailangan mong makita ang buong larawan, at ang katunayan ay napakahalaga ng papel na iyong gagampanan. Ilang baguhang miyembro ng kilusan ang kikitil upang mabigyan lamang ng ganiyang karangalan, ngunit hindi rin sila nabigyan ng pagkakataon. Iyan ay dahil ikaw lamang ang maaaring makaganap ng misyong ibinigay sa iyo, at alam mo ‘ yan,” sagot ni Lucas.

“Oo, ngunit hindi ako titigil, Lucas. Gagawin ko ang ipinagagawa sa akin at gagawin kong ng mabuti. Ngunit sasama ako sa inyo pagdating ng himagsikan,” ani Sining.

“Hindi ko gusto ang balak mong ito. Nais ko sanang pagkatapos ng himagsikan ay pakasalan ka na at bumuo ng pamilya. Kailangan mong manatiling ligtas,” sagot ni Lucas.

“Maaaring nobya mo nga ako, ngunit hindi mo ako pag-aari, Lucas. Mayroon akong sariling desisyon,” ani Sining. “Matutulog na ako, maaga pa akong gigising bukas.”

“Mabuti pa nga. Ang mga usapang ganito ay hindi madadaan sa init ng ulo. Dapat nga sigurong itulog at ipagpabukas natin,” sagot ni Lucas. Pinili ng binata na pagbigyan ang nobya. Tumungo siya sa may harap ng bahay upang pagbuksan ng pinto ang dalaga at nagpunta na ang dalawa sa kani-kaniyang silid.

——————————–

Pagbaba pa lamang ni Sining at Tiya Olga sa hapag kainan ay may nakahanda ng almusal para sa kanila. Pritong itlog, sinangag at inihaw na tawilis ang nasa mesa, pawang mga pagkaing paborito ni Sining.

“Kain na, mamayang tanghalian na ang susunod ninyong kain kaya’t maigi na magpakabusog kayo. Pinaghanda ko kayo,” ani Lucas na nagtitimpla ng kape sa isang sulok. “Aling Olga, pasensya na at nakalimutan kong itanong kay Sining kung ano ang gusto ninyong almusal.”

“Ay! Ayos na ako, iho, pareho naman kami nitong nililigawan mo ng paborito e,” sabi ni Tiya Olga na umupo na sa mesa.

“Aling Olga, ayos lang po ba kung tatawagin ko na rin kayong tiya? Hindi ko na po kasi nililigawan ang pamangkin ninyo,” ani Lucas. Napatingin siya sa nobya na nagmamadaling umiling. Hindi pa nais ni Sining na may makaalam ng kanilang relasyon.

“Ay! Ano kamo? Ay sumuko ka na sa panliligaw sa pamangkin ko?,” ani Tiya Olga na nagsasandok ng kanin sa pinggan.

“Wala po iyon,” sagot ni Lucas. Hindi lingid kay Sining ang simangot sa kaniyang mukha.

“A, mabuti pang kumain na lang tayo, Lucas, hindi mo ba kami sasabayan?,” pagmamadaling alok ni Sining na bumunot na ng silya upang upuan.

“Oo naman,” sagot ni Lucas na umupo na rin upang makisalo.

Nag-almusal at nagkwentuhan ang tatlo hanggang sa pagdating ng kutserong maghahatid sa mag-tiya papuntang Malolos.
Mas maaga pang nagsialis ang ibang katipunerong nagkukuta sa bahay ni Lim Ho kaya’t si Lucas na lamang ang naroon upang ihatid ang dalawa palabas ng pinto. Ikinarga ng binata ang tampipi ni Sining sa kalesa habang nakipagusap si Tiya Olga sa kutsero nito.

“Sining,” panimula ni Lucas.

“Pasensya ka na kagabi,” ani Sining na iniyukod ang mukha. Sinapo ni Lucas ang kaniyang baba upang tingnan siya sa mata.

“Wala iyon, ngunit hindi ako nagbibiro, Sining. Pagkatapos ng himagsikan ay pakakasalan kita,” ani Lucas.

“Tingnan natin kung ano ang mangyayari, Lucas,” sagot ni Sining. Sasakay na sana si Sining sa kalesa ng hawakan siya ng nobyo sa braso.

“Sining, maaari ba akong humiling?,” ani Lucas. Dagli niyang pinagmasdan ang si Tiya Olga at ang kausap na kutsero na nakatalikod sa di kalayuan.

“Pahingi naman ng isang halik,” patuloy ng binata. Umiling si Sining nang nakangiti at ipinatong ang mga kamay sa balikat ng nobyo. Inilapat niya ng sandali ang labi sa pisngi ni Lucas at sumakay na sa kalesa.

“Salamat,” ani Lucas na kadidilat lamang.
Maya maya pa’y pumwesto na ang kutsero sa harapan ng kalesa at si Tiya Olga sa tabi ni Sining.

“Bahala ka na muna dito sa bahay,” ani Sining kay Lucas.

“Ako naman ang bahala sa pamangkin ko, huwag kang mag-alala,” ani Tiya Olga.

“Maraming salamat po,” sagot ni Lucas na nagmano sa matanda.

“Hiya!,” sigaw ng kutsero na nilatigo ang payat na itim niyang kabayo.

“Ay susme! Bakit ka ba nanggugulat?,” ani Tiya Olga na napakapit sa dibdib. Natawa ng sabay sabay si Sining, Lucas at ang kutsero. Ilang sandali pa ay nagsimula nang umusad ang kabayo.

Kumaway ang dalawang pasahero at nagpaalam kay Lucas tumulak ang kabayo palayo ng bahay.

“Sining!,” sigaw ni Lucas sa palayo ng kalesa. “Susunod ako agad kapag pinayagan ako ng tiyo mo!”

Ngunit wala na ang kalesa sa kaniyang paningin.

8 responses »

  1. Hello! Parang dapat asa CAL ka? Hehe!

    I enjoyed reading Episode 1, at parang pagpupuyatan ko ata ang episode 2 and 3. Haven’t watched Fingersmith, Tipping the Velvet palang. Maganda ba?

    Thanks pala sa pagsusulat mo at least may nababasang na lez literature kahit online.🙂

  2. @katqt Fingersmith pa lang ang nababasa at napapanood ko, at nagustuhan ko naman, pero maraming nagsasabing wala pa ito sa kalingkingan ng Tipping the Velvet

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s