Sobre Rojo (Episode 3): Ang Mukha sa Larawan

Standard

This is an adaptation of Sarah Waters’ Fingersmith.

The two women meet for the first time.

The episodes are compiled in the Shows tab.

Ibinaba ni Don Arturo Buenaventura ang liham ni Camilo de Guzman sa makintab na mesa ng kaniyang opisina. Humithit ang alcalde mayor mula sa kaniyang tabako at ibinuga ang usok nito ito ng dahan dahan. Lumikha ang kulay puting usok ng mga hugis bilog sa espasyo sa pagitan nilang dalawa.

“Tila alam talaga ni Camilo de Guzman ang mga hilig ko,” sambit ng alcalde mayor. Hinimas himas ng matanda ang kaha ng mamahaling tabakong galing pa sa Lambak na Cagayan na ipinadala ng binata kay Sining bilang regalo. Ngumiti ang makakapal na labi sa ilalim ng puti niyang bigote. Tila hindi pa nag-aahit ang matanda sapagkat napaliligiran nang patubo pa lang na balbas ang kanyang baba. Ipinikit ni Don Arturo ang mga matang kulay-abo habang humithit ng usok mula sa tabakong nasa bibig.

“Pinasadya pa ni Señorito Camilo ang mga iyan sa Cagayan para sa inyo,” ani Sining. Tumango and alcalde mayor at bumuga ng usok.

“Sino kamo ang iyong ama?,” tanong ni Don Arturo. Tinitigan niya ang mga mata ni Sining at hindi kumurap ang dalaga.

“Si Diego Abad po, isang sakada ng kapirasong bahagi ng lupain ninyo sa Laguna,” inilahad ni Sining ang kuwentong inimbento mismo ng amain niyang si Kapitan Gani.

“Tila may naaalala nga akong Diego Abad, sa Sta. Rosa ba kamo?,” tanong ni Don Arturo. Sumandal ang alcalde mayor sa likuran ng lumba-lumbang kahoy na upuan at muling humithit ng usok.

“Hindi po, sa San Pedro po,” muling Sagot ni Sining.

“O siya,” tiniklop ni Don Arturo ang liham ni Camilo de Guzman at isinilid sa tukador ng kaniyang mesa. “Dahil inirekumenda ka mismo ni Camilo na isang mabuting lalaki, hindi ko na ki-kwestyunin pa ang iyong pinanggalingan. Wala kang kailangang alalahanin sa mga gawaing bahay. Ang aasikasuhin mo lamang ay ang aking anak. Naipaliwanag na siguro sa iyo ni Camilo kung ano ang kailangan mong gawin sa kanya,” ani Don Arturo.

“Maliwanag na po ang lahat,” sagot ni Sining. Yumuko ang dalaga at itiniklop ang mga kamay sa harap ng kupas na itim na palda.

“Sige, makaaalis ka na. Naghihintay si Amparo sa labas, siya ang mayor-doma sa bahay na ito at siya na ang bahala sa iyo. Lumabas ka na ng opisina ko at marami pa akong gagawin,” ani Don Arturo. Dinurog niya ang dulo ng tabako sa bughaw na lalagyan ng abo sa kaniyang mesa kung saan naroon ang ilang upos. Kinuha ng alcalde mayor ang nakarolyong mapa sa tabi ng lalagyan ng abo at ibinukadkad ito sa ibabaw ng mesa. Hindi na niya napansin pa ang marahang pagpinid ni Sining sa pintuan ng silid habang kaniyang pinag-aaralan ang larawan ng nasasakupang iginuhit sa itim na tinta.

Isang seryosong mukha ang nag-aabang kay Sining pag labas niya ng opisina ng alcalde mayor. Higi’t limampung taon ang tanda ni Hermana Amparo sa pakiwari ni Sining. Sa kulubot niyang pisngi nakapinta ang isang simangot, at hindi tulad ng kaniyang Tiya Olga, hindi nakangiti ang kaniyang mga mata. Kaiba rin sa kaniyang tiyahin, ang mayor doma ay halos kasing tangkad ni Sining at matikas pa ang tindig. Ang kulot at puti niyang buhok ay itinali sa isang mahigpit na pusod na nagpasingkit sa mga mata niyang malamig. Suot niya ang isang puting kamisetang pinalutong ng gawgaw sa ibabaw ng berdeng palda.

“Ikaw ang kinuha nilang magyaya kay Señorita Ophelia?, tumagal ka naman kaya?,” bati ng mayor doma kay Sining. Hindi sumagot ang dalaga at sinundan ang matandang nagsimula nang maglakad.

“Nakakailang yaya na ang batang iyon, pinakahuli ang kapatid ko, ngunit walang tumatagal. Ang akin lamang, kung ang matatanda nga ay hindi kayang mapasunod si Ophelia, ano ang magagawa mo, ikaw na kaedad lamang niya? Ngunit kung pinagkakatiwalaan ka ni Don Arturo, sino ako para kumontra,” patuloy ng matanda. Bumaba ang dalawa sa malapad na marmol na hagdan patungo sa sala kung saan naroon ang magarbong muwebles na galing Cebu. Nagmukhang kakaunti ang mga babasagin sa bahay ni Doña Isabel kung ikukumpara ito sa bahay ng alcalde mayor. Tatlong magkakaibang altar ng mahal na birhen, Sto. Niño at Sto. Kristo ang makikita sa sala ng bahay. Sa malapad na puting pader sa likod ng mga muwebles ay nakasabit ang isang larawang ipininta sa langis. Nasa larawang iyon ang alcalde mayor, hindi pa namuti ang buhok at nakasuot ng itim na unipormeng pang sundalo. Nakaguhit sa kaniyang tabi ang isang babaeng nakaupo sa silyang kulay pula ang kutson. Nakalugay ang mahaba niyang kayumangging buhok sa ibabaw ng asul na ternong kaniyang suot. Maputi ang mukha ng babae at pulang pula ang mga labing nakangiti; tulad ng mga mata niyang berde na nagliliwanag.

“Iyan ang nasirang si Doña Guada, ang ina ni Ophelia,” turo ni Hermana Amparo sa larawan. Maamo ang dating ni Doña Guada sa tabi ng matigas na tindig ng kaniyang asawa. Tumango si Sining, manghang mangha sa ganda ng babae sa larawan, bago muling sumunod sa mga yabag ng mayor doma.

Tumungo ang dalawa sa silid kung saan naroon ang mahabang hapag-kainan. Labing-dalawang tao ang kayang iupo ng mga silyang may pulang kutson at inadornohan ng gintong pintura. Sa gitna ng mesa ay may gintong kandelarya at ilang mangga, saging at makopang nililok mula sa kahoy at inayos sa pilak na pinggan.

“Dito kumakain si Don Arturo at mga bisita niya, ngunit si Ophelia ay sa silid lamang niya kumakain. Mula ngayon ikaw na ang magdadala sa kaniya ng kaniyang almusal, tanghalian at hapunan. Pagkatapos niyang kumain ay maaari ka nang magpaalam sa kaniya upang ika’y makakain na rin,” lahad ng mayor doma. Tumungo sila sa isang maliit na pintuan sa likod ng hapag-kainan at binuksan ito.
Sa loob ay may isang payak na silid kung saan naroon ang isang mesang bilog na gawa sa kahoy at ilang upuan.

“Dito kumakain ang lahat ng utusan ng bahay pagkatapos kumain ng mga amo. Sa likod nito ay ang kusina, ngunit wala ka ng kailangang alalahanin dahil ipagluluto ka na rin ni Manang Tacing. Wala ka na rin kailangang pag-abalahan pa sa ibang gawaing bahay. Ang lilinisin mo lamang ay ang iyong silid at lalabhan ang iyong mga damit. Maging ang silid ni Ophelia ay may ibang taga-linis, nagkakaintindihan ba tayo?,” taning ng mayor doma at tumango si Sining.

“Kung gayon ay tara na sa iyong kuwarto,” sambit ng mayor doma. Lumabas ang dalawa sa maliit na silid na iyon at sa hapag kainan. Muli nilang nadaanan ang sala at ang mga altar ng sila’y umakyat sa malapad na marmol na hagdan. Sinulyapan ni Sining ang babaeng katabi ni Don Arturo sa larawan sa sala at muling namangha sa ganda nito, bago tuluyan sumunod sa mayor doma paakyat.

Lagpas pa sa opisina ni Don Arturo, naglakad ang dalawa sa madilim na bulwagan ng ikalawang palapag. Huminto ang mayor doma sa harap ng isang abuhing pinto at inilabas ang kumpol ng mga susi mula sa kaniyang bulsa. Ilang sandaling hinanap ni Hermana Amparo ang maliit na kalawangin susi na sasakto sa susian ng pintuan. Binuksan ito ng matanda para kay Sining.

“Halika,” sumenyas ang matanda kay Sining at pumasok ang dalaga sa isang maliit na silid. Itinulak sa gilid ng kuwarto ang isang kamang pang-isahan na may kutson, sa ilalim ng bintanang gawa sa Capiz. Tanaw mula sa bintanang iyon ang palengke ng Malolos at ang kalsadang kanilang dinaanan kanina patungo sa bahay ni Doña Isabel. Nakapako sa isang gilid ng puting pader ang isang bilugang salamin.  Sa ilalim nito ay mayroong lamesita kung saan nakapatong ang  isang balde. Sa may gilid ng magiging kama ni Sining ay nauna na ang kaniyang malaking tampipi.

“Iniakyat na ng hardinero kanina ang gamit mo. Maaari mong gamitin ang tukador na iyan,” ani Hermana Amparo sabay turo sa maliit na kahoy na tukador sa tabi ng lamesita. Walang ipinaglayo ang silid ni Sining sa bahay ng alcalde mayor sa kaniyang naging silid sa bahay ni Lim Ho, bukod sa gawa sa kahoy at hindi sa sawali ang mga pader. Nakita ni Sining ang isang pintuan sa may paanan ng kaniyang kama at itinanong ito sa mayor doma.

“Iyan ang pintuang nagdudugtong sa mga silid ninyo ni Ophelia. Huwag na huwag mong bubuksan iyang hangga’t hindi ka niya tinatawag. Hindi ka pa niya kilala at hindi nya alam na may bago na siyang yaya. Maaari kitang ipakilala mamayang gabi, ngunit sa ngayon ay ayaw niyang naiistorbo sa kaniyang pagpipinta,” lahad ng mayor doma.

“Naiintindihan ko po,” sagot ni Sining. Ginalugad ng kaniyang mga mata ang bagong tahanan.

“O siya, magpahinga ka na muna at tatawagin na lamang kita kapag magdadasal na tayo mamayang alas sais,” ani Hermana Amparo. Wala ng sinambit pang salita, tinalikuran ng matanda ang dalaga at isinarado ang pintuan sa silid sa kaniyang pag-alis. Naiwang mag-isa si Sining sa loob ng tahimik niyang kuwarto. Ang tanging ingay na maririnig ay galing sa mga yabag at sigawan ng mga tao sa palengkeng natatanaw sa bintana. Lumakad si Sining patungo sa kaniyang kama at sumlyap sa palengke. Ang kuwarto nila ni Ophelia ay nasa likurang bahagi ng bahay kaya’t ngayon’y nakasisigurado na siya na ang babaeng nakita niya kaninang nakadungaw bintana ay ang nasabing dalaga. Hindi niya namukhaan ang babaeng iyon, ang tanging alam niya ay may mga braso itong mapuputi, at mahabang buhok na nagkukulay ginto sa ilalim ng matinding sikat ng araw.

Sinubukan ni Sining kung kaya niyang makakilala ng mukha ng isang tao sa palengkeng natatanaw mula sa layo ng kaniyang bintana. Lumabas ang kabang naipon sa kaniyang dibdib ng madiskubreng wala siyang makilalang mukha mula sa agwat ng kaniyang kinatatayuan. Isinarado ni Sining ang bintanang capiz at naglakad patungo sa dingding na naghihiwalay ng kwarto nila ni Ophelia. Inilapat niya ang tainga sa pader at nakinig.

Kumabog ang dibdib ni Sining nang marinig ang unang kaluskos ng saya at yabag ng mga paa mula sa kabilang kuwarto. Nasa kabilang bahagi ang babaeng kaniyang kinamumuhian at pader na lamang ang pagitan bago niya makita ang itsura nito. Nagalak siyang isiping naririnig niya ang bawat galaw ni Ophelia lingid sa alam ng dalaga. Sa ganitong paraan, palagay ni Sining ay nautakan na niya ang babae, at ito’y nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob. Sinundan ng dalaga ang tunog ng mga yabag, at naglakad ng dahan dahan sa gilid ng pader. Dahil nakahalik ang mukha sa manipis na kahoy na dingding sa pagitan ng kanilang mga kuwarto, hindi napansin ng morena ang tubig sa sahig na dulot ng tumutulong kisame sa bahagi na iyon ng silid. Tainga sa pader, natapakan ni Sining ang basang parte ng sahig at siya ay nadulas.

“Anak ng!,” pinigilan ng dalaga ang mapamura sa tindi ng sakit na nadama nang tumama ng malakas ang kanang bukongbukong sa paa ng lamesita. Naramdaman ni Sining ng maipit ang isang ugat sa kanyang paa at umakyat ang kirot patungo sa kaniyang tuhod. Ilang sandaling tinitigan ng dalaga ang paang hindi maigalaw habang nagpipigil ng pagsigaw at ng luha. Itinukod ni Sining ang mga kamay sa sahig at sinubukang tumayo nang marinig niyang magbukas ang pintuang patungo sa silid ni Ophelia.

“Sino ka?,” tanong ng tinig na nagmula sa pintuang bahagyang nakabukas. Sandaling nalimutan ni Sining ang sakit na nadama nang marinig ang tinig na iyon mula sa kaniyang likuran. Siya na lumaking naririnig lamang ay ang mabababang tinig ng mga lalaki sa kilusan at matitinis na boses ng madadakdak nilang asawa ay namangha nang marinig ang tinig mula sa pintuan. Kahit ang boses ni Lucas na banayad kung humaplos ay hindi niya maikumpara sa mga katagang dumampi sa tainga. Nagpaalala ito kay Sining nga mga gumamela, ng amoy ng putaheng pinakukuluan, at nang kaluskos ng mahabang paldang sumasayad sa mga nagsisisarahang makahiya; babaeng babae. Nagpaalala ito kay Sining sa sarili niyang pagkatao.

Dahan-dahang nilingon ni Sining ang pinanggalingan ng tinig na kinamanghaan. Una niyang nakita ang dulo ng matingkad na itim na paldang bahagya lamang natatakpan ang mapuputing paang walang sapin. Umakyat ang mata ng dalaga sa kahabaan ng itim na tela. Kung saan ito nagtatapos ay nagsisimula naman ang kulay puting blusa na nabahiran ng ilang tilamsik ng pintura: pula, itim at asul. Nakahawak sa susian ng pintuan ang mahahabang daliring nakadugtong sa malambot na kamay at mapuputing braso. Tila minadali ng babae sa pintuan ang pagkakatali sa buhok niyang kulay kayumanggi; ang ilang nakawalang hibla ay nagkulay ginto sa sinag nang palubog na araw na tanaw sa maliit na siwang sa bintanang hindi naisara ni Sining ng todo. Pinaligiran ng mga hiblang ito ang isang bilugang mukha, maputi at may mamula-mulang pisngi. Sa hugis ng kaniyang  mga mata, malarosas na labi at matangos na ilong, tila nasa sala muli ng bahay si Sining, nakatayo sa harap ng larawang ipininta, manghang mangha sa hiwaga ng mukha ng babaeng iginuhit sa tabi ng alcalde mayor.

“Narinig kong may kumalabog, hindi ko alam na may tao pala rito,” ani Ophelia Buenaventura. Bahagyang napanganga ito nang makita ang mukha ni Sining. Nakita ng dalagang nakasalampak sa sahig na kumislap ang mata ni Ophelia ng siya’y makita, kislap na agad na wala. Kumunot ang balat sa pagitan ng dalawang may kakapalang kilay at ang babae sa may pintuan ay sumugod sa tabi ni Sining.

“Anong nangyari?,” sambit ng dalagang naupo sa may paanan ni Sining sa sahig. Inunat niya ang mga kamay na nakulayan ng pintura upang hawakan ang kanang bukongbukong ng dalaga na ngayo’y namamaga na. Pumiglas si Sining ng maramdaman ang mapuputing daliri ng dalaga, dahilan upang muli niyang maramdaman ang kirot sa paa na nagpapikit sa kaniya.

“Huwag kang malikot, titingnan ko lamang,” ani ng dalaga.

“Naku, huwag na po, hindi ninyo marapat hawakan ang aking paa,” sagot ni Sining. Sinubukan niyang hawakan ang kamay ni Ophelia upang ito’y pigilan ngunit di pa man nakadadampi ang kaniyang mga daliri ay nagtayuan ang mga balahibo sa kaniyang mga braso. Iniatras ni Sining ang kaniyang mga kamay nang maramdaman ang pagakuryente ng dulo ng kaniyang mga daliri nang lumapit ang mga ito sa maputing balat ni Ophelia. Tinukod na lamang ni Sining ang kaniyang mga kamay sa sahig at sinubukang tumayo.

“Huwag ka munang tumayo hangga’t hindi ko naibabalik sa dati ang naipit mong ugat, lalo lamang mamamaga ang iyong paa,” ani Ophelia na nakatitig sa dalaga sa sahig. Hinanap ni Sining ang kislap sa abuhin nitong mga mata na kanina’y nakita, ngunit nawala na ito. Hinimas ni Ophelia ang namamagang bukongbukong, hinahanap ang naipit na ugat.

“Hindi po yata marapat na hinahawakan ninyo ang paa ng inyong lingkod,” reklamo ni Sining. Hindi niya gusto ang kasalukuyang posisyon na nakadepende sa babaeng kinamumuhian.

“Ngunit ngayon ako ang iyong lingkod. Kapag naiayos ko na ang iyong paa, maaari na tayong bumalik sa pagkukunwari na binibigyan ako ng kulay ng aking balat ng mas mataas na posisyon kaysa sa iyo, payag ka?,” biro ni Ophelia.

“Hindi ko po kayo maintidihan,” ani Sining na ikinunot ang kaniyang noo.

“Sabihin mo, ilang taon ka na?,” tanong ni Ophelia. Sinimulan niyang masahiin ang bumubukol na sakong ni Sining. Gumawa nang paikot na ritwal ang mapuputing daliri ng dalaga sa namamagang kayumangging paa. Kaiba sa paningin ni Sining ang banayad na paggalaw ng maputlang balat sa ibabaw ng kayumanggi. Batid ng indiyo na malayang hinahaplos ngayon ng insulares ang bahagi niya na alam niyang maging si Lucas ay hindi niya hahayaang mahawakan, kahit na gaano pa kalala ang kaniyang pilay. Ngunit heto siya, nakasalampak sa sahig at walang lakas, nasa ilalim ng awa ng isang babaeng gusto niyang kamuhian.

“Labing anim po,” sagot ni Sining.

“Ako’y sa isang buwan pa maglalabing anim. Sabihin mo, ano ang iyong dahilan upang mamupo sa akin? Maiintindihan ko kung ako’y matanda sa iyo. Ang gulang ng tao ay isang numero, ito ay totoo at hindi maitatanggi. Ngunit ang igalang ako dahil sa ikaw ay aking lingkod, sa tingin ko ito ay isang pagkakamali. Kung igagalang mo ako nais kong paghirapan iyon. Ang paggalang ng isang tao ay nakukuha at hindi itinatatak mula sa pagkapanganak,” sagot ni Ophelia. Diniinan niya ang bawat hagod ng daliri sa nagagalit na mga ugat sa paa ni Sining ngunit hindi ito napansin ng dalaga. Sandaling natigilan ang morena sa mga salitang namutawi sa mga labi ng insulares.

“Isang kasayangan ata ng oras ang subuking paghirapan ang aking paggalang, ngunit ang paggalang ng inyong ama, iyon ang mahalaga,” sagot ni Sining.

“Iniisip ninyong mahihirap na mababa ang tingin namin sa inyo at kayo’y naaapi. Ngunit mababa rin ang inyong tingin sa inyong sarili. Sinasabi mong higit na mahalaga ang pagtingin ng aking ama kaysa sa iyo, ngunit anong ba ang pinagkaiba ninyong dalawa? Pareho kayo ng hangin nilalanghap at lupang tinatapakan,” sagot ni Ophelia. Inikot ikot niya ang paa ni Sining upang maibsan ang pamamaga.

“Ang inyong ama ay iginagalang na alcalde mayor, may kapangyarihan at pinag-aralan. Ako ang hamak na si Zenaida Abad, anak ng isang sakada sa Laguna at ni hindi marunong magsulat ng sariling pangalan, ako ay isang mangmang. Wala akong alam na salitang kastila at hindi ako marunong bumasa. Ang alam ko lamang ay ang salitang mayroon ako, ang tagalog, at sapat na ito para sa akin,” sagot ni Sining, nais ipagmalaki na siya ay nabuhay ng labing anim na taon na di umaasa sa mga kaalamang dala ng mga banyaga.

“Maraming karunungan ang hindi kayang masukat. Mahal mo ang iyong wika, at ipinagmamalaki mo na ito ang kaya mong isalita, ngunit minamaliit mo ang iyong sarili sa pagkumpara sa iyo sa aking ama, at ang sabihin mo na ika’y mangmang. Ang aking ama ay makasarili at ganid; handa siyang mang-apak ng ibang tao upang makuha ang gusto niya. Wala siyang konsensiya, wala siyang kinikilalang anak. Ngayon pa lamang ay sinusunog na ang kaniyang kaluluwa sa impyerno,” sagot ni Ophelia. Nagbalik ang kislap sa kaniyang mata na kanina pa hinahanap ni Sining ngunit agad itong nawala. “Siya ang sumira sa buhay ng aking ina.”

“Maliban sa kulay ng mata, kamukhang kamukha mo ang iyong ina, nakita ko ang larawan sa sala,” hindi napigilan ni Sining na sabihin habang nakatitig sa mukha ni Ophelia. Kinagat ng insulares ang mapupulang labi; hindi nagustuhan ang sinabi ni Sining.

“Ipinagdarasal kong iyon lamang ang nakuha ko sa aking ina,” sagot ni Ophelia. Sa isang mabilis na kilos, nakita ni Sining na kiniling ni Ophelia pakaliwa ang namamaga niyang paa, at nanlaki ang mata ng dalaga sa narining na tunog ng butong nagkiskisan at sa sakit na nadama.

“Aray,” naibulong na lamang ni Sining sapagkat naubusan siya ng lakas upang lumikha pa ng tunog.

“Patawad. Kapag pinatagal pa natin ay lalaki pa ang pamamaga at lalo kang mahihirapan. Kapag binalaan naman kita ay baka masipa mo ako,” ani Ophelia. Nginitian niya si Sining habang patuloy na inikot ikot ang paa nito. “Ayos na iyan, tingnan mo, nakagagalaw na ng malaya.”

“Maraming salamat,” sagot ni Sining. Patuloy niyang tinitigan ang mga kamay ni Ophelia na humahagod sa kaniyang sakong, at di niya inasahan ang kawalang naramdaman nang tanggalin niya ito.

“Walang anuman. Patawarin mo ako’t naging malalim ang ating usapan. Nakalimutan ko tuloy na magpakilala; ang pangalan ko’y Ophelia,” sagot ng dalaga. “Isa akong pintor, paminsan minsan ay nagsusulat ng mga tula, ngunit hindi pa ako magaling sa pagtugma.”

“Ngunit magkatugma ang dalawang huli mong linya, mahirap isipin na ika’y pumapalya,” biro ni Sining, sabay ngiti ng makitang natawa si Ophelia. Agad ibinaba ni Sining ang mukha sa hiya sa sinabi.

“Hindi masamang ngumiti, Aida. Maaari ba kitang tawaging Aida?,” tanong ni Ophelia.

“Sining. Iyon po ang aking palayaw. Kinuha ako ng inyong ama upang maging personal na lingkod ninyo,” sagot ni Sining.

“Alam ko kung bakit ka kinuha ng aking ama, ngunit wala akong pakialam kung nandito ka upang baguhin ang aking ugali. Ang mahalaga ay nandito ka na, akala ko’y hindi na kita makikitang muli,” sagot ni Ophelia. Nakita ni Sining na nanumbalik ang kislap sa abuhin nitong mata.

“Ano pong ibig ninyong sabihin?,” tanong ni Sining.

“Kanina. Nakita kita kanina habang nakatanaw ako sa palengke. Ikaw ang babaeng nakadungaw sa bintana ng kalesa. Tinitingnan mo rin ako,” sagot ni Ophelia na nakangiti.

“Hindi maaari ang inyong sinabi,” sagot ni Sining, ayaw pahuli na siya nga ay nakatitig kay Ophelia.

“Hindi ako maaaring magkamali, Sining. Malinaw ang aking mga mata. Isa pa, may pruweba ako,” ani Ophelia. Hindi na napigilan pa ni Sining ng gumalaw ang dalaga at pinulupot ang isang braso nito sa kaniyang beywang. Nagulat ang kayumanggi sa angking lakas ni Ophelia nang alalayan siya nitong tumayo. Napahawak na lamang si Sining sa mga balikat ng dalaga upang hindi mawala ang balanse. Nadiskubre ni Sining na mas matangkad ang dalaga sa kaniya ng ilang pulgada.

“Maaari po bang balaan ninyo ako kapag gagawin ninyo iyan sa susunod?,” ani Sining na bahagyang nairita. Hindi nakatulong ang ngiti na isinukli sa kaniya ng dalaga.

“Kapag binalaan kita ay hindi ka naman papayag. Wala namang nangyaring masama, nakatayo ka na,” sagot ni Ophelia. Ngayon lamang napansin ni Sining na siya ay nakakapit pa rin kay Ophelia kaya’t sinubukan niyang pumiglas. Ngunit humigpit ang pagkakahawak ng maputing braso ni Ophelia sa beywang ni Sining.

“Kumapit ka lang. Huwag mo munang pwersahin ang iyong paa. Halika,” ani Ophelia. Nainis si Sining na wala siyang magawa kundi sumunod sa dalaga. Kahit paika-ika, inakay ni Ophelia si Sining palabas ng kuwarto. Nakita ni Sining ng buksan ng dalaga ang pintuang nagdudugtong sa dalawang silid at alalayan siya nito papasok. Hindi inasahan ng dalaga na ganitong kaaga pa lamang ay makapapasok na siya sa silid na iyon.

Bumati kay Sining ang makulay na Silid ni Ophelia. Ang tanging puting makikita sa kuwartong iyon ay ang mga kobre kama at punda sa kutson ng dalaga na tatlong beses ang laki sa kama ni Ophelia. Ang kulay pulang kulambo ay kasalukuyang nakatali sa apat na poste ng kama na gawa sa kahoy, inukit at binarnisan. Walang naiwang bahagi ng pader ang hindi napintahan ng mga larawan ng bulaklak, ng dagat, bundok, bukid at mga eksena sa daan. Napuno ito ng mga pinturang malarosas, berde, bughaw, kayumanggi, dilaw at iba’t iba pang kulay na hindi alam ni Sining kung paano pangalanan. Imbes na mahilo sa dami nang nakikita ay nakadama ng kakaibang kapayapaan ang dalaga sa mga larawan na nakaguhit sa pader. Patuloy na inakay ni Ophelia si Sining patungo sa kaniyang kama. Sa gilid ng kama at kulay asul na tukador ay nakatukod ang ilang larawang ipinintura at nakakuwadro. Wala sa mga ito ang nakasabit. Isang larawang nakakuwadro ang nakapatong sa isang kahoy na may tatlong paa at nakaharap sa kama. Sa tabi nito ay may silya kung saan nakapatong ang ilang bote ng pintura at tatlong pinsel, hindi pa ito tapos.

“Nagustuhan mo ba?,” tanong ni Ophelia. Inihahanda na ng dalaga ang kaniyang sagot ng makitang hinahaplos ni Ophelia ang kulay pulang kulambo. “Ito ang huli kong binili sa España bago ako bumalik rito.”

Hindi makapaniwala si Sining. Sa dinami dami ng larawan na nakapinta sa kaniyang pader at mga kuwadro na sigurado siya na si Ophelia ang may likha, pinili ng dalagang ipagmalaki ang isang pulang kulambo.

“Hindi ko masabi, kakaiba,” sagot ni Sining. Natawa si Ophelia at hindi ito nagustuhan ng dalaga. Pakiramdam ni Sining na mayroon siyang hindi nalalaman na batid ni Ophelia, ngunit hindi na lamang niya ito ipinakita.

“Alam ko. Inis na inis ang aking ama sa tuwing nakikita niya ito. Kaya naman hindi ko pinatatanggal..,” bagaman nakangiti, napansin ni Sining na nawala ang liwanag sa mga mata ni Ophelia at iniyuko niya ang mukha upang itago ang nadamang galak.

“Ngunit hindi iyan ang nais kong ipakita. Ito,” dahan dahang inikot ni Ophelia si Sining hanggang sa kaharap na ng dalaga ang hindi pa tapos na larawan na nakapatong sa kahoy na may tatlong paa. Napanganga si Sining nang makita ang sariling mukha na nakaguhit sa puting katsa ng kuwadro. Hindi pa tapos ang kulay nito sapagkat may ilang bahagi pa ng buhok at katawan ang hindi napintahan. Iginuhit siya ni Ophelia habang nakadungaw sa bintana ng kalesang kamukhang kamukha nang sinakyan nila ng kaniyang Tiya Olga patungong Malolos. Ilang bahagi na ng larawan ang tapos nang kulayan. Pakiwari ni Sining ay mga eksena ito sa palengkeng kanilang nadaanan; ngunit hindi siya nakasisigurado sapagkat malabo ang pagkakaguhit dito. Sa katunayan, ang tanging malinaw na bahagi ng larawan ay ang mismo niyang mukha at kulay rosas na ngiti.

“Paanong..?,” panimula ni Sining, manghang mangha sa kakaibang pagkakahalintulad ng kaniyang wangis sa mukha ng babae sa larawan. Sa kakaunting pagkakataong tumitingin siya sa salamin, hindi sanay si Sining na tinatawag na maganda ang sarili, ngunit hindi maitanggi ng dalaga na nagustuhan niya ang nakikita ngayon sa larawan.

“Ito ang ginagawa ko kanina nang marinig ko ang kalabog sa iyong silid. Sabi ko sa iyo, nakita na kita. Natutuwa akong makita kang muli, hindi ako masyadong sigurado sa kulay ng iyong mga mata,” iniangat ni Ophelia ang isang maputing daliri upang haplusin ang isang matang hindi pa nakulayan. “Ngayo’y alam ko ng ito’y kayumanggi,” dugtong ni Ophelia habang nakatitig sa mga mata ng Sining na nasa kaniyang mga bisig.

“Ngunit hindi ako iyan, hindi ako ganiyan kaganda,” sagot ni Sining, iniyuko niya ang kaniyang ulo sa hiya.

“Pinupuri mo lamang ang iyong sarili,” ngiti ni Ophelia.

Umiling si Sining, “hindi gayon ang nais kong palabasin, señorita..,” panimula ni Sining, ngunit iniupo na siya ni Ophelia ang kausap sa kaniyang kama at tinalukuran ito upang kulayan ang mga mata ng babae sa larawan.

“Ophelia. Tawagin mo akong Ophelia,” nilingon ng dalaga ang morenang nakaupo sa kaniyang kama, at muling nakita ni Sining ang kislap sa abuhin niyang mga mata.


7 responses »

  1. First!yey!XD.I didn’t expect na Ophelia will be that cheeky!lol.Made me smile until the end;)). Are you busy with finals already? Medyo nahalata ko lang kasi na medyo may mga typo dito(unlike the last two). Want me to proof-read?lol.just kidding.

  2. Dii ko pa nga naproof read, haba kasi e :P haha, tamad! Tsaka hinabol ko yung Sunday deadline ko kasi feeling ko may nagaabang, kahit na sa ibang orasan siguro Monday ko na napost. Nahiya naman ako, gawin ko ngayon, thanks!

  3. DONE! Yuck kadiri mga typo ko, may continuity errors pa. You’re welcome to reread, the whole thing is three times better than the last one. Lesson learned for me. :D

  4. nakakakilig naman ang first physical encounter nina Ophelia at Sining! na-mesmerize sila sa isa’t isa :) great job sa kilig factor :)

  5. oh yeah.. nagkta na cla.. npaka sweet naman pla ni maud i mean c ophelia pla.. :)) kinikilig aq hbng bnabasa.. nice! nice! great job!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s